Monday, December 31, 2012

Ang Mahalaga Sa 2012

2012,

Salamat sa labing dalawang buwan, madaming mga araw at segundo. Salamat din sa mas madaming pagsubok.

Hindi ka naging madali pero hindi ko kayang umangal lalo na sa taong 'to, katulad ng mga nakaraan pang mga taon sa buhay ko, mas madaming milagro at blessings and binagyo sa akin ng Panginoon.

Muntik na akong di grumaduate, pero saktong RICO 2012 ako. Muntik na akong tumagilig sa 1st sem ng Medicine, pero all passed ako. Muntik ng gumuho ang mundo ko sa board exam na kinuha ko ng walang review pero pumasa ako.


Akala ko dapat ko ng talikuran ang Medisina pero binigyan mo ako ng mga taong hahatak sa akin. Akala ko ano nga ba ang tunay na kaibigan pero ipinaalala mo ang madaming tao sa akin.

Akala ko salot ang kulot pero binigay mo siya na nakasama ko kahit saan, kahit kailan, na hindi pala nakakasawa ang mukha niya sa gilid ko. CRISELDA.

Akala ko mahina ako, pero ibinigay mo siya sa akin para ipaalala kung gaano katibay ang isang tao kapag sa  Panginoon kumapit. JAIRAH

Akala ko maingay at mataba lang siya pero pinapatalbog niya ako sa kasiyahan. MARION.

Akala ko matalino lang siya at payat dahil laging puyat pero bitch pala siya na kayang talunin kahit si Goliath maipagtanggol lang ako. JULIA.

Akala ko ako na lang, pero may nakakapitan ako, may humahatak sa luha ko kapag pabagsak na. CHAAR. at MGA TOTOONG KAIBIGAN.

Akala ko di nila ako kayang suportahan, pero tinanggap ng pamilya ko ang mabababang grades ko at nagtiwalang kakayanin ko ang lahat. Tinanggap nila ang katamaran ko pero pinupursige ako para maging isang matagumpay na doctor. PAMILYA.

Mahirap kang harapin pero walang hindi kakayanin. Gumapang ako pero di ako kailanman mag-isa. Paalam na sayo pero kailanman hindi mamamaalam ang mga taong 'to at ang Diyos ko, yun ang alam ko.

♥Opmaco

Ang Pamamaalam: 2012


Muntik ng tumigil ang ikot ng mundo. Muntik ng huminto ang buhay na magulo. Muntik ng di sumikat ang araw na lalong nagpapainit sa ulo ng tao. Muntik ng di lumabas ang buwan. Muntik na. Muntik lang. Muntik lang para sa ating lahat na sasalubong sa bagong taon.
Kung akala mong malas ka, kung akala mong sira ang taon mo, kung akala mong di sayo ang 2012, isipin mo na lang na buhay ka. Muntik kang nawala pero di ka naglaho. Muntik kang bumigay pero di ka bumitaw. Muntik kang madurog pero ayan ka, buong buo. Swerte natin na may bagong taon tayong ngingitian. Yung iba natuluyan, ikaw? Swerte mong may bagong taon na pwede mong gawing para sayo.
Sa iyo na walang ginawa kundi magkasala, sayo lahat na iginapang ang 2012 para piliting maging masaya, sayo na umiyak buong taon dahil sa kamalasan, sayo na muntikan ng mamaalam, ngitian natin ang 2012. Mamaalam ng masaya at nalagpasan natin ang lahat. Ngumiti sa panibagong taong hahamon sa ating kakayanan, idasal sa Diyos ang lahat para maging matagumpay at masagana sa mga bagong pagsubok sa darating na taon.
Para sa huling araw ng taon, para sa huling oras, minuto at segundo ng taon, ngumiti ka. Karapatdapat lang na maging masaya ka. Ngumiti ka para sa lahat ng iniyak mo. Ngumiti ka para sa lahat ng pagsubok. Ngumiti ka para sa lahat ng problemang ibinato sayo. Ngumiti ka kasi tapos na. Ngumiti ka kasi naging matibay ka.
Paalam 2012. Handa na ako para sayo 2013.

