Hoy! Kung makahawak ka sa akin, sobra sobra. Buong pagkatao ko, kayang kaya mong paikutin sa palad mo. Alam kong madaming mas magagandang itlog na pwede mong piliin pero ako pa talaga ang hinawakan mo. Sana lang nung dinampot mo ako, hindi mo ako gustuhing bitawan. Hindi pa ako luto, kaya kung pwede lang ingatan mo ako. Kung pwede lang, ibalik mo na lang ako sa tray kung alam mong di mo ako kayang pangalagaan. Pero ayan ka, ang higpit ng hawak mo.
Kasabay ng mahigpit na paghawak mo, yung pagtindi ng ngiti ko dahil akala ko na ako talaga yung gusto mong pangalagaan pero ang puso mo, may lamang iba. Nalaman ko, naramdaman ko. Hindi mo sinabi. Duwag ka. Pinaasa mo ako dahil hinawakan mo ako na parang di mo ako papakawalan pero hinawakan mo lang pala ako para hindi ka mawalan ng isusubo sa panahong gutom kang muli sa pag-ibig. Hinawakan mo lang pala ako dahil walang kayo. Hinawakan mo lang ako, yun lang yun. Hinawakan mo lang ako, pero ako? puso ko ang pinahawak ko sayo.
Ako naman mismo ang kumawala sa palad mo. Oo, nabasag ako. Oo, ito ako malabong pulutin mo. Pero mas gusto kong maging malayang basag kaysa nasa palad mong hindi naman ako kayang alagaan. Mas magandang basag na wala ako sa buhay mo, kaysa umaasa pa din ako sayo, sa atin.
Hindi lahat ng basag na itlog, bugok. Yung iba, nabasag lang dahil binitawan ng isang ugok.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.