Sunday, August 14, 2011

Ang Love Letter At Pamamaalam


Nakatagpo ako ng papel na may kasama pang ballpen na nakaipit. Dahan-dahan kong binuklat. Dahan-dahan kong binasa.


Sayo,

Masaya akong nakilala ka. Masaya akong naging masaya tayo. Masaya ako na ngayon, masaya ka pa din. Masakit lang dahil sa piling ng iba. Mahal kita. Oo, mahal pa din kita. Kaya nga mas pinili kong lumayo nung malaman kong swak na swak ka na sa kanya. Ingatan mo, puso mo. Wag kang iiyak, bebe. Please lang, gusto kong lagi kang masaya kahit sa piling pa ng iba. Thank you for making me feel that our love was sincere, 'twas just a right love at the wrong time. You'll always be the sweetest bebe ever. I love love love and miss miss miss you.

PS. Hug and kiss John and Zia for me, please?

♥,
Ako


Gusto kong lukutin. Hinayaan ko na lang. Tumayo ako mula sa pagbabasa nito. Nagulat ako na ito pala mismo ang laman ng puso ko na tinatago ko simula pa nung huli kitang nakausap. Na ito rin yung eksaktong pakiramdam kung bakit lumalayo ako sayo. Pagpapatuloy ko na ang paglalakad papalayo. Huling mga katagang iiwan ko na. Huling mga katagang di na kailangan ng mga sagot mula sa iyo. Alam ko kasing sayo'y balewala na. Alam ko kasing di mo na ako mahal, di ko na din kailangan marinig pa. Alam kong tapos na. Wag kang mag-alala, wala namang bumabalik. Hindi mo naman ako maaabot, kahit dumugo pa ang daliri mo kakatext. Wag kang mag-alala, inaalala lang kita. Patuloy ka lang na inaalala ng puso ko. Pinapalaya ko lang 'tong feelings na 'to. Hayaan na, paalam. Malamlam na paalam.


**Hindi ko alam gano katagal 'to. Kung pwedeng hilingin na mawala na lang, gagawin ko. Gusto ko na kasing makarinig ng storya ni John. Namimiss ko na kasi si John. Pero ang totoo, mas namimiss ko yung nagkekwento tungkol kay John. Wag kang mag-alala, huling hirit na para sayo, bebe. Kung mabasa mo naman 'to, walang magbabago. Nandito ako sa mundo na hindi mo maaabot. Wala na yung numero kong kaya mong abutin. Mahal lang talaga kita kaya lumalayo ako. Sana nga hindi na. Sana matapos na.
**Dito ko lang kayang isigaw 'tong feelings ko. Sa mundo ko, kailangan kong maging masaya. Kailangan kong piliting maging okay na wala ka. Kaya ko, kakayanin. Maliban na lang kung hahatakin mo ako para asahan kang muli. Malabo naman yan. Ikaw pa, kayang kaya mong wala ako. Sige na, asa naman ako. Bye bebe ko.


**Iiwas muna ako pati sa internet. Next month na lang uli♥

Saturday, August 13, 2011

Ang Hindi Paghinto


Wala akong planong huminto. Hindi sa daan mo, hindi na muli sa daan mo. Hindi ko kailanman ihihinto muli ang byahe ng auto ng buhay ko. Hindi ko hahayaang masiraan muli ako ng gulong. Mas lalong hindi maaaring huminto ako dahil nasiraan ako ng bait dahil sa isang taong pumara sa akin. Tuloy-tuloy ang byahe ko. Hindi mo ako kakayaning pahintuin ilang checkpoint man ang iharang mo.

Hindi ko alam kung bakit ang saya ng byaheng 'to. Ang saya pala ng byaheng wala ka na. Ikaw naman ang unang namili, natuto lang ako. Ikaw yun pinili ko, pero kinailangan ko din piliin ang sarili ko. Hindi mo sinadya pero pinatikim mo ako ng kasiyahan. Ang saya maging malaya. Ang saya na hindi mo na ako kailanman kayang abutin, na kailanman hindi mo na ako masusubukang saktan. Ang saya ng malayo sayo. Ang saya na unti-unti ka ng nawawala sa rear view ng auto ng pag-ibig ko.

Ito ako, malayo sayo. Ito ako, hindi mo na kailanman maaabot. Ito ako, malaya. Ito ako, masaya. Salamat sayo! Hindi na ako muling hihinto pa. Hindi kailanman sa daanan mo.


