Pinilit kong maging pinakamagandang bulaklak para sayo, para sa atin. Akala ko nga tutulungan mo akong mas bumusilak pa. Akala ko ikaw yung magiging hardinero ko sa nalalabing mga taon natin.
Mali ka siguro ng hardin na binisita. Maling hardin ang napuntahan mo. Ito kasi yung hardin ko. Ito yung mundo ko na hindi ko binubuksan sa lahat ng tao. Akala ko ikaw na yung hardinerong tama. Natuto kang bitawan ang mga gamit natin, naiwan akong tuyot. Sa unang beses, hindi ako yung umayaw sa dilig ng pag-ibig. Sa unang beses, hindi ako yung lumayo sa taklob ng anino mo. Dumating ka, iniwan mo naman ako agad. Tatlong araw lang, tinuyot mo ang hardin na pinipilit kong buohin.
Alam kong babalik ka. Ngumiti ka at bumalik. Nakita mo ako at sinipat. Oo, tuyot ako, pero di na bukas ang hardin ko. Oo, tuyot ako pero di na ang pag-ibig mo ang kailangan ko. Baka kasi di ako ang maling hardin, malamang maling hardinero lang ang pinatuloy ko.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.