Wednesday, May 7, 2014

Ang Nangangarap Maging Doctor

Ako si Faye Kathreen B. Ocampo, RMT. Hindi ako matalino. Hindi din ako masipag. Hindi ako yung perpektong estudyante ng Medisina, pero pangarap ko pa ding maging doctor.

Nakakatawang balikan yung panahon na akala ko madali lang mag-Medicine, petiks lang, yung feeling ko kahit walang aral, kakayanin ko, mali pala, hindi naman pala.

Sigurado ako nung pumasok ako sa FEU-NRMF Institute of Medicine. Sigurado akong magiging doctor ako. Sigurado ako, pero...

Unang taon sa Med, ayos lang. Halos araw-araw, gumagala ako, pero swak pa din ang grades ko. Walang bagsak. Ayos! Sa utak ko "Ah! kaya ko naman pala 'tong Med." pero...

Pumasok yung 2nd year sa Medicine, akala ko ganun pa din, na petiks pa din, na ayos pa din, pero...

PERO NA-IRREGULAR AKO

Sabi ng isang doctor "Kaya kayo na-irregular dahil di ninyo gusto 'to, dahil hindi ninyo mahal 'to, kasi kung gusto at mahal ninyo 'to, wala dapat kayo dito ngayon."

Hindi. Kung gusto ko lang 'tong Medicine, kung mahal ko lang 'to, binitawan ko na 'to. Hindi kasi laging sapat na gusto mo lang yung isang bagay, dahil darating ka sa puntong magsasawa at hahanap ng bagong gugustuhin, yung mas madaling makuha. Hindi din sapat na mahal mo lang yung bagay na 'to, kasi kung mahal mo 'to pero nahihirapan ka na, hahanap ka ng bagay na kaya kang mahalin pabalik. KAYA NANDITO PA AKO KASI DI KO LANG 'TO GUSTO, DI KO LANG 'TO MAHAL. 


Grabe lang kasi talaga sa Medicine. Ibinigay mo na ang lahat, kulang pa. Yung tipong ang dami daming kailangang aralin, ang daming handouts, ang daming pages sa libro na kailangan maalala ko lahat kaya darating ako sa punto na matutulala na lang ako kasi di ko alam paano ko ipapasok lahat sa utak kong katiting. Sa isang araw, sasabay sabayin nila yung mga gawain na akala yata nila meron kang 721 hours a day. Yung mga reports mo na kailangan maayos kasi kung hindi, mapapahiya ka sa sasabihin ng doctor na parang di mo inaral yun. Yung graded recitation na kakabahan ka, at gusto mo na lang ngumanga kasi di mo naman talaga alam yung tamang sagot. Yung mahahabang lecture na sa umpisa kumpleto ang notes mo pero makalipas ang 10mins masakit na ang kamay mo, wala nang pumapasok sa kokote mo, nandidilim na ang paningin mo kasi unti-unti na palang sumasara ang mata mo, ang boses ng lecturer parang nagiging huni ng pampatulog. ZZZZZZ! Isabay mo pa yung quizzes sa isang subject, idagdag mo pa yung quizzes na naman sa ibang subject tapos patungan mo pa ng quizzes uli sa isa pa. Yung break ko na 12pm-1pm, yung oras na yun imbes na kumain ako ng masasarap na pagkain, inaatupag ko yung shiftings na kakain ng 30-45mins ng break ko, kaya swerte pa ako na may maiiwang 15mins. Tatakbo ka papunta sa canteen para pumili ng pagkaing pwedeng bitibitin habang naglalakad o kaya pagkain na di mo na ngunguyain, lunok na lang ng lunok para matapos na agad. 

Yung minsan, gustong gusto mo ng isang movie, pero dahil ang baba ng grades mo at kailangan mong maghatak ng grades, kukuha ka na lang ng papel at dun mo ililista lahat ng movies na gusto mong panoorin kapag bakasyon na. Yung mga family events na gustong gusto mong sumama pero hindi mo din lang kayang bitawan yung libro at handouts mo. Yung minsan gusto mo makipagdate, kasama mo nga siya pero hindi mo hawak yung kamay niya kundi yung libro kasi nga kailangan mong magfocus sa pag-aaral. Yung ang daming bagay mong kailangang i-give up para lang mag-Doctor.



