Sunday, November 4, 2018

Ang Di Pwede Dito

Photo taken last October 27, 2018
9:06pm Klir Resort, Bulacan


Di Pwede Dito.

Ilang beses kong sinubukan, paunti unti; ilang beses kong inabot, paunti unti; ilang beses kitang nginitian, paunti unti; ilang beses kitang kinausap, paunti unti. Paunti unti rin naubos yung rason na kaya kong ibigay para gumawa ng paraan. Paunti unti ring napagod sumubok. Paunti unti na ring nagsawang abutin ka. Paunti unting napagod sa hindi pagpansin. Paunti unti.

At sa huling pagkakataon, sinubukan ko pero siguro nga matagal ng tapos yung di pa man nagsimula talaga. Matagal ng wala yung hindi naman talaga nagkaroon. Matagal na. Matagal na pero naiwan ako. Naiwan ako sa pwestong kaya kitang hawakan, kahit anong oras, pero di pwede dito.

Di na pwede dito.

Di na pwede na sa kada makikita kita, ngingitian kita o tatango ako para alam mong nakita kita. Di na pwedeng hahayaan kong malaman mong naisip kita. Di na pwede susubukan kong kausapin ka pa. Di na pwedeng mauna ako. Sinubukan ko pero hanggang dito na lang ako. 

Nung nakita kita, gustong gusto kong ngumiti sayo kasabay nung kabog ng dibdib ko.
Nung nagkatinginan tayo, gusto kong sabihin na masaya akong nandito ka.
Nung gusto kitang kausapin, gusto kong kamustahin ka hanggang sa ayoko ng matapos ang mga salita.
Nung kaya kitang hawakan, gusto kong higpitan katulad dati sa tuwing dadalhan mo ako ng kung ano, sa tuwing natotoxic ako sa duty. Hindi ko gugustuhing pakawalan ka.

Pero hanggang dito na lang para matapos na.

Nung nakita kita, pinalagpas kita.
Nung nagkatinginan tayo, pinalagpas kita.
Nung gusto kitang kausapin, pinalagpas kita.
Nung kaya kitang hawakan, pinalagpas kita.
Pinapalagpas na kita.
Pinapalagpas na kita, sa wakas.

Gustong gusto kong magtapos na kasi alam ko, yung mundo nating dalawa mas magiging maluwag, mas magiging tahimik kapag gumalaw tayo at hindi na natin maaabot ng ganun lang ang isa't isa. Gusto kong matapos na para hindi ko maiisip na kahit anong oras pwede kitang makita, na pwede akong maging masaya ng tuluyan na wala ang konsepto mo. Gusto kong matapos na para hindi ko na kailangang umiwas sayo at di ko kailangang pigilan yung sarili ko na kausapin ka, yakapin ka at kamustahin ka. Gusto kong matapos na, baka sakaling matapos na rin 'tong nararamdaman ko. Gusto kong matapos para kumawala na ako sa anino ng ngiti mo. Gusto kong matapos para mapalaya ko rin sa wakas yung sarili ko - hindi ko kakailanganin magpigil, hindi na kailangang umiwas, hindi na dapat magpanggap. Malapit na. Konting mga araw na lang, matatapos na rin.


PS. "Hindi. Beer." *andun ka sa dulo, nagtaas ng kamay*

at babalikan ko ang mga salitang yan para alam ko na yung iba pang mga salita, malamang hindi rin naging totoo.

PPS. Naging totoo ako at ang mga salita ko. Sa parehong araw na yan, alam kong di pwede dito. Di na pwedeng mulit dito. 

Saturday, August 18, 2018

Ang Sana Alam Mo Yun.


Kinulang ba talaga ako sa pagsabi sayo na gusto kita? O baka di ko talaga nasabi sayo kahit kailan? Pero alam ko ginagawa mo kasing biro yung lahat, di mo rin naman eksaktong sinabi na gusto mo ako noon kaya di na din ako nagsalita. Kaya hinayaan lang kita. Ilang buwan na din yun. Ilang buwan na pero parang nung isang buwan lang. 

Hindi ko alam yung eksaktong meron sayo. Hindi ko rin alam kung anong nakita ko sayo pero tumatak ka. Hindi ka man tumatak nung mga nakaraang taon. Hindi ko man alam na may isang katulad mo sa maliit nating mundo, pero simula nung tinanong kita noon, alam kong magiging importante ka sa akin. Importante ka pa rin. Importante ka na lagi. Sana alam mo yun.

Hindi man maayos 'tong mundo na 'to at baka malamang nadala tayo sa iwasan, sa hindi pagpansinan, o baka dahil yung buhay natin di na lang umeksakto, pwede din nagkahiyaan, pwede din naman may mga bagay at tao kasing mas mahalaga kaysa sa tugmaan nating dalawa, pero napasaya mo ako. Sana alam mo yun.

Gusto kita. Gusto kita noon. Gusto pa rin kita ngayon. Sana alam mo yun (kahit malamang hindi)

May mga bagay na kaya kong ipaalam, meron din sigurong hindi pero gusto ko lang malaman mo, nandito ka pa rin. Nandito lang. Nandito lagi. At nandito lang ako para sayo at sa lahat ng 'to, gusto kitang hindi ma-miss, pero lagi kitang namimiss. Sana alam mo yun pero di na katulad ng dati, di ko na mapaalam.


PS. Mishu pero okay na ako sa ganito. Okay na ako sa oras at panahon. Okay na ako sa distansya. Naging okay na ako.


Sunday, August 12, 2018

Ang Gustong Mapili




Siya:
Ang tagal naman ng laro namin. Dapat pangdalawahan pero hinayaan kong may makalaro siyang iba. Gago ko lang na sa laro namin, ipinusta ko pati yung puso ko. Di ko naman sinabi na pinaglalaruan niya ako kasi malinaw sa akin na laro yun pero malinaw naman sa kanya na di lang yun laro para sa akin, na kahit anong oras kayang kaya ko siyang seryosohin. Gago ba ako? Gago ba ako para umasa na titigil din yang laro niya at sa dulo seseryosohin niya ako? 

Masaya ako sa kanya pero limitado lang kami. Kaya ko siyang hawakan, yakapin, halikan pero palihim. Sinasabi niya rin naman na mahal niya ako, importante ako, gusto niya ako pero patago. Ang hirap lang na nasasaktan ako pero sa parehong pagkakataon, di ko gustong mawala siya kasi malinaw sa akin na sa lahat ng 'to, siya yung gusto ko at mahal ko. Pipiliin ko siya kahit anong oras. Sana ako rin, isang araw dumating, mapili niya, sa wakas. 


Ako:
Di ka naman pangit. Mabait ka rin naman. Okay ka naman pero bakit kailangang makuntento ka dyan sa laro? Buong buo mong binibigay yung lahat sa isang tao habang siya, ano? Kalahati? Wala pa sa kalahati? Kung umaasa ka na matatapos ang laro at siguro seseryosohin ka rin niya, di naman masama pero sa pag-ibig mo sa kanya, siguraduhin mong may iiwanan ka pa rin sa sarili mo. Di mo kailangang makuntento sa kaya niyang ibigay dahil maniwala ka, may tao dyang kayang ibigay ang buong buo niya para sayo. Ikaw lang e, gustong gusto mong mapili ng isang tao na alam mong umpisa pa lang, di ka na mapipili. Sa kada sasambitin niyang mahal ka nya, gusto ka nya o importante ka sa kanya, naisip niya bang winawasak ka niya? Na baka masaya ka sa puntong yun, pero hanggang saan? Hanggang kailan? Hanggang kailan mo kayang ipaglaban yung isang taong patago yang nararamdaman para sayo? Yun ba yung pag-ibig, tinatago? Yun ba yung gusto ka, yung tipong palihim? Yun ba yung mamahalin mo ng buo, yung ni hindi ka kayang panindigan?

