Sunday, October 30, 2011

Ang Serbesa


Takam na takam ka. Ang tagal kong nasa ref, pinalamig ng husto para daw isang titig mo lang sa akin, magustuhan mo na ako, kung maaari nga lang daw mahalin mo na ako. Hinawakan mo ako. Ang laki ng ngiti mo. Tinanggal mo ang tansan ko at nabuksan na naman sa wakas ang matagal kong inipong pag-ibig. Unti-unti mong ininom, linalasap ang bawat paglunok mo sa serbesa ng pagmamahal ko. Matapos mong makailang tikim, nakangiti ka sabay binaba ako. Binulong mo "Andyan ka kaya ko siya nakakalimutan." Pumatak ang tila ba luha sa gilid ng bote ko.

Lumapit ka lang pala dahil gusto mong makalimot. Hindi mo pala ako gusto. Hindi mo pala ako kayang mahalin. Mas mahal mong higit ang sarili mo na hindi mo kayang isipin ang mararamdaman ko. Oo nga pala, serbesa lang ako. Oo nga pala, lumapit ka lang para makalimutan siya.

Hindi man ako kalasa ng wine na yun, seryosong nakakalasing din ako. Nakakalasing din ang pag-ibig na kaya kong iparamdam. Kaso hindi kita hahayaang malasing, nakareserba pa din 'to sa tamang panahon, sa tamang pakiramdam at sa tamang customer. Tumayo ka na! Bago ka pa tuluyang makalimot, magbayad ka na muna. Hindi libre ang pag-ibig ko, lalo na kung gagawin mo lang akong panandaliang pangkalimot sa lagapak mong kwentong pag-ibig.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.