ANG DALING BUMITAW. Ang daling unahin yung buhay ko lang, mas magiging madali ang buhay ko kung hindi ako nagdo-Doctor pero nandito pa ako. Kaya nandito pa ako, kaya pinupursigi kong mag-Doctor pa, kaya nga kahit na-irreg ako nandito pa rin ako, kasi higit pa 'to sa gusto at pagmamahal. Ang daling bitawan nito, pero di ko ginagawa. Ang daling bumitaw, pero bumabangon ako, pero nilalaban ko kahit na yung utak ko wala na halos kayang pumasok, kahit na yung tingin ko sa sarili ko ang bobo kasi parang di naman ako umuusad, kahit na yung pakiramdam na kahit na nagtapos na ako ng kolehiyo, para akong walang napatunayan, parang kulang ako, pero kasi kung bibitaw ako ngayon, lalo akong magkukulang, para kong papatayin yung sarili ko kasi yung katiting na tuldok na pag-asang meron ako lang yung pinanghahawakan ko.

MAS MAGIGING MADALI YUNG BUHAY KO KUNG BIBITAWAN KO ANG MEDICINE PERO HINDI KO GINAGAWA. Hindi ko gusto ang madaling buhay, gusto ko yung buhay na mahirap man sa ngayon, yung alam ko sa dulo it will be all worth it. Nag-umpisa na ako, nahirapan na ako, lumagapak na ako, ngayon pa ba ako bibitaw? Ngayon ko pa ba bibitawan 'to kung kailan kinaya kong harapin ang lahat ng hamon? Syempre hindi.


Totoo lang, para sa akin, ang mga Medicine students kung pumapalya, wala naman talagang pakielam sa sasabihin ng mga professors, ibang tao, walang pakiealam sa kahit na sino pero ang pinakaimportante yung suporta ng pamilya. Siguro masasaktan tayo sa sasabihin ng iba, pero ang may halaga lang sa atin yung sasabihin ng pamilya natin.

I'm blessed to have the most supportive family ever. Yung pamilya na sanay sa magagandang grades nung college ako, na sanay na halos uno ang subjects ko at nakakapikon kapag may dos, yung pamilya na inakala ko hindi ako makakayang tanggapin 'pag pumalya ako, pero mali ako. I underestimated their love for me. Hindi ako nakarinig ng kahit na ano, walang questions, walang ibang sasabihin kundi "Ayos lang yan. Hindi madali ang Medicine. Ulitin mo lang ng ulitin. Do your best." Kakaiba. Gusto ko lang malaman ng mga magulang na iba po ang Medicine, ibang iba. Hindi po galit ang kailangan ng mga anak, kailangan ng pang-uunawa, suporta at hindi pagdududa.

"I walk slowly, but I never walk backward."
-Abraham Lincoln

Mabagal lang 'tong byahe ko para maging isang doctor, pero hindi ibig sabihin noon, hindi ako magiging doctor. Mabagal lang pero makakarating ako. Mabagal lang, mabato lang, may lubak lang, madami lang detour pero para saan ba't magiging doctor din ako, sa tamang panahon, sa panahong pinagkaloob sa akin ng Diyos.

Saludo ako sa mga magulang na di nagsasawang sumuporta sa mga anak nilang gustong mag-aral, sa mga doctor, sa mga scholars na Medicine students, pero pinaka-saludo ako sa mga katulad kong estudyante, sa mga pinakamatitibay na estudyanteng bumagsak na pero bumangon, na muntikan nang bumigay pero mas piniling ngumiti at sumubok pang muli. 

4 comments:

  1. Grabe, nakakaiyak yung mga post mo tungkol sa Med sa FEU-NRMF. Incoming freshmen ako, aaminin ko, natatakot na ko ngayon pa lang pero iniisip ko, kung papauna ako sa takot, ano ng mangyayari sa akin. Nung nakuha ko yung ID ko at pinakita ko sa mga magulang ko, sobrang saya na nila. Naisip ko, paano pa kaya pag doktor na talaga ako. Iba siguro yung feeling. Wag kang susuko! Magiging doktor tayo, kitakits sa hallways ng FEU :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi soon-to-be-schoolmate :) Magiging batchmate ka ng sister ko. :) I dont write para manakot, ang akin lang nagsheshare ako. First year sa school swabe lang talaga. Gumala ka na nang gumala kasi pag second year yung madugo. Carrybells yan! Aral. Dasal :)

      Delete
  2. hi, pwede blog ka about your med experiences? incoming freshman rin ako and i'll be the first in the family kung loloobin ni God, so i have no idea or tips talaga. hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi! :) Please find time to email me sa fayeocampo@yahoo.com. I can send you tips for Medicine, and if you enrolled sa FEU-NRMF, I can give you files. :) God bless you, future Doc! :)

      Delete

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.