Wednesday, September 14, 2011

Ang Makakasagot Nito, Pang-Miss Universe


Tanungin niyo na ako ng Blood Bank at Hematology, huwag lang 'to. Hindi ko din mahanap sa sarili ko yung sagot sa mga 'to.

SA TUMBLR
Paano kung nagmahal ka sa isang taong bawal na mahalin? O paano kung nagmahal ka na bawal ka na niyang mahalin dahil meron ka na? Tatanggapin mo ba siyang mawala para di magkasala? O handa kang magkasala huwag lang siya mawala?

SA AKIN
Pag may iba na, lumayo na. Pag may ibang masasaktan na, hayaan kong ako ang masaktan basta maprotektahan ko pa yun ibang taong madadamay.


Kahapon lang nakarinig na naman ako ng mahal kita. Hindi nakakatuwa. Masakit.

Bakit para akong poste ng Meralco na madaming nakakabit na linya pero ang gulo-gulo? Yung inaabot niya, niyo ako, pinipilit niyong dumikit sa poste ko pero ako mismo hindi niyo isipin. Hindi niyo man lang ako naisip ni minsan. Ang importante masaya ka, masaya kayo. Gustong gusto niyong sumabit sa poste ko, tinanong niyo ba ako kung gusto ko pa kayo sa poste ko? Ginusto ko kayo sa poste ko, pero kayo mismo ang pumili ng ibang poste. Patahimikin niyo ang poste ko. Hindi niyo ba nakikitang tagilid na ang poste ko? Na kahit anong oras, babagsak na ata ako. Na gustuhin ko mang kayanin, sa pagkakataon na 'to, gusto ko lang lumuhod at umiyak.


Kung masasagot mo ang mga tanong na yan, kailangan kong marinig. Kailangan kong makakuha ng sagot para hanggang dulo tumayo pa ng derecho ang poste ko. Kung may sagot ka, i-comment mo. Iwanan mo ako ng email. Padalhan mo ako ng sulat. Itext mo ako. Kahit anong paraan, iparinig mo sa akin yan.


***Gusto ko lang lumaya uli. Next month na lang ulit, break muna kami ng internet.

Ang Magkaibigan Lang



Matagal nang hawak ang 'yong mga kamay
Di maisip kung kailan mauumay
Lambingan ay walang katapusan
Sana'y di na matutong lumisan

Hindi inaasahan, may pag-ibig na kakatok

Magkaibigan na lang ba tayo?
Ako'y iyong pakinggan
Aking kaibigan, mahal kita
Higit pa, higit pa, higit pa sa ating pagkakaibigan

Lagi kang yakap sa aking isipan
Walang humpay ang ating tawanan
Akala'y walang iwanan, aking kaibigan

Hindi inaasahang, may pag-ibig ka ng iba

Magkaibigan na nga lang tayo
Ito'y ibubulong na lang
Mahal kita
Mahal kita
Mahal kita, aking kaibigan


Yung alam mong hindi lang dapat kayo magkaibigan, pero magkaibigan lang kayo. Ang malala pa dun, kung may iba siya pero gusto niyang andyan ka pa din. Gusto niyang lambingin mo pa din siya. Edi sana kasi tayo na lang. Kung ganun lang kadali. Tongue in a lung na pag-ibig!

LYRICS, MUSIC AND SINGER: FO

Tuesday, September 13, 2011

Ang Taong Iyong Pinalampas


Sa buhay mo, makakatagpo ka ng madaming tao. Sa mga yun, may mga taong sadyang tatatak sa buhay mo. Yung mga taong nagbahagi sa buhay mo ng bagay na espesyal, yung mga taong laging may parte sa buhay mo ano man ang gawin mo. Yung taong una mong nahalikan, yung una mong minahal, yun una mong isinuko ang bandera ng pagkababae mo, yung taong sinaktan ka binigay mo man ang mundo, yung taong kasama mo ngayon at... yung taong iyong pinalampas.

Sino yung taong iyong pinalampas? Malamang, siya yun taong sa inyong dalawa, lahat distinggido, lahat swak na swak, lahat perpekto, mali lang ang pagkakataon. Walang mali sa taong yun, mas lalong walang mali sa chemistry niyo, walang mali sa inyong dalawa na magkasama, hindi lang naging tama ang ihip ng hangin. At natangay siya ng hangin na hindi mo man lang siya nahawakan ng mabuti, nabitawan mo siya, siya yung pinalampas mo, yun ang palagay ko.


Naniniwala ako na ang pakikipagrelasyon at yung itatagal ng relasyon niyo, hindi lang naka-base sa inyo. Malaking parte nito, may kinalaman sa tamang pagkakataon. Yung pagkakataon na handa ka na magseryoso at ipagkatiwala ang lahat dun sa taong yun. Ito yung tamang timing.


