Thursday, November 17, 2011

Tongue In A Lung: Ang Relasyong Di Gumana At Ako

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *


Simple lang ako. Mataba ako at hindi ako nahihiya dun. Para akong tambay sa kanto kung magsalita. Sinusubukan kong pantayan ng mga salita lahat ng nararamdaman ko. Kaya kong dumaldal ng limang oras na ako lang ang magkekwento. Mahilig ako sa isaw, balot at mga pagkaing kalye. Gusto kong napapansin ng mga tao pero hindi ako nagpapapansin. Baka kapansin pansin lang ako. Gumagawa ako ng mga bagay na gusto ko at hindi ng mga bagay na gusto lang ng ibang taong gawin ko. Marunong akong magpahalaga ng tao higit pa sa nakikita ng iba. Mahilig ako sa halik at yakap pero mas mahilig akong maglambing sa mga taong mahalaga sa akin. Maarte ako sa pag-ibig. Ayokong iniigib yun sa kung kaninong tao dahil punong puno na ako ng pagmamahal at lambing galing sa Diyos, pamilya at mga kaibigan ko. Totoo lang, para kong jowa lahat ng mga malalapit sa akin.

Hindi lang ako basta-bastang na-iinlove. Pag sinabi kong mahal ko ang isang tao, siguradong matagal yun. Gusto ko kasi ng mga relasyong nagtatagal. Ayoko sa mga taong nagsasabi sa akin na mahal nila ako habang may iba sila. Hindi naman kasi ako hot katulad ni Anne Curtis para maging other woman pero marami na silang sumubok na gawin akong kabit, mas gusto ko lang ang pride ko. Mas lalong gusto ko ng taong ako yung pipiliin gaano man katagal, wala man kaming kasiguraduhan. Yung taong mahal ako at ako lang kahit may eeksenang iba.



BAKIT HINDI NAGWORK ANG RELATIONSHIPS KO?

Kasi kahit ganito ako kabalasubas, sa tingin nila pangarap ako. Parang perpekto na hindi natitibag. Iniisip nilang wala akong insecurity. Masyadong matibay na kailanman kaya yung sarili. Yung laging masaya kaya akala nila hindi kailanman nagiging malungkot. Akala kasi nila ako yung taong kailanman hindi luluhod para umiyak, yung taong tama ang lahat na kaya pag nakita nila yung mali sa akin, wala na. Dun na natatapos.

Hindi ako yung taong lagi kong naririnig na sinasabi ng iba na langit. Gusto ko lang sabihin na kaya siguro hindi tayo naging swak kasi may mga bagay na kathang isip niyo lamang. Walang perpekto. Mas lalong walang perpektong ako. Masaya ako sa kung ano ako, mas naging masaya ako na nakasama ko kayo. Pero mas sasaya pa ako pag nakilala ko na yung taong magiging iba yung tingin sa akin. Yung taong di ko kailanman kailangang makihati. Yung kahit may iba, hindi ko kailanman kailangang makipagpaligsahan para makuha siya kasi ako lang pinipili niya. Yung taong tanggap yung langit at impyerno ko. Yun ang taong gusto ko habangbuhay, kasama na ang langit ang impyerno niyang kukumpleto sa purgatoryo ko.

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.