***Simula nagkakilala tayo, ito na yun pinakamatagal na di tayo nagkamustahan. Kahit kamustahin mo ako, hindi mo naman na ako maaabot. Paalam ng tuluyan. Paalam sayo.

Friday, August 12, 2011

Ang Pinili Natin

Tayo'y nageexam. Patuloy-tuloy tayong gumagawa ng mga desisyon araw-araw. Hindi naman kasama sa pagpipilian na tayo'y iibig, ikaw sa akin, ako sayo. Nagkataon lang. Nangyari na lang at nagkataon na namang mali ang pagkakataon.

Habang ang papel ko'y blangko pa at libre dahil gusto kong maisagot ko lang sayo ay OO, nakabilog ka na pala ng OO sa papel ng iba. Hindi mo ako hinayaang blangko, hindi mo din ako kayang sagutin. Minsan nilalagyan mo ng tuldok ang linya ko, pero iaangat mo din dahil naaalala mong meron ka na nga palang napili.

Ito ang pinakamatagal na exam sa buhay ko. Ito din ang pinakamahirap. Akala ko dati 'pag alam ko ang sagot, sa huli makakakuha ako ng 100 na marka. Akala ko 'pag sa sarili ko sigurado ako at walang mintis, swak na pasado. Yun pala, pagdating sa exam ng buhay ko kasama ka, ang hirap kasi pati ikaw inaantay ko kahit sigurado na ako. Pinili mo siya. Pinag-antay mo pa din ako. Nakapili ka na ng sagot, hindi mo lang ako mabitawan. Ngayon, walang kang maririnig na mula sa akin.

Huling tanong sa exam:
"Ano bang pipiliin mo? Sigurado ka na ba? Walang balikan yan."

Tatayo ako at iiwan ang ballpen na may puso ko. Iiwan ko din ang papel na may sagot na nilalaman ang lahat ng gusto kong maiwang feelings para sayo. Tatayo ako at maglalakad papalayo sayo, sa inyo. Ito ang pinipili ko, ang makalaya mula sayo. Ito ang pinipili ko ang tuluyang hindi mo na ako maaabot kahit sa ano mang paraan. Ito ang pinipili ko ang umalis ng tuluyan sa buhay mo dahil di mo din naman ako napili. Ang sarili ko ang pinipili ko. Sa dulo ng exam ng buhay na 'to, hindi man tayo natuloy, makakakuha pa din ako ng magandang grado.


**Sa wakas, hindi na talaga.

Wednesday, August 10, 2011

Ang Byahe Ng Pag-Ibig

Hindi lahat ng pumapara sa akin, hinihintuan ko. Hindi lahat ng gustong sumakay sa byahe ng buhay ko, pinapahintulutan ko. Hindi lahat kaya kong bigyan ng panahon para man lang mapansin na kumakaway sila sa akin habang bumabyahe ako. Hindi lahat ng taong kaya akong bigyan ng mahal na patak sa metro, pinapasakay ko.

Napatingin ako sa isang pasahero. Ni hindi mo ako nagawang parahin, taxi naman ang hanap mo. Umaaligid pa din ako, pero wala yata akong halaga sayo. Umabot ka pa ng Manila, pero ni hindi mo ako hinanap. Binaba ko na nga ang metro ko, inantay kita, sa unang beses sa buhay ko ginawa ko ang mga bagay na yun, pero hanggang huli, yung pasaherong yun pinalampas ko. Sa unang beses, halos ibigay ko buong puso ko sayo, sa taong hindi ko man lang alam ano ba talaga ako sa kanya. Taxi nga lang pala kasi ako.

Maniobra. Ikot nang ikot. Hindi ako naghahanap ng pasahero. Nagulat na lang ako na madami dyang pasahero na may bitbit na limpak na pag-ibig. Ni hindi ko kayang suklian ang sobra-sobra nilang binibigay sa akin.

Ito ako, nagmamaneho. Masaya akong nagmamaneho. Wala man akong kasama sa byahe ngayon. Alam ko tapos na yung luha ko para sayo. Alam ko na madaming mga tao yun nagpaparamdam sa akin ngayon na kahit hindi ko sila hintuan agad, kaya nilang patunayang sila yun nararapat na maupo sa tabi ko, at manatili sa puso ko. Tignan natin. Sa dulo ng byahe na 'to, para kanino nga ba ako? Sa dulo ng byahe na 'to, sino ba yun aabot sa puso ko? Isa lang alam ko, kung sino yung mararamdaman kong totoo, kung sino yung magiging matatag, siya yun hihintuan ko. Sige na, byahe na muna ako.