Kapag hindi ka pa handa na makipagrelasyon ng seryoso, kahit sino pa ang karelasyon mo, hindi lang talaga yan magwowork. Maliliit na problema, magiging malaki. Hindi dahil ikaw at yung taong yun ay hindi para sa isa’t isa; sadyang hindi pa lang tamang oras, at yung maliliit na bagay yung magpapatunay ng bwisit na katotohanang ‘to.


Tapos isang araw, handa ka na. Handang handa ka na talaga. Kapag nangyari ‘to, kakayanin mo nang seryosohin yung isang tao. Pwedeng hindi siya yung taong perpekto, dahil wala naman talagang perpekto. Pwedeng hindi din siya yun taong una mo palang na nakilala, masasabi mong “siya na”, pero dahil handa ka na, magwowowrk yan. Magwowork dahil tama ang timing at gugustuhin mong magwork ‘to ngayon.


Darating yung araw na may sense na lahat ng bagay, at nakita mong nagbago ka na. Iba na ang bagay-bagay, iba na yung pagtanggap mo sa mga bagay na ito, sa wakas, kuhang kuha mo na kung sino ka, kung ano ang gusto mo at sa pagkakataon na ‘to, handa ka na dahil tama na ang timing. Pero walang may alam kailan darating ang ganitong panahon. Sana single ka, pero pwede ka din na nasa matagal na relasyon, pwedeng may asawa ka na at may mga anak na kayo.


Hindi mo alam kailan ka magiging handa, ang alam mo lang, nagbago ka, at sa hindi mo malamang rason, yung taong pinalampas mo, yun yung taong una mong maiisip. Yung taong pinalampas mo, siya yun pag-ibig na sana hanggang ngayon nandyan pa, siya yun hinihiling mo pa din, yun taong yun yung iniisip mo habang binabasa mo 'to. Maiisip mo siya dahil magtataka ka, “Paano kung nandito siya ngayon?” Mapapaisip ka, “Paano kung kami pa ngayon, sa kung ano ako sa kasalukuyan at hindi kung ano ako noon?” Yan yung taong pinalampas mo. Siya yun pinakamalaking “Paano kung?” sa buhay mo.


Kung kasal ka na o siya naman yung kasal, tanggapin mo ang katotohanan na yung taong pinalampas mo, napalampas mo na. At sa kamalas malasan, yung pag-asa, malabo na. Pero kung hindi pa, ibang usapan na yan.


Anong gagawin mo kung hindi pa huli ang lahat? Simple lang yan! Hanapin mo siya. Galugarin mo na ang mundo, makasama lang siyang muli. Kasi yung mismong pag-iisip mo nung “taong pinalampas mo”, buong buhay kang mapapaisip, paano kung hindi mo siya pinalampas?


Ayain mo ng kape, o magmovie kayo, o mag-jogging kayo, hindi na mahalaga kung anong date pa yan. Magugulat ka na lang, na kung siya yung “taong iyong pinalampas” baka ikaw din yung “taong kanyang pinalampas.”


Para ka mang kabute, na bigla na lang tutubo kung saan muli sa buhay niya, ngunit walang magbabago. Kung ito na ang tamang timing, sadyang magiging tama na din ang lahat at, para sa akin, magiging masarap na pakiramdam, na sa huli, masasabi mong, “Uy ikaw! Ikaw na yun muntik kong pinalampas.”


**Inspired by: MJM

Ang Pagkain Na Pag-ibig


ANG PAG-IBIG PARANG PAGKAIN.

Lasapin mo hanggang di pa nauubos at maging masaya ka. Hindi mo iisipin kung kailan ka ulit kakain. Ang mahalaga matikman mo ng buong buo ngayon. Mahalaga na mabusog ka. Hindi mo iisipin kung mauubos, hihilingin mo lang na sana, malaking sana, ito na yun pagkain mo buong buhay. Na hindi ka magsawa sa lasa ng pag-ibig niyo at hindi siya magsawang ibigay ang parehong lasa nung una niyong malamang mahal niyo na isa't isa.

Tuesday, September 6, 2011

Ang Hotel Na Puso


Ang pag-ibig, hindi lang kabig ng bibig. Hindi din biglang kumakabig 'pag di na masaya, 'pag may makilalang iba.

Ang pag-ibig, hindi iniigib. Hindi din hinihingi. Kusang binibigay yan.

Ang pag-ibig ay parang RICO. Minsan Blanco. Minsan Puno. At minsan din, Yan na pala.

