**** **** **** **** ****
Yung mga salitang: Kailangan, Kailangan kita, Kailangan kong kailanganin mo ako. Ayoko nun. Ayokong kailanganin ako ng isang tao na parang yung puso nila kadugtong ng bituka ko, na parang di nila kakayaning mabuhay na wala ako. Ang pag-ibig ay hindi tungkol sa kung papaano mo kakailanganin yung isang tao sa buhay mo. Ayokong magkamali tayo na gawing lambing ang pagiging desperado. Iba ang pag-ibig sa pagiging desperado.
Gusto ko ng taong gusto ako. Gusto ko ng taong gusto ko. Gusto ko ng taong pipiliin ako. Gusto ko ng taong pipiliin ko. Gusto ko yung totoo. Gusto ko yung alam kong kayang tumayo ng wala ako, pero pipiliin ako sa buhay niya. Hindi kailangan kundi gusto, kundi pinipili. Magkaiba ang desperado sa pag-ibig.
Hindi kita kailangan. Hindi mo ako kailangan. Kayang kaya nating mabuhay na wala ang isa't isa. Ang pag-ibig hindi tungkol sa kung papaano mo ako dapat kailanganin. Gusto natin yung isa't isa. Pinipili natin yung isa't isa. Pinipili natin yung pakiramdam ng balat natin na magkadikit, na magkahawak yung kamay natin kahit na pagpapawisan na, na magkalapit yung katawan natin kahit na ang mararamdaman mo yung mga bilbil kong magkakapatong. Pinipili nating gawin yung mga bagay na magkasama, habang magkapulupot sa isa't isa. Pinipili natin yung pakiramdam na magdampi yung mga labi natin -- yung dahan-dahan, yung mga paruparo sa tyan natin habang magkasama tayo. Pinipili nating bigyan ng oras at atensyon yung isa't isa, kahit na may iba pang nanghihingi nun. Pinipili nating sumaya sa piling ng isa't isa. Pinipili nating makuntento sa isa't isa, kasi gumagawa tayo ng paraan para makuntento tayo na tayong dalawa yung magkasama. Pinipili natin ang isa't isa kahit na alam natin na pareho tayong di perpekto. Yung pipiliin natin yung isa't isa ng paulit-ulit araw-araw, na walang pagdududa.
Yung taong hindi ako kailangan pero punyetang gustong gusto niya akong maging parte ng buhay niya at pinipili niya akong maging parte ng buhay niya.
Yung taong hindi ko kailangan pero punyetang gustong gusto kong maging parte ng buhay ko at pinipili kong maging parte ng buhay ko.
PS. Shet. Sarap nito. Yung ganitong pag-ibig. Yung totoo. :)
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.