Monday, November 5, 2012

Ang Nag-iisa



Ito ako nasa gitna ng maingay na klase, na para bang bumubuo ako ng klase ko mag-isa, yung klaseng tahimik, yung klaseng naghahanap ng kaklase na katulad mo. 

Ito ako naglalakad sa maingay na daan, na sana di puro usok ng tambutso ang nakikita ko, sana ngiti mo na lang kasabay ng halakhak nating tatalunin ang lahat ng ingay sa daan. 

Ito ako kumakain mag-isa, humihiling na sana may kasabay ako, na sa bawat subo mapapahinto ako para makita ang mga ngiting iyong taglay.

Ito ako nakatapat sa keyboard, na pilit tinatapatan ang lumbay kong nararamdaman, na pilit pumipindot at dinadama ang bawat salitang mabubuo, pero sana sana, 'tong mga kamay na 'to sa kamay mo na lang dumadampi.

Ito ako walang malalapitan kundi ang lapag na lagi akong sinasalo sa panahong mahuhulog na ako, sana nga ikaw na lang. Sana kaysa sa malawak na lapag na sasaluhin ako, mga salitang galing sayo lang ang kailangan ko. Suporta lang.

Ito ako, sana nga hindi e, pero kahit anong gawin ko, ito ako ang nag-iisa.

***SANA KASI DI AKO NAG-IISA.

Friday, October 12, 2012

Ang Mga Nakatingin

Ang dami niyong nakatingin sa akin. Yung iba masaya para sa akin sa kinaroroonan ko ngayon. Yung ibang mas nakararami, inaantay lang akong madapa, lumagapak, at mapahiya.

Hindi mo nga mababakas ang kalungkutan na nasa puso ko, nagpupupmilit kumawala. Hindi niyo alam kung gaano 'to kahirap. Hindi niyo alam na kada tawa ko, gusto ko na lang humagulgol. Hindi niyo alam na kada ngiti ko, katumbas nun yung puso kong unti unting nadudurog sa loob.

Bawat tingin niyo sa akin, tumatapat sa mga sulyap na humihiling na bumagsak na lang ako. Bawat matang yan, kumikislap sa pag-asang bitawan ko ang lahat ng 'to.

May mga bagay na kaya kong bitawan. May mga bagay na madaling pakawalan pero kailanman hindi magiging madaling hayaan ang hanging ihipan ang lahat ng pangarap ko. Ilalaban ko 'to. Ipagdadasal ko 'to.


**Kaya kong bitawan kahit ang nilalaman ng puso ko ngayon, wag lang ang pag-asang ibinibigay ng pangarap ko sa magulang at pamilya ko.

Friday, September 28, 2012

Ang Pag-ibig Sa Webcam





Nakilala kita sa hindi inaasahang panahon, sa panahong hindi pa ako handa. Akala ko hindi pa ako handa pero nung makita kita sa piling niya, bakit sa tingin ko ako ang mas karapat dapat na kahawak ng mga kamay mo, kaysa sa kanya? Hinayaan ko. Pinalipas ang panahon. Lumipas ang panahon pati yata ang pag-ibig ko tinangay na ng hangin.

Nakausap muli kita ngunit nasa malayong lugar ka na. Akala ko naglaho na ang pag-ibig ko, mali pala ako. Tinangay nga siya ng hangin pero yung hangin bumabalik ng bumabalik sayo. 

Sa webcam na lang kita nakikita. Sa cellphone na lang kita nakakausap. Sa hangin na lang kita hinahalikan. Sa panaginip na lang kita nakakatabi. Matatawag pa ba 'tong pag-ibig? Parang ayokong ilaban ang nararamdaman ko dahil parang di kakayanin, di pwede.

Bawat ngiti mo, pag-ibig. Bawat text mo, pag-ibig. Bawat umaga at gabi, pag-ibig dahil sayo. Ngayon, alam ko na, ang pag-ibig kahit sa malayo, kahit sa webcam lang, sa text lang, sa e-mail lang, sa chat lang, pareho din ng kahit anong pag-ibig sa mundo. Ang pag-ibig ay pag-ibig. Walang sukatan, walang labis, walang kulang, basta totoong pag-ibig siya sa kahit ano pang paraan.