Ang pag-ibig nandyan lang. Kapag umibig ka sa isang tao, hindi mawawala yan. Hindi din biglang maglalaho na parang utot na mabaho. Habambuhay mong bitbit ang lugar niya. Minsan lang nababawasan dahil meron kang pinapangalagaan. Meron kang mas pinapahalagahan sa kasalukuyan. Pero kahit anong gawin mo, ang puso mo, parang hotel. Na pag may pinapasok ka, lumabas man siya sa pinto, buong buhay na nakareserba sa kanya ang lugar na yun sa puso mo.

Kaya ingat ka. Alagaan mo ang hotel mo. Ilaan mo yan, hindi sa lahat ng tao. 'Wag kang mabilis mahulog, magugulat ka, punong puno na ang hotel mo, baka yun taong para sayo, hindi mo na mabigyan ng lugar sa hotel mo. Siguraduhin mo na ang Presidential suite, para lang sa taong pipiliin mong mahalin at pangalagaan habambuhay.

Monday, September 5, 2011

Ang Paglingon

Hindi ako yung taong madalas lumingon. Wala akong stiff neck. Sadyang kada paglingon ko, naiiyak ako. Na kada paglingon ko, gusto kong harapin ang nakaraan. Gusto kong magmura ng malakas. Gusto kong sabihing "Tongue in a!" Itataas ko na sana yun daliri ko kaso sumabay ang tulo ng luha kong walang pakisama. Habang nagpapakatatag ako, bigla 'tong tutulo na grabe pa sa gripo. Buti walang kasamang sipon kasi uunahan ko na nang singhot. Pero ang totoo, nahihirapan akong lumingon, kasi kahit anong lingon ang gawin ko, madami mang tao ang andyan, mas madami mang masasaya akong alaala, natatalo ako 'pag bigla kitang maiisip. Sa paglingon ko, wala ka pa din. Na sa paglingon kong muli, hindi pa din kita matanaw.

Buong loob akong nakaharap. Umaasa na kada araw ang nakikita kong lumipas, 'tong hangin madala ang lahat ng nararamdaman ko. Na sa paglipas ng panahon, buong buo na akong makakaahon. Na handa na akong muli, hindi sa pag-igib ng pag-ibig kundi sa pagbibigay ng pag-ibig. Sige na panahon, lumipas ka na.

Sunday, September 4, 2011

Ang Kantang Di Uso


YOUTUBE LINK


Bakit ka ba ganyan sa akin?
Di na alam anong gagawin
Tuluyan na bang lilisanin?
Ika'y mawawala na sa akin

Binigay ang lahat sayo
Ano pa bang kulang?
Sabihin mo
Ano pa bang kulang?

Mahal kita, mahal mo ako
Pero bakit ganito?
Bat mo sasabihing mahal mo ako,
Kung ito'y maglalaho?

Ako'y nalulunod sa lungkot
Ng tayo'y magbago

Di pala laging sapat ang pag-ibig
Kailangan ko itong sabihin
Kahit labag sa aking damdamin
Ako'y lalayo na aking sinta

Binigay ang lahat sayo
Wala namang kulang
Paalam na
Hanggang dito na lang

Mahal kita, mahal mo ako
Pero tayo'y ganito
Bat ang oras ay di sa atin?
Tuloy kailangan nating maglayao

Mahal kita, mahal mo ako
Pero bakit ganito?



Ginawa namin 'to ng pinsan ko (JG) 3 years ago. Tapos nung maisipan ng puso kong tumibok muli sa maling pagkakataon, ginawa ko yung huling parte.


LYRICS: JG and FO
MUSIC AND SINGER: FO

Saturday, September 3, 2011

Ang Value Ng X


Paborito ko ang Math. Mahilig ako sa numero pero mas mahilig sa akin ang numero. Nilalaro ko ang bawat equation. Wala akong problema pagdating sa kahit ano pang tanong tungkol sa numero. Pero syempre, madali kung addition, subtraction, multiplication at division lang. Parang buhay, Addition: may dadating at dadagdag. Subtraction: may kailangang umalis at mawawala. Multiplication: may magbubunga kahit pigilan mo pa. Tipong kahit gumamit ka ng proteksyon, di ka siguradong walang uumbok sa tyan mo. Na kahit pigilan mo yang puso mo, minsan magugulat ka, may tinitibok na naman siya. Division: may kailangang maghiwalay. Sana di nauso ang subtraction at division.