Minsan, gago lang talaga yung pag-ibig pero madalas gago yung mga taong umiibig. Di kita masisisi pero sana totoong masaya ka, sana totoong kaya mong sumaya sa kakaunti, sa kalahati, sa bahagi, sa kulang, sa di buo. 

PS. C, wag mong kalimutang mahalin din yang sarili mo.

Saturday, August 11, 2018

Ang Umamin At Hindi Na Muling Aamin

Ang hindi na muling aamin:
Aminin mo na.

Ang umamin:
Nagawa mo na ba yang inaadvise mo?

Ang hindi na muling aamin:

Umamin? Once lang ako umamin, 2011 yun. Ako niligawan eventually, bezt. Naging kami nung 2014. 

Ang umamin:
Miss universe!

Ang hindi na muling aamin:
Hahaha! Deserve ko naman ligawan noh.

***Makalipas ang ilang minuto***

Ang umamin:
Nasabi ko na pero may dinidate na daw sya. Mag-one month na and gusto na din niya pero we can be friends daw.

Ang hindi na muling aamin:
At least naging honest ka. Abangers ka na lang. Actually yan nangyari samin nung ex ko. Kapag may jowa siya, single ako. Kapag single siya, may jowa ako. Kaya naging matagal bago naging kami.

Ang umamin:
Ang sakit pala. My first heartbreak. Naiiyak ako. Akala ko kasi single siya, walang ka-date ganyan.

Ang hindi na muling aamin:
Pero nirisk mo umamin

Ang umamin:
I just felt that I need to say it.

Ang hindi na muling aamin:
Buti ka nga, nasabi mo. Ako, di na ako umamin ulit kahit kanino after nung sa isang beses na yun. Baka din di meant to be or di pa tamang time para sa inyo.

Ang umamin:
Sana

Ang hindi na muling aamin:
Pero proud nga ako sayo kasi na-express mo yung sarili mo. Sabi ko kasi dati sa sarili ko never na ulit ako aamin.

Ang umamin:
Excellent ba para sa first timer? Hehe

Ang hindi na muling aamin:
Oo! Tangina, desidido ka agad e. Ako, hindi ko na maibigay agad. Siguro yan yung advantage mo kasi ready ka pa mag-risk talaga. Sakin kasi, dahil siguro naka-ilan na din ako, kaya careful na ako.

Ang umamin:
Mapili ako pero sure ako kapag sinabi kong gusto ko.

Ang hindi na muling aamin:
Malakas loob mo, bezt. Ako, hindi. Mas gugustuhin kong di umamin. Mas gusto kong mukhang di ko gusto para kung iwan ako, mas magiging madali.

***Kinabukasan***

Ang umamin:
Akala ko okay na ako, pag-gising ko, chinat ko siya. Ayun, ang sakit ulit.

Ang hindi na muling aamin:
Okay lang yan! Isipin mo ha, tinanggihan ka pero nandyan ka pa rin. Tangina, solid. Ako, di ko kaya yan.

Ang umamin:
Wala e. First time ma-inlove. First time din ma-heart broken.


Hindi ko makita kahit kailan na mali ang umamin - "Gusto kita", "Mahal kita" Kung malakas ang loob mo, bakit di mo aminin? Wala naman mawawala. Pero di ako impokrita kasi isang beses ko lang ginawa yun at di ko na uulitin kahit kanino. Matapos ang iilang relasyon, matapos akong maiwan ng ilang beses, matapos akong maloko ng ilang pang mga beses, mas pinipili kong piliin ako bago ko piliin yung isang tao. Mas pinipili kong gustuhin muna ako sa buhay niya bago ko aamining gusto ko rin siya sa buhay ko. Pinipili ko lang yung sarili ko dahil alam ko kung paano ako kapag nagmahal. Madalas tanga. Minsan nagpapakagago kahit niloloko na. May pagkakataong inaabuso. Kaya ko din siguro natutunan 'to pero walang mali sa pag-amin.

Kakaiba yung pag-ibig na di humihingi ng kapalit. Totoo. Sinsero. Walang bahid ng kahit anong kamalian. Nakakatuwang isipin na makatagpo ka ng isang tao na kaya mong sabihing "Mahal kita" kahit na yung sagot ay katahimikan. Para bang sinasabi mo na mahal mo sya ng walang kahit anong kundisyon, hindi nag-aabang ng "Mahal din kita" Yung pag-ibig na ibinibigay mo ng malaya at sa parehong paraan pinapalaya mo siya. Yung pag-ibig na nagbibigay at hindi kumukuha. Yung pag-ibig na kusa at hindi pinipilit. Yung pag-ibig na gusto mo lang maramdaman at malaman niya kahit di mo alam yung eksaktong lugar mo sa buhay nya. Solid. 

Pero sana kapag nakakuha ka ng "gusto rin kita" o "mahal din kita", aalalahanin mo buong buhay mo yung eksaktong panahon na ikaw ang pumili sa kanya at sa parehong paraan ay pinipili ka niya, para di ka gago na manloloko sa dulo.


PS. Wala akong naging ka-relasyon na di ako niloko kaya ganito ako mag-isip. Kaya di na ako aamin ulit.



Friday, August 10, 2018

Ang Natapos At Hindi Pa Natapos

Nakakausap kita...
Nakakasama kita...
Nagkakatext pa kung minsan...
...dati

Minsan binabati kita. Kung minsan naman di ko napipigil na sabihin sayo noon na namiss kita. Sinubukan ko para siguro di gaano mapansin yung ayoko ring pansinin na pagkagusto ko sayo. Wala naman yata kasing gustong magmukhang desperada. Walang may gustong mag-assume lalo kung mas malabo pa yata yung pinapakita at sinasabi mo sa ilog Pasig. Hindi rin siguro naging okay sa akin yung di ko alam kung paano tayo sa mga susunod na araw - tipong ngayon okay ka, sweet, bukas wala lang, sa susunod na araw, di ko alam. Isa kang walang kasiguraduhan, pati yung pinakita mo noon, pero sa mga di siguradong mga yun, matapos ang mahabang paglayo ng puso ko sa ibang tao, naging sigurado ulit ako - sa iyo pa.

Ang labo. Siguro urong sulong pero parang mas madalas kang umurong sa kung anong lagay natin noon. Kahit anong gusto kong samahan ka sa mga susunod na kinabukasan natin dati, tila ba nakakatakot ding hayaan ko yung sarili kong ipusta yung puso ko sa isang taong ni hindi ko alam kung kaya bang pumusta sa akin. Biglang nawala. Siguro may mga konting oras na hinayaan ko yung sarili kong sabihing namiss kita. Paminsan pa nagtatanong ako "Anong problema?" Minsan gusto lang kitang makausap o makita, pwede na rin kahit makatext man lang. Madalas hahayaan ko yung sarili ko na piliin ka.

Hanggang sa mas pinili kong wag na lang. Napagod siguro ako. Yung para akong patagong naghahabol sa isang taong patagong tumatakbo palayo. Siguro sa tanong ko na "Anong problema?" wala ka naman maisagot talaga kaya di na din lang ako nagtanong ulit. Baka dahil sa kada papansinin kita, tumitingin ka rin naman palayo. Ayun, napagod. Tinapos ko na din yung ideya ng ikaw at ako. Tanggap ko na wala na. 