"I'm willing to make this work towards forever and for a lifetime, Mine." (M and M)
**Para sa mga kaibigan ko, kahit ano pa yan, pag-ibig pa din ang tawag dyan.

Ang Rolyo Ng Pag-ibig

Isa kang estrangherong pinulot ako. Dahan-dahan mo akong nginitian. Hinawakan mo ako at binuksan. Ang saya-saya pa nga ng lumapat ka sa akin, may kilig sa ere na nakapalibot sa atin. Una pa lang, may kakaiba na pero akala ko katulad ka ng ibang estranghero, mali pala. Naging bahagi ka ng araw-araw ko. Bahagi ka ng buhay ko. 

Rumorolyo ako araw-araw. Rumorolyo ang istorya ng pag-ibig nating dalawa. Masaya tayo. Walang papantay sa istorya natin pero bakit tila nasa dulo na tayo ng rolyo? Bakit tila masakit na sa kada araw na tumutuloy ang istoryang 'to? Bakit nasasaktan na kita, samantalang dati lagi kitang napapasaya? Akala ko tanggap mo ako, akala ko masaya ka sa kaya kong ibigay, pero bakit binabalik mo ang lahat? Bakit ngayon, parang wala na akong nagawang tama?

Ito ang rolyo ng pag-ibig. Sa umpisa, masaya. Wala namang pag-iibigang nag-umpisa ng malungkot. Ito ang katotohanang hindi lang saya sa pag-ibig. Kasi kung saya lang naman ang habol mo, sana pumunta ka na lang sa isang comedy bar, hindi sa puso ng isang taong baka iwanan mo sa panahong hinahamon ang relasyon niyo.

Ito yung hamon, kung kakayanin niyo pa bang magsambit ng "Mahal kita" kahit sa panahong ang sakit-sakit na? Kung mas kakayanin niyo lahat makasama lang ang isa't isa o magiging matibay ka ng mag-isa?

Ang pag-ibig nag-uumpisa bilang isang mahika pero wag naman sana kasing bilis ng mga kamay ng majikero ang istorya ng pag-ibig.

Monday, September 3, 2012

Ang Higit Pa


Nawawala ako. Hindi ko alam saan ako patungo.

Nadidiliman na ako sa mundo ko. Hindi ko alam saan pa ako hahanap ng ilaw.

Pinanghihinaan ako ng loob. Hindi ko alam saan ako kukuha ng pag-asa.

Bumibitaw na ako. Hindi ko alam saan ako hahanap ng lakas para maging matibay.

Nawalan ako ng daan pero nakita ko ang daan Mo, ito akong lumalapit na naman Sayo. Nadidiliman ako sa mundo ko pero nakita ko ang ilaw na bigay Mong tinalo pa ang lahat ng maningning na mga tala. Pinanghihinaan ako ng loob pero pinakitaan Mo ako ng pag-asa. Bumibitaw na ako pero ni hindi Mo binibitawan kahit ang hibla ng buhok ko.

Ikaw lang, higit pa para maging maayos uli ako. Ikaw lang, sobra-sobra na. Ito ang buhay ko, Ikaw na ang bahala, Panginoon.

Salamat, Panginoon.

Friday, July 20, 2012

Ang Libro At Libre





Iba't ibang libro. Iba't ibang laman.


Isa ako sa mga librong nakikita mo. Oo, maaaring isa ka sa mga sangkaterbang librong nakapatong sa akin. Pwedeng madaming nakakaungos sa kakayanan ko. Siguro nga, kulang pa ang mga ginagawa ko para matapatan ang kakayanan mo, ninyo. Maaaring mas maraming nilalaman ang mga pahina mo pero kailanman, hindi ibig sabihin nun, bawal akong mangarap.


