Hindi lahat ng pumapara sa akin, hinihintuan ko. Hindi lahat ng gustong sumakay sa byahe ng buhay ko, pinapahintulutan ko. Hindi lahat kaya kong bigyan ng panahon para man lang mapansin na kumakaway sila sa akin habang bumabyahe ako. Hindi lahat ng taong kaya akong bigyan ng mahal na patak sa metro, pinapasakay ko.
Napatingin ako sa isang pasahero. Ni hindi mo ako nagawang parahin, taxi naman ang hanap mo. Umaaligid pa din ako, pero wala yata akong halaga sayo. Umabot ka pa ng Manila, pero ni hindi mo ako hinanap. Binaba ko na nga ang metro ko, inantay kita, sa unang beses sa buhay ko ginawa ko ang mga bagay na yun, pero hanggang huli, yung pasaherong yun pinalampas ko. Sa unang beses, halos ibigay ko buong puso ko sayo, sa taong hindi ko man lang alam ano ba talaga ako sa kanya. Taxi nga lang pala kasi ako.
Maniobra. Ikot nang ikot. Hindi ako naghahanap ng pasahero. Nagulat na lang ako na madami dyang pasahero na may bitbit na limpak na pag-ibig. Ni hindi ko kayang suklian ang sobra-sobra nilang binibigay sa akin.
Ito ako, nagmamaneho. Masaya akong nagmamaneho. Wala man akong kasama sa byahe ngayon. Alam ko tapos na yung luha ko para sayo. Alam ko na madaming mga tao yun nagpaparamdam sa akin ngayon na kahit hindi ko sila hintuan agad, kaya nilang patunayang sila yun nararapat na maupo sa tabi ko, at manatili sa puso ko. Tignan natin. Sa dulo ng byahe na 'to, para kanino nga ba ako? Sa dulo ng byahe na 'to, sino ba yun aabot sa puso ko? Isa lang alam ko, kung sino yung mararamdaman kong totoo, kung sino yung magiging matatag, siya yun hihintuan ko. Sige na, byahe na muna ako.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.