Natapos.
Natapos na yung pagtagong pagtangis ng puso ko sayo. Natapos na yung marurupok kong pagkakataon para lang makausap ka. Natapos na yung hinahayaan ko yung sarili kong tanungin ka pa. Natapos na yung pagbati ko sayo. Natapos na.

Natapos man ang para kong paghahabol sayo, hindi pa rin naman natapos yung pagkagusto ko sayo.

Gusto pa rin kita, malamang. Siguro kasi ayoko ng maging sigurado 'pagdating sayo. Gusto pa rin kita sa buhay ko pero hindi na siguro ako kailangan magtanong pa, magpilit pa, magpapansin pa kung talagang gusto mo ring manatili sa buhay ko.

Hindi na ako magtatanong pa ng "Anong nangyari?" Hindi ko na rin hahayaang mag-isip pa sa mga dinaan mong biro. Hindi ko kailangang pansinin ka pa. Hindi ko kailangang maunang kumausap sayo. Hindi na.

Hindi ko na kasi gustong kayanin. Hindi ko na gustong magtanong. Hindi ko na gustong maghabol ng patago, kahit na ikaw yung gustong gusto ko. Ayoko ng maging sigurado sa pagkagusto ko sayo.



PS. Dahil iba pa rin talaga ang consistent. Iba pa rin yung nakalatag yung feelings ninyo - pinapakita at sinasabi. Dahil di natin deserve ang malabong usapan.

Wednesday, August 8, 2018

Ang Sana Sinabi

Sana sinabi ko.
Sana sinabi kong gusto kita, baka kasi kinulang yung mga pinakita ko.
Sana sinabi kong importante ka sakin, baka kasi hindi mo pala nalaman noon.
Sana sinabi ko kung gaano ako kasaya na nandyan ka, baka kasi akala mo ayaw kita sa buhay ko.
Sana sinabi kong basta sayo lagi akong may oras, baka kasi inakala mong di kita kayang bigyan ng panahon.
Sana sinabi ko na kahit gaano ako katoxic, makita lang kita nawawala lahat ng pagod ko.
Sana sinabi ko na paborito kong yakapin ka.
Sana sinabi ko na mas inaabangan kita kaysa sa pagkain na dala mo.
Sana sinabi ko baka andyan ka pa.

Sana sinabi mo.
Sana sinabi mo na importante ako sayo, nalito kasi ako kung ano ako sayo.
Sana sinabi mo na totoong gusto mo ako, hindi puro joke.
Sana sinabi mong antayin kita, baka sakaling hanggang ngayon kaya kong panindigan ang pag-aantay sayo.
Sana sinabi mo na kaya mo akong bigyan ng panahon.
Sana sinabi mo na di mo ako iiwan pero iniwan mo nga pala ako, sa ere na akala ko magiging masaya tayo.
Sana sinabi mo na di ako mag-iisa pero bigla mo lang akong kinalimutan.
Sana sinabi mo kung merong iba, di naman ako mamimilit.
Sana sinabi mo kung anong mali para di naging mailap ‘tong tadhana natin.
Sana sinabi mo baka andyan pa ako.

Sana sinabi ko na...
Sana sinabi mo na...
Sana sinabi ko pero hindi ko nagawa.
Sana sinabi mo pero hindi mo nagawa.
Sana sinabi natin; gaano kaya tayo kasaya ngayon sa isa’t isa?



PS. Dahil di ako makaget-over sa pinanood namin ng pinsan ko na movie na “Carol” kahapon ng madaling araw. Lalo yung parte na nagsisi sya at sana sinabi nya na lang na antayin sya, kaysa lumayo sya. Huhu. Solidddd. 

Tuesday, July 24, 2018

Ang 11:20 Ng Gabi

Ano ang pinagkaiba nitong gabing ‘to sa iba pang mga gabi?
Hindi dahil birthday ko nung gabing yun.
Hindi dahil may nagpakilig sa akin.
Hindi dahil may gustong bumalik.
Hindi dahil may nanindigan.
Hindi dahil may nakaalala.
Hindi dahil may nagpahalaga na.
Hindi dahil may nagbigay importansya na.

Kundi dahil bumitaw na. 
Bumitaw na ang matagal na akala ko’y di makakabitaw.
Bumitaw kahit ayaw naman talaga.
Bumitaw dahil kailangan.
Bumitaw dahil di na pala dapat ipaglaban yung taong di ka ipaglalaban.
Bumitaw dahil sa patagong paghahanap ko sayo, yung puso ko baka di na kayanin pang pigilan na hanapin kang muli.
Bumitaw dahil sa liit ng mundo nating dalawa ngayon, gusto kong maging malaki ‘to para di tayo magtagpong muli, para di mo kailanganing umiwas, para di ko kailanganing magpanggap na ayos lang yung di mo pagpansin.
Bumitaw kahit sa tuwing nakikita kita, wala akong gustong ibang gawin kundi kausapin ka, yakapin ka pero sa parehong pagkakataon, sa tuwing nakikita kita, nadudurog ako.
Bumitaw dahil oo nga pala, nung kayang kaya kitang panindigan at piliin, para kang bula, nawala.
Bumitaw dahil nagpaalam ka ng patago.
Bumitaw dahil matagal ka namang bumitaw na.

Bumitaw na ako.
Sa wakas, nakabitaw na ako.
Sa wakas.

Hinding hindi na ako ulit magtatanong kung bakit di mo ako pinansin.
Hinding hindi na ulit ako magtataka.
Hinding hindi na magnanakaw ng sulyap sayo.
Susubukan.

Putangina.
Bakit sa lahat, ikaw pa?
Bakit kasi ikaw pa?

Thursday, July 12, 2018

Ang Mga Binigyan At Nagbigay Ng Second Chance



T: Galing ako sa 11 years na relasyon. Hiniwalayan niya ako. Gustong gusto kong mag-move on. Di ko ineexpect na may makikilala ako at magmamahal ulit kahit isang buwan pa lang kaming naghiwalay.

F: Ikaw, J? Diba long term relationship din?

J: Oo.

F: Kamusta kayo?

J: Civil lang.

*Nagtawanan

J: Di ka nanloko kahit kailan, T?

T: Dalawang beses.

J: Nalaman niya?

T: Oo pero pinili niya akong patawarin. Pinili niyang ituloy namin yung relasyon.

F: Gago. Kapag may iba, dapat yan binibreak-an na. Hiwalay agad. Ang kapal ng mukha mo.

Bat ikaw, J? Nanloko ka na?

J: Oo pero di ko maiisip yung buhay ko na wala siya. Nalaman niya. Pinatawad niya ako. 

*Medyo may konting katahimikan

T: Di ko kasi namamalayan din na nafall out of love na ako, matagal na. Ayokong makipaghiwalay kasi gusto kong ayusin. Gusto kong subukang ayusin.

F: Alam mo, T? Sinayang mo oras ninyo. Dapat nung nafifeel mo na wala na, hiwalay agad. 

T: Gusto ko nga kasing ayusin.

F: Edi ayan, nagsayang kayo ng oras ninyo. Imbes, nakahanap kayo ng taong swak sa inyo, nagsayang kayo sa inyo.

Mukhang rebound tuloy yang bago mong girlfriend.

T: Hindi. Papatunayan ko sayo.

F: Gago, wala kang papatunayan sa akin pero mukha pa ring rebound yan.

T: Hindi talaga. Hindi. Alam mo yung love na unexpected? Ito yun e. Hindi ko inexpect na darating siya sa oras na yun pero seryoso ako. Alam niya lahat. Sinabi ko lahat. Wala akong tinago. Alam mo yung ito na yun. Yung alam ko yung mangyayari kung manloloko ako ulit kaya ayokong ulitin.

