Friday, September 2, 2011

Ang Pag-alis Ng Kapares


Ginawa tayo para sa isa't isa. Akin ka, sayo ako. Nakita ko ang buong buhay ko na ikaw lang ang kasama sa paglalakad. Masaya tayo habambuhay. Walang iwanan. Walang bibitaw. Yun ang tadhana, yun sana ang tadhana.

Walong taong naglakbay. Madalas iniiwan mo ako sa paglalakad, pero siguradong nakasunod ako sayo. Na kung anong oras mo mang planong lumingon, siguradong matatanaw mo akong naghihingalo pa kakahabol sayo. Wala akong sawa. Hindi ako nagsawa pero napatid ako. Napatid na din ako. Pinatid ko na din ang lahat, sa wakas.

Gusto kong maglakbay pa kasama ka. Gusto kong mayakap ka pa habambuhay. Gustong gusto kita, kaso mas gusto mo akong maghabol sa paglalakbay. Mas gusto mo akong yakapin matapos mong makayakap ng iba pa at magsawa. Gustong gusto mo din ako 'pag naalala mong meron kang kapares.

Napatid na din ako, sa wakas. Pinipili ko na ang sarili ko, sa wakas. Matapos ang walong taon, walang pagkakataon ang sinayang ko sayo. Binigay ko lahat. Hindi ako humingi ng kapalit, pero lagi kang naghahanap ng aking kapalit. Ito na, patid na ako. Paalam walong taon! Wala na tayong pagkakataon.



***Para sa pinsan kong umibig ng walong taon. Salamat at pinili mo na yun sarili mo. Nakakabaliw yan, alam na alam ko. Pero kailangan mo naman talagang lumayo sa taong hindi makita ang WORTH mo. Mahal kita! Kaya mo yan!

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.