Isang tanong: 6y-x+z=4
Sabi ng prof: "Find the value of x"

Hawak ang ballpen at papel. Konting laro, konting transpose, swak na. May value ang X. Akala ko nun, walang value ang X. Akala ko walang halaga ang X. Akala ko nung matuto ako ng subtraction at division, yun na yun. Dun na natapos ang lahat. Hindi pala. Mali pala ako. Kasi sa tamang oras, kailangan ko ulit kunin ang exam. Sa pagkakataong yun, hindi ako handa sa exam. Hindi ko kayang paganahin ang utak ko kasi lamang na lamang ang multiplication. Na ang matimbang sa akin, yun puso ko na hindi gumagana para makasagot ng maayos. Sa exam na yun, nagulat ako na may value ang X. Habang nageexam ako, akala ko ako mismo walang value. Nakakagulat na yun X, na inakala kong walang value, yun magpapakita sa akin na ito ang halaga ko. Lumipas man ang oras ng exam, yung X na yun hindi nagsawang iparamdam ang value ko. Na kahit hindi ko nakita ang value niya nung nasa equation pa kami ng pag-ibig, ito pa din siya, sila.

Yayakapin ko ang X. Yayakapin ko maging Y at Z. Kahit ano pang letra, may value. Sa tamang panahon, malalaman ko ang totoong halaga nila sa buhay ko. Makakasabak ulit ako sa exam. Kakayanin.



***To the world's best Xs: Mel and Dhen.♥ Thank you, Guise. Lumipas man mga equations natin, siguradong hindi ko hahayaang mawala yun value na nakita ko sa inyo.

Friday, September 2, 2011

Ang Pag-alis Ng Kapares


Ginawa tayo para sa isa't isa. Akin ka, sayo ako. Nakita ko ang buong buhay ko na ikaw lang ang kasama sa paglalakad. Masaya tayo habambuhay. Walang iwanan. Walang bibitaw. Yun ang tadhana, yun sana ang tadhana.

Walong taong naglakbay. Madalas iniiwan mo ako sa paglalakad, pero siguradong nakasunod ako sayo. Na kung anong oras mo mang planong lumingon, siguradong matatanaw mo akong naghihingalo pa kakahabol sayo. Wala akong sawa. Hindi ako nagsawa pero napatid ako. Napatid na din ako. Pinatid ko na din ang lahat, sa wakas.

Gusto kong maglakbay pa kasama ka. Gusto kong mayakap ka pa habambuhay. Gustong gusto kita, kaso mas gusto mo akong maghabol sa paglalakbay. Mas gusto mo akong yakapin matapos mong makayakap ng iba pa at magsawa. Gustong gusto mo din ako 'pag naalala mong meron kang kapares.

Napatid na din ako, sa wakas. Pinipili ko na ang sarili ko, sa wakas. Matapos ang walong taon, walang pagkakataon ang sinayang ko sayo. Binigay ko lahat. Hindi ako humingi ng kapalit, pero lagi kang naghahanap ng aking kapalit. Ito na, patid na ako. Paalam walong taon! Wala na tayong pagkakataon.



***Para sa pinsan kong umibig ng walong taon. Salamat at pinili mo na yun sarili mo. Nakakabaliw yan, alam na alam ko. Pero kailangan mo naman talagang lumayo sa taong hindi makita ang WORTH mo. Mahal kita! Kaya mo yan!

Thursday, September 1, 2011

Ang Tamang Pagkakataon

Sa buhay ko, hindi ako kailanman marunong mag-antay. Yun ang akala ko. Yun ang paniniwala ko. Yun pala, simula nagkolehiyo ako, ikaw yun tinitingala ko. Ikaw yun wala akong kamalay malay na ginugusto ko. Ang tagal kitang inasam. Ang tagal kong hiniling na makapiling ka. Ang tagal kong ipinaubaya sa Diyos kung magiging para sa akin ka. Dumaan ako, hindi lang sa butas ng karayom, di lang sa baga ng uling, pati na rin sa lubid na akala ko mapapatid dahil sa bigat di lang ng katawan ko, kundi pati ng puso ko sa kaba na kung hindi ko matawid ang lubid na 'to, baka makawala ka sa paningin ko. Hindi ka madaling makuha. Hinding hindi.

Ngayon? Ito ka. Ito yung araw na matagal kong inasam. Ikaw at ako. Ano mang nangyari, ang importante para tayo sa isa't isa. Sa huli, ang Diyos, binigay tayo sa isa't isa sa tamang pagkakataon. Hindi tayo parang regla na nadedelay. Hindi din parang text, na mas madalas pa madelay. Sa susunod? Dun naman tayo sa stage, di para umarte, pero para maklaro na ang lahat ng namamagitan sa atin. Yun ngingiti akong suot, di ang trahe de boda, pero ang toga. Hahawakan kita ng mahigpit, pero pangakong aalagaan kita.


***Salamat Lord. Utang ko po 'tong lahat sayo. SERYOSONG SALAMAT, LORD!
***Para sa lahat ng nahirapan, pero maniwala ka, nasa atin ang huling halakhak.

***Para sayo, tiga-RICO 2012.