F: Ikaw, J, bakit mo nagawa?

J: Matagal kong kilala na yun dati tapos parang nakapag-usap. Ayun na pero wala pang isang buwan yun, nalaman agad. Pinatawad ako. Hindi ko rin maisip na mawawala yung boyfriend ko sa akin. Ayaw ko. Sa kanya pa rin ako babalik.

F: Kung ako yun? Hiwalay agad. Kaya nga yung pinakamatagal kong relasyon wala pang 2 years

J: You should give a second chance

F: Yung una kong jowa, nalaman yun pati ng magulang ko, ng pamilya ko. Gagong yun, harapan kung lokohin ako pero paulit ulit kong pinapatawad. Tipong “Uy, nagpractice kami maghalikan ni D****” ganyan, ganito pero sige lang. One time, birthday ko, nagpadala ng regalo sa bahay, nabasa ng nanay ko yung letter. Kinausap niya ako, sabi niya “May kahati ka pa? Wag na wag kang papayag na may kahati ka” at simula noon, kung lolokohin ako, tapos na. Ilang beses gumuguho mundo ko dahil lagi akong niloloko. Kaya ito, 2 years mahigit na akong single. Okay pa naman ako.

J: Iba-iba talaga tayo kapag sa love. Depende rin sa napagdaanan natin.

F: Pero umaasa pa rin ako may taong di ako lolokohin.


Iba’t iba nga siguro tayo ng pananaw sa pag-ibig pero sa tingin ko, ang pag-ibig na ibinibigay mo, ay siya ring pag-ibig na babalik sayo. Hindi man sa ngayon, hindi man sa taong gusto mo, pero babalik sayo yun sa paraang hindi mo inaasahan.

Ang laki siguro ng chance ng bawat isa na manloko sa jowa nila pero siguro sadyang di ako ganun. Sadyang di ko makita yung punto na meron akong jowa habang may lalandiing iba. Masyado yatang malaki ang tingin ko sa pag-ibig at relasyon. Masyado yatang mahalaga sakin ang tiwala. Di ko sinasabing hindi ganun sa iba kaya nagagawa nilang manloko pero sabihin na lang natin na kapag may pinili ako, dun ako. Kapag may pinili ako, sa kanya lang ako. Kapag may pinili ako, hindi ako pipili ng iba. Pinipili ko lang na mas pahalagahan yung pinili ko kasi ayokong mawala yun hangga’t maaari. Pwede na ba yun?

Hindi sa hindi ako nagbibigay ng second chance pero pinipili ko lang  yung second chancessssss na yun at hindi ko ibibigay yun kapag niloko ako. Kung pinili akong lokohin, edi yun na yun. Hindi ko gustong seryosohin pa yung taong niloko ako. Paano ko ibibigay yung buo ko sa taong winasak yun? Ako lang ‘to. Hindi ko alam sa iba, pero mas gusto kong mag-isa kaysa magkaroon ng karelasyon na niloko ako. Ayokong sayangin ang oras ko, mas ayokong sayangin ang pag-ibig ko.

Wala pa yata akong relasyon na hindi ako niloko. HAHAHA Iniisip ko na lang learning process ako ng ibang tao, malas lang na sa adulting nila, napili akong palipasan ng kagaguhan. Kada pagtapos ng mga yun, sobrang parang gumuguho yung mundo ko, sumisikip ang dibdib ko, gustong gusto kong manghingi ng tulong, gusto kong magtanong anong mali, gusto kong magmakaawa, gusto kong makalimot agad-agad pero hindi ganun kadali. Sa ilang beses na piniling lokohin ako, ilang beses ko din kailangang piliin ang sarili ko. Sa ilang beses na pagpiling bitawan ako, ilang beses ko din kinailangang hawakan yung sarili ko. Sa ilang beses na yun, ito ako. Kaya siguro mahigit dalawang taon na akong single. Kaya siguro sa mahigit dalawang taon na yun, wala akong piniling i-date. Gusto ko sanang matapos na ang laro at di na ako madamay sa learning process ng ibang tao. Gusto ko sanang wag manghuhula kung mahal ako ng isang tao. Ayoko na sa laro. Ayoko na sa lokohan. Ayoko na sa gaguhan. Ayoko na mapaglaruan. Ayoko na maloko. Ayoko na magago.

Ganun pa man, naniniwala pa rin ako sa pag-ibig na totoo, na hindi nanloloko, sa hindi bumibitaw, sa hindi mo kailangang manghula kung mahal ka, sa wagas, sa hindi perpekto pero hindi din maghahanap ng kaperpektuhan sa iba. Sa pag-ibig na para sa akin lang. 


PS. Sa mga kaibigan kong sila JB and MT, kulang na lang ng gin at beer sa ER sa kwentuhan natin pero swak. Swak yun!

Monday, May 21, 2018

Ang Mahal Mo o Mahal Ka?



Sa mabuting pagkakataon, sa masayang panahon, sa tamang timing, nagkakatagpo kayo sa eksaktong panahon kung kailan pwede ang lahat, handa kayong dalawa, at sa eksaktong pagkakataon na yun, pareho kayo, mahal ninyo ang isa't isa, gustong gusto ninyo ang isa't isa, pipiliin ninyo ang isa't isa. Pero di lahat ng istorya ganyan. 

Di lahat may pagkakataong ganyan, yung eksakto, yung swak lahat sa banga. Di laging mahal ninyo ang isa't isa. Yung iba mahal mo o mahal ka. Kaya nga, sa totoo lang, sa kada istorya na swak ang lahat, na nagkaroon ng panahon para umamin sila sa isa't isa, na nag-risk sila, na ginusto nilang ipaglaban yung nararamdaman nila pareho, sobrang sobrang sobrang naniniwala ako sa pag-ibig, hindi man nagtagal, hindi man buong buhay, basta may punto sa buhay mo na nangyari yun, kakaiba. Nakatagpo ka ng panandaliang langit sa lupa.

Tanong 'to ng kaibigan ko sa amin:
Ano ang pipiliin mo, yung mahal mo o mahal ka?

Di ko masasabi kasi na panget na pagkakataon kung may nagmamahal talaga sayo, yung totoo, yung solid. Kung pwede lang na mahal ninyo isa't isa, syempre yun ang mas gusto ko pero kung sa pagkakataon na 'to, gusto kong piliin yung taong mahal ako.

Ang dali kasing piliin mo yung taong mahal mo, pero kapag pinili mo yun, para mong pinipiling masaktan ka, na sa susunod na mga araw o buwan, durog ka na. Ang daling magpakitang gilas ng pag-ibig mo para sa isang tao. Gago ka man na ayaw mong ipusta yang buong puso mo, peksman, mabibigay mo yan, yung tipong kulang yung matitira sayo, yung sa dulo, magtatanong ka kung paano ka. Ang daling piliin na dun ka sa mahal mo, pero sinong pipili sa sarili mo?

Mahirap din naman sa taong mahal ka pero di mo magawang mahalin. Para mong niloko yung tao pero higit pa dun, niloloko mo yung sarili mo. Hindi din kasi lahat ng mahal ka kaya mong mahalin. Panget na reyalidad, pero yun yung totoo. Na habang yung isang tao kayang ipusta sayo ng buong buo ang puso niya, kung sadyang di mo makita yung sarili mo sa kanya, wala talaga. Na kahit anong effort niya, kahit anong totoong pagmamahal ang ibigay sayo, kung di yun yung pagmamahal na hinahanap mo, wala din.