Tayo'y mga libro na libreng mangarap. Ikinatutuwa kong nasa baba ako ng lahat ngayon. Ikinatutuwa kong nandito lang ako sa dulo. Ikinatutuwa kong kailangan kong paghirapan ang daan patungo sa pangarap natin. Ikinatutuwa kong tanggapin na ito lang ako ngayon, pero kailanman, di ko ikakatuwang hanggang dito na lang ako.


Magdadasal ako. Magpupursige ako. Magsisipag ako. Hihigitan ko, hindi ang naabot mo, kundi ang mga naabot ko na. Tatalunin ko ang sarili ko. Tatalunin ko lahat ng mga napagdaanan ko. Sisiguraduhin kong ang libreng pangarap na 'to, magiging parte ng libro ng buhay ko.






"Paano ka magiging Doctor kung gigive up ka lang?"
-Mama E

Monday, April 16, 2012

Ang Aking Diyos


Lahat na ng salita, dinasal ko na sa Iyo. Alam ko kasing pinapakinggan Mo ako. Sa tamang oras, sa oras Mo, dadating ang dalangin ko. Alam kong hindi Ka natutulog para pakinggan ang dasal ko na kung minsan puro hiling, puro tulong.

Nung panahon na wala akong makapitan, hindi pa man ako humingi ng tulong, inabot Mo na ang kamay Mo. Nung oras na bibitaw na ako, niyakap Mo ako ng mahigpit. Nung wala na akong lakas, Ikaw yung naging matibay para sa akin. Nung nawawalan na ako ng pag-asa, sinurpresa Mo na naman ako ng pag-asang akala ko'y malabo. Minsan akala ko iniwan Mo na ako. Nakalimutan kong may sarili Kang paraan, paraan na hindi ko nakikita, paraan na darating sa oras Mo.

Para sa Iyo ito, aking Panginoon. Hindi para humiling at humingi muli ng tulong. Gusto ko lang malaman Mo, wala akong maaabot kung wala Ka. Wala akong papatunguhan kung hindi Mo ako ginabayan. Wala akong masasagot sa exams, kung hindi Ka nagreview para sa akin. Hindi ako masayang haharap sa magulang ko, pamilya at mga kaibigan ko at sasabihing "Makakalakad na ako sa stage ng PICC.", kung hindi dahil sa tulong Mo. Salamat, Lord.


I love you, God.♥ Alam kong di Mo ako iiwan, di Mo ako papabayaan. Peksman! Magiging matagumpay ako, tutulong sa madaming tao, katulad na lang ng pagtulong mo sa buhay ko.

Thursday, March 29, 2012

Ang Paminta

Pampalasa ako sa buhay mo, aminin mo man o hindi. Dagdag ako para maging masarap yang buhay mo. Hindi mo lang alam, hindi mo lang kasi ako magawang pansinin.

Ito lang kasi yung tingin mo sa akin, paminta lang. Ito lang naman ako sayo, pandagdag lang sa madami pang sangkap ng mga ulam mo. Kailan ka kaya makukuntento sa akin? Kailan ko kaya maririnig sayo na ako lang, sobra-sobra na? Kailan mo kaya makikita yung halaga ko? Wag naman sana kung kailan di ko na kailangan ng pagpapahalaga mo.

Buo mo akong nakilala. Buong buo ako nung hinayaan kita sa buhay ko. Pero hindi kita pinapasok sa buhay ko para lang durugin mo ang puso ko. Ito, ang puso ko'y parang paminta. Minsan buo, ngayon durog. Ngayon, dinurog mo lang.

Friday, March 23, 2012

Ang Soundtrip: Halik (Kamikazee)


Tungkol daw 'to sa natauhang puso, tungkol sa pagmamahal na napagod.

♪ Ang sabi ko hindi kita mamimiss, hanggang kailan ito matitiis?
'Pag nawala, doon lang mami-miss, hanggang kailan ito matitiis? ♫

Itong lyrics lang na 'to talaga yung swak sa akin, sa amin. Namimiss ko siya pero wala akong magawa, mapride kasi akong tao. Wala din naman kasi akong karapatang mamiss siya. Mahal niya daw ako, hindi ako nagpauto. Mali pala! Sinubukan kong hindi magpauto, pero wala e, talo ako! Nasabi kong mahal ko din siya, tignan mo yung puso ko ngayon, malungkot na naman.

