Mahilig ako sa mga poster. Magaganda at makukulay. Gustong gusto kong tumingin sa malayo. Lagi kong inaasam na madikitan ng poster ni Piolo Pascual o Coco Martin. Ang tagal ko nang nakatayo. Nadikitan ng maling poster kailan lang. Naibigay pati puso. Hindi naman sa mali, nakalimutan ko lang na dapat nakita ko ang halaga ko sa pagkapit ng poster na yun. Na dapat pinahirapan ko man lang, nakalimot ako sa sarili ko. Pero ayun, hinangin siya at nasa ibang poste na. Ang bigat sa dibdib. Hindi mawari ang nararamdaman.
Gustong gusto ko nang umupo dahil nanghihina. Pero may nakadikit na tila ba walang kwenta. Mali pala ako. Siya pala yun nagpahalaga, nagpapahalaga at magpapahalaga sa akin. Pasensya scotch tape kung matagal tagal din kitang hindi napansin.
Salamat sa yakap kanina. Salamat sa mga salita mong malalambing kahit pa may ibang tao. Salamat kasi pinapahalagahan mo ako. Salamat kasi kahit alam kong bakbak na ang aking pintura, sinasabi mo pa ding gumaganda ako. Salamat kasi andyan ka lang.
Konting oras lang, buong buo na mawawala ang dikit ng poster na yun. Konting oras pa, malay mo, ikaw na talaga. Wag kang magsawa. Sa susunod na lunes ulit.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.