Sa totoo lang naranasan ko na pareho. Sabi kasi nila matututunan kong mahalin. Sobrang bait, okay kahit sa mga kapatid at pinsan ko, ipinakilala ko naman. Di naman panget. Alam at ramdam kong mahal ako. Pumusta ako sa taong mahal ako kahit alam kong di ko sya mahal sa eksaktong paraan na mahal niya ako pero binigay ko yung best ko (sa tingin ko) para ibigay sa kanya yung kaya kong ibigay na pag-ibig noon kaso sa huli, kinailangan kong pakawalan yung taong yun kasi hindi ko mabigay yung pag-ibig na sa tingin kong deserve niya. At nasubukan ko na ding ipusta yung puso ko sa isang taong ni hindi ko alam kung kakayanin akong mahalin noon. Ibinigay ko ng buo yung puso ko kahit sa tingin kong di niya ako mabigyan ng parte ng kanya. Lagi kong iniisip na baka maling timing. Magiging okay ako pero para ko siyang tinuring na pangarap. Pangarap na lang na hahayaan na sana makalimutan. Ilang ulit ko siyang iniwasan, binitawan, kaso di siya mabitawan ng puso ko ng tuluyan. Minahal niya din ako pero di pala yun yung pagmamahal na gusto ko. Di pala yung pangarap kong tao yung eksakto sa buhay ko pero di ko pa rin siya mabitawan hanggang siya ang bumitaw, kasi nakahanap ng pag-ibig na higit sa akin. 

At natuto yung puso ko na hindi na muling pupusta sa isang taong di kayang pumusta sa akin. Na kung pwedeng di ako ma-attach kahit kanino, gagawin ko, para lang di ako masaktan. Na iiwas na lang. Na kung di naman seryoso, hahayaan na lang. Na kung biruan lang pala, wag na lang. Na kung landian lang, di na lang. Na sana, sa susunod na magmamahal ako, sa taong mahal din ako, at kami yung eksaktong swak na hinahanap namin sa buhay ng isa't isa, na dun na sa makakasama ko habang buhay.

Kaya ngayon, kung sasagutin ko yan, kung ano ang pipiliin mo, yung mahal mo o mahal ka? Ayoko sa taong mahal ko. Ayoko din sa taong mahal lang ako. Dun ako sa taong mahal ako na alam kong kakayanin kong mahalin rin. Sa taong sasamahan ko, at sasamahan ako, sa pupusta sa akin at pupusta rin ako, sa mamahalin ako ng buong buo at kakayanin ko ring mahalin ng buo. Dun sa swak sa kung anong hinahanap ng buhay ko at sa parehong oras, eksakto din na ako ang swak sa hinahanap niya.

Di ko alam kung anong mas pipiliin mo pero sana sa lahat ng pag-ibig na yan, piliin mo din na mahalin ang sarili mo.

Saturday, May 5, 2018

Ang Pag-ibig Na Kailangan Mo




Di pag-ibig na perpekto ang kailangan mo kundi pag-ibig na totoo. Di pag-ibig na di napapagod kundi pag-ibig na di bumibitaw. Di pag-ibig na seryoso kundi pag-ibig na di nanloloko. Di pag-ibig na hindi nagkakamali kundi pag-ibig na pinipiling wag magkamali. Di pag-ibig na umiikot sa inyo lang kundi pag-ibig na kahit humarap sa mundo, lilingon pabalik sa pag-ibig ninyo. 

Isang sugal ang pag-ibig pero di ka pwedeng sumugal ng walang tinataya. Dapat alam mo na di lang puso ang tinataya mo dyan, pati na rin oras mo, malaking parte ng buhay mo at lahat ng plano mo sa buhay itataya mo. Dapat din na sa pagsugal mo sa pag-ibig, di lang ikaw ang susugal, pareho kayo. Pareho ninyong pipiliing sumugal sa isa't isa, magkasama.

Hindi lahat ng pag-ibig kailangan mong ipaglaban dahil may mga pag-ibig na dapat mong pakawalan lalo na kung sa proseso ng pagmamahal mo sa iba, yung sarili mo ang nawawala.

Hindi lahat ng pag-ibig dapat mong isigaw dahil kahit gaano pa kalakas ang sigaw mo kung di nya gugustuhing pakinggan yang nararamdaman mo para sa kanya, kung di kayo pareho ng nararamdaman, magiging bingi yan habambuhay.

Hindi lahat ng pag-ibig kailangang ngayon dahil may mga pag-ibig na di lang tama ang panahon.

Kaya sa susunod na magmamahal ka, tandaan mo ang halaga mo at kung di mo maramdaman ang halaga mo, matuto kang umalis dahil peksman, may darating na magpapahalaga sayo kasabay ng pagmamahal na totoo.

PS. 
Hindi mali ang umibig, mali lang talaga yung taong minahal mo. 
Mahal na mahal na mahal kita, Bestie CA. Hinding hindi ako mawawala. 

Wednesday, April 25, 2018

Ang Dalawang Mukha Ng Pag-ibig


C:
Ganun ko siya ka-gusto. Okay lang sakin kung ako lagi mag-initiate. Ako lagi unang magtetext, magpaparamdam. Pero pwede ba yun? Yung gusto din niya ako pero di siya nag-iinitiate?

F:
Oo naman, katulad ko. Bilang sa kamay ko yung beses na nag-initiate ako pero gustong gusto ko yung tao. Sobrang gusto ko siya kaso hinayaan ko lang siya. Hinayaan ko na lang.

C:
E bakit di ka nag-iinitiate? Bakit? Mahirap bang sabihin na gusto mo siya? Mahirap bang maging honest na lang?

F:
Siguro di ko man sabihin dati, sa tingin ko, naparamdam ko naman na gusto ko siya. Puro joke lang din naman yun dati kaya di ko naman talaga alam kung gusto niya rin ako.  

C:
Di ko alam pero sobrang napapraning ako. Umiyak na nga ako. Ako lang yata may gusto. Sobrang low ng self esteem ko na iniisip ko pa madalas kung bakit hanggang ngayon kinakausap niya pa rin ako.

F:
Ganyan ako. Kailangan isampal sa mukha ko na gusto ako bago ko malamang eksakto na gusto ako. Hindi lang ikaw yung ganyan. Pero sa ginagawa niya para sayo, gusto ka nya. Katulad ko lang siguro siya.

C:
Yun din iniisip ko minsan. Na siguro dahil sinaktan na siya dati, niloko, kaya siguro reserved pa siya. Gustong gusto ko siya kaya okay lang na ako mauna lagi. Pwede bang mahal mo na siya kahit di mo pa jowa?

F:
May mga bagay na di ko gagawin hanggang di ko jowa. Kaya limitado ako kapag di ko naman jowa. Isipin mo, yung jowa mo nga di mo siguradong sasaluhin ka lagi, paano pa kung di mo jowa? Anong kasiguraduhan nun? Ipupusta mo lahat ng walang laban. 

Oo naman, pwede. Siguro lang gusto ko lang paniwalaan na gusto ko lang siya kasi di ko naman kailangang malaman kung mahal ko na siya kasi kung aaminin ko sa sarili ko, ako naman yung mahuhulog. Anong kasiguraduhan ko na sasaluhin niya ako? Na kung mahalin ko siya, paano ako kung maisip niyang iwan ako bigla? Paano ako kung bigla lang nya naisip na wala lang, ihinto na lang lahat dun?