Monday, August 8, 2011

Ang Kanyang Pagkapit

Mahilig ako sa mga poster. Magaganda at makukulay. Gustong gusto kong tumingin sa malayo. Lagi kong inaasam na madikitan ng poster ni Piolo Pascual o Coco Martin. Ang tagal ko nang nakatayo. Nadikitan ng maling poster kailan lang. Naibigay pati puso. Hindi naman sa mali, nakalimutan ko lang na dapat nakita ko ang halaga ko sa pagkapit ng poster na yun. Na dapat pinahirapan ko man lang, nakalimot ako sa sarili ko. Pero ayun, hinangin siya at nasa ibang poste na. Ang bigat sa dibdib. Hindi mawari ang nararamdaman.

Gustong gusto ko nang umupo dahil nanghihina. Pero may nakadikit na tila ba walang kwenta. Mali pala ako. Siya pala yun nagpahalaga, nagpapahalaga at magpapahalaga sa akin. Pasensya scotch tape kung matagal tagal din kitang hindi napansin.

Salamat sa yakap kanina. Salamat sa mga salita mong malalambing kahit pa may ibang tao. Salamat kasi pinapahalagahan mo ako. Salamat kasi kahit alam kong bakbak na ang aking pintura, sinasabi mo pa ding gumaganda ako. Salamat kasi andyan ka lang.

Konting oras lang, buong buo na mawawala ang dikit ng poster na yun. Konting oras pa, malay mo, ikaw na talaga. Wag kang magsawa. Sa susunod na lunes ulit.

Sunday, August 7, 2011

Ang Blackboard At Chalk


Blackboard - ako yan. May darating na tao, yun bibigyan ko ng karapatang sulatan ako, na mag-iwan ng marka sa buhay ko. Ibigay ko man ang buong espasyo ng buhay ko, may pangyayari na kailangan lang talaga nilang umalis. Kailangan lang talagang bitawan nila yun chalk, na kailangan nila akong talikuran. Nadadaan sa panahon ang lahat. Hindi ko man burahin yan, kusa siyang magtatago. Kusang maglalaho ang bakas na kanyang iniwan.

Akala ko lahat ng marka nabubura ng panahon, pero bakit ikaw? Bakit ang tagal mong hawak yang chalk? Bakit nilagyan mo ako ng marka, pero tuldok lang? Pasensya ka na kung hindi kita nabigyan ng atensyon at espasyo. Pasensya ka na kung matagal mo na palang hinanda sarili mo para sa akin. Ihahanda ko lang 'to, mag-antay ka pa. Konting konti na lang, baka ikaw na ang magsulat sa akin buong buhay natin. Wag mong bitawan yan, please lang. Yung tuldok na yan, hindi ko alam, yan pala yun bubuo sa akin. Pasensya na kung tumingin pa ako sa malayo. Pabalik na ako, konti pa.

Friday, August 5, 2011

Ang Daan Patungo Sa'tin

Ito ako, ito ang teritoryo ko. Ako ang daan na ito. Pinatibay ako ng panahon. May lamat lamat na pero yun ang patunay na kakayanin ko pa ang mga susunod na dadaan sa buhay ko. Nilagyan pa ako ng waiting shed. Hindi naman ako mahilig mag-antay. Yun pala, nilagay ito dahil may taong gustong tumambay sa buhay ko. Natuwa naman akong andito ka. Pero yun utak at puso mo nasa ibang daan. Lumakad ka papalayo. Nawindang ang daang dinaanan mo. Nasaktan.

Ngayon, nagagamit ko na 'tong noong walang kwentang waiting shed. Inaantay kita. Ngayon lang, ngayon na lang. Sana makita mo sa sarili mo na gusto mo akong makita, na gusto mong tumambay sa buhay ko, kahit ngayong araw lang. Kung lalagpas 'tong araw na masaya ka na talagang wala ako, ipapagiba ko na lang itong waiting shed para di ko na isapuso at isabuhay ang pag-aantay. Kung masaya ka na sa daan na yan, sige lang. Di lang laan ang daan ko para sayo. Di lang laan sa isa't isa.

**AUG 6, 2011 (Sige na please, isang beses lang. Pero kung masaya ka na dyan, oks lang. Swak na.)