Saturday, May 17, 2014

Ang Pagpusta


Di naman ako yung taong mahilig sa sugal, lalo na kung puso ko yung ipupusta ko. Hindi ako mahilig sa sugal na pwedeng yung puso ko yung itaya ko. Mas lalong di ako yung taong pupusta sa isang sugal na di ko naman talaga alam kung paano laruin, kung di ko naman talaga kilala yung mga kalaban ko.

Dumating yung isang kalaban na halos di ko naman talaga kilala. Alam ko lang ang pangalan niya, alam ko ang konting kwento sa buhay niya pero hanggang dun lang. Tumaya ako. Itinaya ko yung puso ko sa sugal na yun para lang makalaro siya kahit ilang beses siyang umaalis sa sugal na yun. Itinaya ko yung buong puso ko ng paulit ulit kahit na alam kong wala siyang kayang itaya para sa akin. Itinaya ko, nagbigay ako ng pagkakataon, di lang isa, di lang dalawa, di lang tatlo at sa kada pagkakataon, di lang niya pinapahalagahan. Laro 'to. Nakalimutan kong naglaro lang pala siya kasama ako. Nagkataon lang, na yung puso ko yung napaglaruan kasi sineryoso ko yung laro na 'to.

Natuto akong lumakad papalayo sa isang sugal ng pag-ibig, yung pag-ibig na matagal kong inaasam. Binawi ko na yung puso ko, pero nag-iwan ako ng piraso para sa kanya, dahil buong buhay ko, alam kong yung pirasong yun itatabi ko para sa kanya. Iniwan ko na lang. Iniwan ko para subukang buuin 'tong pusong 'to ng hindi na hinahanap yung piraso na yun.

Tibay. Lakas ng loob. Lumalayo. Hindi nagpapapigil. Hindi nagpapaawat. Humarang siya. Humarang siya at pilit akong pinipigil sa plano kong pagtakas sa pustahan. Handa na daw siyang pumusta. Handa na daw niyang ipusta yung puso niya. Napangiti ako. Napangiti ako pero sa loob ko gusto kong isagaw kung bakit ngayon lang? Bakit ngayon lang niya kayang ipusta samantalang ako matagal na mga taon na akong pumupusta? Bakit ngayon niya ako gustong hawakan kung matagal ko na siyang hinahawakan pero tinatanggihan niya ako ng paulit ulit? Bakit ngayon pa? Bakit? Bakit? Bakit?

Pwede naman, pero baka kasi kaya mo lang ako napapansin, kaya mo lang ako nakikita, kasi wala kang makalaro. Pwede namang, namimiss mo lang ang jokes ko habang naglalaro tayo. Pwede naman minahal mo na ako noon. Pwede naman ipinaglaban mo na ako noon. Pwede namang pinili mo ako noon. Pwede namang ipinusta mo yang puso mo sa akin, noong pumupusta pa ako ng puso ko sayo. Pwede naman, pero hindi kasi ako yung pinili mong karapat dapat pagbigyan ng puso mo. Pwede naman, pero hindi mo ginawa. Pwede naman. Pwede naman. Pwede namang noon pa, pero bakit ngayon lang?

Kung katulad nang sinasabi mo na pumusta ka na sa akin, at alam mong dati pa lang, pumusta na din ako sayo, natalo lang siguro tayo sa sugal natin. Siguro hanggang dun lang talaga yung sugal ng pag-ibig natin. 

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.