C:
Tama. Dapat yung consistent, yung di lang ngayon. Pero kung gusto mo siya, bat hinayaan mong mawala? Kasi ako hindi ko hahayaang mawala 'to.

F:
Gustong gusto ko siya. Sobra. Di ko nga alam kung mahal ko na noon. Sinubukan ko naman pero di ko alam, umiiwas yata, kaya hinayaan ko na lang. Basta ang naaalala ko noong huling beses na nakasama ko talaga siya, niyakap ko lang siya. Wala akong pake dun sa hawak niya, niyakap ko lang siya. Okay na din. Matagal naman na. Kaya ikaw, wag mo siyang hahayaan kasi baka katulad ko din siya. Di nya lang siguro alam eksakto kung paano tamang iparamdam sayo pero sigurado ako kahit papaano mararamdaman mo kung ano ka sa kanya.

C:
Oo naman, hindi ko hahayaan. Alam mo yun, sa dami ng di sigurado sa akin, ang alam ko lang, sigurado ako sa kanya, na gustong gusto ko sya, na ayaw ko siyang mawala. Siguro lang, nag-aantayan kayo. Nag-aantay ka sa kanya at nag-aantay din siya sayo.

F:
Sa tingin mo? Pero ayos lang. Matagal naman na. Okay naman na ako. Nung unang dalawang linggo siguro mahirap pero ayos na.



Hindi tayo parepareho ng klase kung paano magmahal. Siguro may lumalaban ng pasigaw at meron din na mahinang bumubulong ng pag-ibig. Meron din dyan gumagawa ng paraan at meron din nag-aabang lang. Merong nagdadala ng pagkain at meron din namang nagpapadala para lang makita ka. Merong mang-aasar at merong magpapaasar. Pero pareparehong pag-ibig yan. Iba't iba man ng paraan sa pagmamahal, kung totoo, kung solid, kung sa pagkakataon na yun pareho kayo ng nararamdaman para sa isa't isa, naniniwala ako na sa dulo, kayo. Kayo lang. 


PS.
Wag na wag mong hayaang mawala yang meron kayo. Sobrang masaya ako para sayo. Andito lang ako, always. Alam na alam mo yan. I love you, CR. Mwa!!!!



Friday, March 30, 2018

Ang Biglaang Nawala







Biglaan nawalan ng gana. 
Biglaan syang nawala. 
Biglaang nawala. 
Biglaan. 

Wala man lang pasabi. Wala man lang salita bago magpaalam. Wala man lang konting paramdam na yun na pala yun.

Biglaan lang na iniwan ako. 
Biglaan lang.

Ang unfair lang kasi na habang ako nandito nasasaktan, ikaw ano bang nararamdaman mo? Na habang ako pinag-uusapan ka namin, ni sumagi man lang ba ako sa isip mo? Na habang ako nadudurog, ikaw buong buo. Na habang ako patuloy kang iniisip, patuloy ka din sa paglayo. Na habang lumalayo ka, yung putanginang puso ko, gustong gusto pa ding lumapit sayo. Na habang kinakalimutan mo ako, bawat detalye mo sinasariwa ko. Na habang nawawala ka, nagwawala na yung puso kong gustong kumawala. 

Gustong gusto kong paniwaalang okay ako bukas at sa mga susunod na bukas pero ang hirap lang. Gustong gusto kong magpanggap na bukas di kita hahanapin ulit, na sa susunod pang mga araw di ako mangungulila na naman pero ang hirap lang. Gustong gusto kong ipakita na masaya pa rin ako kahit wala ka na talaga pero ang hirap lang. 

Ang hirap lang kasi yung puso kong prinotektahan ko, di ko namalayang ipinagkatiwala ko sayo. Ang hirap lang kasi iniwan mo ako biglaan. Ang hirap lang kasi nasanay na akong nandyan ka lang. Ang hirap lang kasing pakawalan ka ng buo. Ang hirap lang kasi ayokong mawala ka. Ang hirap lang kasi ayokong bitawan mo ako. Ang hirap lang kasi yung puso ko seryosong seryoso pero yang sayo ang labo-labo. Ang hirap lang kasi, ang hirap hirap lang.


PS. Ikakanta at iinom natin yang kalungkutan ng mga puso nating sumisigaw at uhaw, Jo** G**a**. Labyu!

PPS. Hahayaan kita dahil gusto ko din pala ng taong gustong gusto ako sa buhay nya. 

March 30, 2018

Sunday, March 25, 2018

Ang Muntikan


Yan yata yung isa sa mga pinakamasasakit na salita - MUNTIK.

Muntik na.
Muntik na akong masanay na nandyan ka.
Muntik na akong sumaya kasama ka.
Muntik na tumugma yung oras para sa atin.
Muntik na kitang di kinayang hayaan.
Muntik na kitang ayaw pakawalan.
Muntik na akong pumusta ng puso sayo.
Muntik na akong sumugal sa kwento natin.
Muntik na hindi ko mapigil na magustuhan ka.
Muntik na kitang minahal.
Muntik na.

At ganun na nga siguro yun, minsan ang paalam di na kailangan sabihin, papakiramdaman mo na lang. At ganun nga siguro yun, na kahit anong pag-abot ko sayo, hindi kita maaabot muli, lalo kung ayaw mo na. At ganun nga siguro yun, na kung gusto mo talaga ako sa buhay mo, hindi kailangang abutin kita, kasi sa parehong paraan aabutin mo rin ako. Kaya ganun na nga siguro yun, paalam na lang na tahimik. Ganun nga siguro.

PS. "I no longer force things." 

PPS. At yun na yata yung isa sa pinakamasarap na pakiramdam na natutunan ko samundo. Ang hayaan ang di para sayo at hayaan din ang gustong maging parte mo. Para 'to sa mananatili na di kailangang pilitin manatili. Para din 'to sa pinapalaya kahit di hinihingi. Higit sa lahat, para 'to sayo na nag-aantay dahil sa totoo lang, di mo kailangang mag-antay para sa isang bagay na talagang gusto ka.

Please lang.
March 25, 2018

Thursday, March 22, 2018

Ang Wag Muna Ako


Pwedeng wag muna ako? Ngayon, isipin mo yang sarili mo.
Pwedeng wag muna ako? Ngayon, gusto kong masanay ka na wala ako.
Pwedeng wag muna ako? Ngayon, hayaan mo na wag hayaang maging parte ako ng araw mo.
Pwedeng wag muna ako? Ngayon, di mo kailangan mag-alala sa akin.
Pwedeng wag muna ako? Pwede bang wag na ako?

Ang dami kong kargo, di ko namalayan. Sa dami yata ng naipon kong pag-ibig at pagmamahal sa buhay, kasabay nun nakasama ka, pero ayokong hayaan kang malugmok. Ayokong hayaan kang madamay sa bagay na di naman talaga dapat pumapatungkol sayo. Ayokong hayaan mo yung sarili mong isipin pa ako, isipin pa yung kargo ko kasi di mo naman dapat ako akuin, o di ka naman dapat umako ng kahit anong tungkol sa akin.

Karapatdapat ka sa buhay na buo, na masaya. Karapatdapat ka na di mag-alala, yung gagala ka lang, yung tatambay ka lang, yung iisipin mo kung ano yung kakainin mo mamaya, yung maghahanap ka lang ng kanta na gusto mong pakinggan, yung tatawa ka lang, yung magmamahal ka lang. Karapatdapat ka na mahalin ng buo na kayang mangako sayo na di ka niya iiwan pero di ko kaya yun. Kaya kong mahalin ka ng buo pero di ko kakayaning mangako na di kita iiwan. Gago ko naman kung hahayaan kong masanay ka sa isang bagay na alam kong mawawala din agad. Gago ko naman kung hahayaan kong masanay ka na nandito ako.

Di ko alam kung alin sa dalawa: kung takot akong mamatay o takot lang talaga ako sa kung anong mararamdaman mo kapag naiwan kita? Kung hahayaan kitang masanay na sa oras na hahanapin mo ako, nandyan lang ako, na sa kada panahon na gusto mo akong makausap, makakausap mo ako, na sa pagkakataon na gusto mo lang ng biruan, kayang kaya ko, na sa bawat trip mo, trip ko na rin, na sa kahit anong panahon, andito lang ako, paano yung walang kasiguraduhan na mga bukas? Paano ka na? Paano ka? Ang sakim ko naman kung hahayaan kitang yakapin yung buhay na nandyan ako at masanay ka dun samantalang alam kong di na sigurado yung mga susunod na bukas sa akin.

Di porke sanay na akong nandyan ka ay hahayaan kong masanay kang nandyan lang ako lagi. Di porke ayokong mawala ka ay hahayaan kong di mo kakayanin na wala ako. Di porke napapasaya mo ako ay hahayaan kong di ka sumaya ng wala ako. Di porke gusto kita ay kailangang gustuhin mo din ako. Kahit hindi. Kahit hindi na. Wag na ako. Padaliin mo 'to para sa sarili mo.


PS. "Holding your hand, not holding you back." Eksakto. Eksakto para sa pag-ibig na totoo, na mapagpalaya, na di sakin, sa pag-ibig na meron ako. 

PPS. Putangina, ngayong linggo lang. Ibalato ninyo lang 'tong linggo na 'to sa lumbay ko.



Wednesday, March 21, 2018

Ang Nananatili

Kung nauubos na ang mga salita mo, ang mahalaga ay magsalita ka ng totoo.
Sambiting, “Di ko na eksaktong maalala kung ano ako dati at di ko alam kung magiging ano ako sa mga susunod na kinabukasan”
Sabihing, “May mga bagay sa akin na di mo maaayos at di mo trabahong ayusin ako”
Ibulong, “Nakakaramdam ako ng mga bagay na di ko man lang alam kung paano damdamin.”
Isigaw, “Pwede tayong maging kahit ano pero hindi lahat pwede maging tayo.”
Ipagsamo, “Gustong gusto kong maging karapatdapat pero parang kulang na kulang ako.”
Ihagulgol, “Parang bukas, sa susunod na bukas o sa susunod pa dun, mawawala ako. Paano ko hahayaang pumusta ka sakin kung alam kong mawawala na ako?”
Humiyaw, “Wala akong magagawa. Ito lang ako.”
Kung may taong mananatili sayo kahit sinabi mo yang mga yan, yang kalakasan at kahinaan mo, yang saya at lungkot mo, yang pag-ibig at pagkamuhi mo, yang pagtawa at pagluha mo, yang lahat ng totoo sayo, manatili ka sa kanila. Manatili ka sa kanila hanggang gusto nilang manatili ka.
Dahil sa mundong ‘to, di ka perperkto, di ka laging magiging sapat, di lahat ng aspeto sayo maayos, pero sa mundong ‘to, may magmamahal sayo kahit di ka perpekto, magiging sapat ka, tatanggapin na di ka laging magiging maayos at pipiliing manatili kasama mo, sa iyo, araw-araw, paulit-ulit.

PS. Para sa mga taong nananatili kahit walang kasiguraduhan ang mga bukas ko.

Tuesday, March 20, 2018

Ang K


K lang.
K lang naman talaga.
K lang din ako.

K lang kasi di natin alam lahat tayo namamatay paunti unti, kada araw na dumadaan. Na sa kada ihip ng hangin sa balat ko, baka huling pagdamdam na ng iba. Na sa bawat pagbigkas ko ng salita, ay pagtatapos na ng mga salita ng iba. Na sa pagtibok ng puso mo, baka maging huli na ng akin.

K lang pero sabay-sabay. Isang bagsakan na ibinibigay yung posibilidad na lahat ng 'to mamaya, bukas, sa makalawa o sa mga susunod pang mga araw, baka mawala, na baka ako mismo mawala.

K lang. Gustong gusto kong paniwalaan na okay lang talaga. Na kung mawala 'to bukas, ayos na ako. Na kung hanggang dito lang, ayos pa rin ako. Na kung mamaya tahimik na ang puso ko, ayos lang talaga ako.

Kaso bakit ganito? Bakit parang gusto kong humingi ng panahon? Bakit parang gusto kong magmakaawa ng pagkakataon? Bakit parang mauubusan ako ng oras? Bakit parang gustong gusto kong magsumamo na wag naman sanang matapos 'to dito?

K lang na habang nandito ako, nararamdaman ko yung pagtibok ng puso ko na tila ba dinadala ang katawan ko sa katotohanan na habang nandito, nandito, at kung huminto ang mahalaga nagkaroon ng pagkakataon na tumibok. 

K lang na sa parang sugal na buhay at pag-ibig,  kahit takot ka, pupusta ka. Na susugal ka kahit alam mong sa huli pwede kang matalo. Na itataya mo ang lahat hanggang kaya mo kasi, sa tingin mo, kahit gago ang sumugal, mas malaki yung kawalan ko kung hindi ako pupusta. 


PS. Pwede bang maging totoo ako dito? Takot na takot ako. Lahat na sila di gumagana ng maayos. Hanggang kailan? K lang ba talaga?


March 20, 2018

Monday, March 5, 2018

Ang Biglaan Na Lang


Ikaw yung pag-ibig na biglaan - yung biglaang dumating, biglaang nagpasaya, biglaang nagpakilig, biglaang naging parte ng araw-araw ko, biglaang minahal ako, biglaang nakita ko yung sarili ko na biglaang nagmahal muli at bigla ka ding nawala. Biglaang naglaho. Biglaang umayaw. Biglaang bumitaw. - yun yung nasa isip ko noon.

Di ko maalala kung papaano nagtapos, basta alam kong biglaan. Biglaan ding nagtapos. "Di mo ako binalikan" ang naaalala kong sinabi mo sa akin noon. At sa eksaktong pagkakataon kwinestyon ko noon kung paano ako babalik sa isang taong di ko iniwan. Papaano ako babalik sa isang taong di ko naman binitawan? Paano ako babalik kung di naman ako ang kumawala? Paano ako babalik kung di ko na rin makita yung sarili ko na kakapit sa isang taong paulit ulit akong binibitawan ng biglaan? Kaya di ako bumalik. Kaya di kita kinayang balikan.

Biglaan din lang, naisip ko kung ano yung gusto kong tao sa buhay ko, at baka nga siguro, kahit sa punto noon na mahal na mahal kita, hindi ikaw yun. Na biglaan kong natanggap, hindi ikaw yung taong pang habambuhay para sa akin.

Alam mo yung gusto ko? Gusto ko yung taong gugustuhin din ako sa buhay niya at eksaktong alam ko yung lugar ko sa buhay nya, hindi lang laro, hindi yung manghuhula ako kung seryoso ba kami o baka landian lang. Gusto ko ng totoo. Gusto ko ng seryoso. Gusto ko nung alam kong ako lang at di ganun siya sa lahat. Gusto ko nung papanindigan ako, kami. Gusto ko yung ngayon maayos kami at di yung iisipin ko kung bukas ano kami at kung mararamdaman ko pa ba siya. Gusto ko yung taong kapag nag-umpisa, susubukang umiwas sa pagtatapos. Yung di ako binibitawan. Yung di ako basta bastang iiwanan ng ilang araw, tapos biglaang magpaparamdam. 

Di man ako babalik, di man ako makakabalik, di man tayo babalik, pero salamat. Salamat.



PS. Nagising ako mga 2am ngayon (March 6, 2018) at yung blog na gusto kong isulat bago ako matulog, yun sana gagawin ko pero nung magcheck ako ng blog, nakita kong may comment yung isang blog entry ko this year. 

PPS. Nakalimutan ko man ang maraming bagay sa atin pero di ko kakalimutan yung surpresa mo nung kakapasa ko ng boards, nung sa kada birthday ko may cake ka para sa akin kahit alam nating wala kang pera. Salamat, Boom (CLL)

Sunday, March 4, 2018

Ang Bakit FEU-NRMF

MedTech - Junior Intern/Clerk - Post Grad Intern


Dahil kanina, isinama ang mga PGIs sa pag-assist sa interview ng 2nd batch ng application ng mga incoming 1st yr Medicine students. Tungkol lang ‘to sa kung bakit ako nag-FEU-NRMF mula kolehiyo, Medisina at hanggang PGI. Tungkol lang ‘to kung bakit sa lahat, FEU-NRMF.

Bakit nga ba ako nagkolehiyo sa FEU-NRMF?
Totoo lang, malapit kasi ‘to sa bahay namin. Mga 15-30mins lang, swak na. Dito din nag-Nursing yung pinsan ko noon. Muntik na nga akong mag-Accountancy sa DLSU pero di ko din gets kasi yun yung pangarap kong school talaga kaso siguro para ako dito kaya nandito ako ngayon. Nag-Medtech ako. Okay sa alright. Walang namilit sakin mag-Med, ginusto ko lang.


Bakit sa FEU-NRMF na naman ang pinili ko para mag-Med?
Hindi talaga ako nag-apply sa iba kaya sa tuwing sinasabi sakin na siguro di natanggap sa iba kaya nasa FEU-NRMF, naiirita ako. Wala akong ibang choice - FEU-NRMF lang. Di ba pwedeng ganun lang? Di ba pwedeng naniniwala ako sa kalidad ng edukasyon dito? Di ba pwedeng gusto ko din ng mga kainan na nakapaligid dito? Di ba pwede na gusto ko yung sistema sa kung paano nila hinuhulma yung mga estudyante nila? 

Totoo lang, mababa nga siguro yung requirement na NMAT pero isa yun sa minahal ko sa FEU-NRMF. Hindi sila namimili ng huhulmahin na maging doctor, matalino, swak lang at kailangang pwersahan na tumatak sa kokote nya ang lahat, pwede. Mayaman, may kaya, naghihirap at gumagapang, pwede.  Mataba, payat, may ngipin o wala, lalaki, babae, tomboy o bakla, pwede. Kahit sino pwede pero nasa estudyante kung kakayanin nya yung proseso na kailangan nyang pagdaanan para deserve nya na tawaging “Doctor” na nakapagtapos sa FEU-NRMF Institute of Medicine

Sa tingin ko, walang madaling Med school. Walang madali sa Med. Lahat naman pwedeng mangarap maging doctor pero hindi lahat magiging doctor. Gumapang ako sa FEU-NRMF Med pero lahat naman siguro ng Med school gagapang ka, kung pwedeng isabay mo yang hagulgol mo sa paggapang, gawin mo. Basta patatagan ng puso, patibayan ng loob. Kung gusto mo, gawan mo ng paraan.

Kanina, tinatanong ako kung anong meron sa FEU-NRMF? Ang sinagot ko talaga yung experience lalo nung Junior Internship/ Clerkship. Kakaiba. Solid. Isa kang mandirigmang doctor. Mandirigma kang papasok, amoy mandirigma ka ring uuwi. Kaya mong mag-monitor ng isang buong ward na solo ka, na lahat ng errands, sayo pa din. Kaya mong walang ligo ng halos dalawang araw. Na yung uwian ng mga ibang Med school, aabutan ka na naman nila kinabukasan na papasok sila kasi nasa ospital ka pa din, kumekendeng sa mga insertions, extractions, lavage at codes. Kaya mong mag-ambubag ng mahabang oras ng walang kapalitan. Kaya mong mag-solo code, yung sumigaw ka man na sana may ka-switch ka pero wala. Kaya mong mag-insert ng IV habang yung bed ng patient mo itinatakbo na sa DR dahil fully na. Kaya mong malampasan ng lahat ng meals mo sa araw na yun kasi wala kang oras, isabay mo na yung gusto mong humagulgol pero gagawin mo yun habang nag-monits ka. Kaya mong maging Medtech, Nurse, Aide at Doctor all at the same time. Kaya mong matulog ng gising o kapag sobrang toxic, ang power nap mo ay 10seconds na pagsara ng mata mo tapos grabehan na ready to sabak ka na ulit sa digmaan. Kaya mong magpretend na okay ka pa kahit yung binti mo at paa, namamaga na at di na halos makalakad, na yung singit mo pawis na pawis na at gusto mong lagyan ng powder kasi nagkikiskisan na sila at ang sakit-sakit na. Kaya mong harapin ang lahat, kahit na oily at pawis ang fez, kasama na ang magulong hair, kasi sa oras na yun, ikaw lang yung nandun para sa madaming pasyente mo. 

Hindi ako magsasalita para sa ibang Med school, pero ito’y mga experiences kong nakuha sa FEU-NRMF kasi malaya silang nagtiwala sa aming lahat na handa kaming sumabak, kaya naging subok kami. So, ready to fight lagi. May skills, nasobrahan nga ata. Minsan nakakapagod na rin (HAHAHAHAHUHUHU)


E bakit sa FEU-NRMF ka pa rin nag-PGI?
Hindi naman talaga ‘to kasama sa mga unang napili ko dahil sa totoo lang, may fear na ako sa ER ng FEU-NRMF. Dito dinala yung tatay ko nung na-stroke sya, kaya feeling ko every single time na nasa ER ako noon, bubungad sakin yung tatay ko. Di kaya ng puso ko dati. Di ko kaya dati. 

Pero dito ako napunta. Dito pa rin ako sa FEU-NRMF. Unang dalawang buwan ko, natapat pa ako sa Internal Medicine pero kakaiba mga bossing ko sa IM. Ang lulupit, ang gagaling. Ang ganda nung experience ko sa IM, walang biro. Yung Chief resident (Doc Prinzzzzz) walang sawang magturo, mapapagod ka na nga minsan kasi parang saulado nya lahat. Yung mga residente, magtanong ka lang, sasagutin ka nila, tuturuan ka nila kahit natotoxic na sila sa mga stations nila plus caring pa sila (dahil ako'y hypertensive at hypokalemic HAHAHA pero alagang IM residents ang aking health. Hahaha!) Yung mga conferences, solid. Kahit di ako matalino parang nagiging matalino ako kapag sila yung kasama ko. Mahahatak ka sa kalidad na meron sila, grabe!

Di ko inakala na ganito yung impact sakin ng PGI. Sa isang pribadong ospital, mas kasabay nun yung malaking responsibilidad dahil iniisip ng halos (kung di man lahat) ng mga pasyente, bayad ka at nasa pribado sila. Ineexpect nila na maayos kang gumalaw, magaling ka, at dahil sa experiences ko noong JI ako, naging handa ako sa responsibilidad.

Salamat, FEU-NRMF.

PS. Grabe, ang laking parte sakin yung sobrang nagpapasalamat na sa FEU-NRMF ako nagsimula. 

PPS. I.M FEU-NRMF