Ito yung ayokong mangyari, yung malaman ng isang tao yun eksaktong pakiramdam ko kasi alam kong mas sampal sa akin. Kasi alam kong mas masasaktan ako kasi nga yung taong yun, eksaktong alam na yun feelings ko pero di naman kayang alagaan. Tangina lang.

Mahal kita, sabi mo mahal mo ako. Ngayon? Di ko yun maramdaman. Namimiss na kita pero kaya kong magtiis. Magtitiis ako sa pag-ibig na hindi naman talaga karapat dapat na ikalungkot ng kalamnan ko. Di dapat ako malungkot sa pag-ibig na hindi naman talaga nagsimula, at mukhang di naman totoo, sa kanya.

Hindi lang siguro 'to yung karapat dapat na kwento natin.

Thursday, March 22, 2012

Ang Chichirya

Hinawakan mo ako. Tinunaw mo ako sa ngiti mo nung tumingin ka sa akin. Binulungan mo akong mahal mo ako. Inuuto mo lang naman siguro ako, pero yung puso ko, nagpauto naman sayo. Masaya lang ako. Masaya akong magpapauto kung pag-ibig mo yung papaniwalaan kong meron ako.

Pero bakit ganun? Di pa man nag-uumpisa, nasaan ka na? Di ko pa nalalasap yung saya, binabawi mo na? Di mo man lang ako hinayaang maramdaman yung mga bagay na karapat dapat para sa akin. Di mo man lang ako hinayaang maramdaman yung pagmamahal mo, kahit kunwari lang.

Nakalimutan mo yata, di naman ako parang chichirya. Wala namang "TEAR HERE" yung puso ko ha? Bakit winasak mo? Bakit kailangan mong buksan 'to kung hindi mo naman pala kayang buksan yang puso mo para sa akin? Bakit kailangan mong saktan ako?


***Hindi mo malalaman na para sayo 'to, ganyan ka naman. Akala mo iba kasi gusto ko, ikaw kasi talaga si SUPERMAN. SUPERMAN-hid. Sana ako na lang si Katerina mo, Pakshet!

Monday, February 20, 2012

Ang Askal


Kinuha mo ako sa buhay mo, inangkin ng pansamantala. Hinayaan mo akong mahalin ka dahil akala ko, nasa akin din ang puso mo. Minahal kita. Pinahalagahan kita. Masaya na akong makita kang masaya. Hindi ako humingi ng kapalit pero iniwan mo pa din ako.

Minahal kita, seryoso. Akala ko kasi minahal mo din ako ng seryoso, yun pala seryosong pinaasa mo lang ako. Wala kang narinig sa akin, di pa din ako umangal. Tinanggap ko yun kasi ganun kita kamahal. Inintindi pa din kita kahit na sa puntong yun, di maintindihan ng puso ko kung paano mo ako nakayanang iwan.

Ngayon, bigla kang nagparamdam. Akala ko manganagamusta ka lang, yun pala sinisimulan mo na naman paglaruan ang puso ko. Inintindi kita kasi minahal kita. Ngayon, hindi ko na kayang intindihin ka pa.

Ginagawa mo akong parang aso na aakuin mo, na susubukan mong pansinin araw-araw, na bibigyan mo lang ng atensyon kung kailan mo gusto. Hindi ako aso na iiwan mo 'pag di mo na ako kayang bigyan ng lugar sa buhay mo at babalikan mo kapag nakakita ka ng isang maliit na sulok sa buhay mo, na gusto mong mapunan ko. Kaysa maging amo ka, mas gugustuhin ko pang maging askal. Malaya at walang aangkin. Magiging masaya akong mag-isa. Kung iiyak ako dahil mag-isa ako, hindi dahil may isang taong hindi ako kayang pahalagahan.

Tuesday, February 14, 2012

Ang Pag-aaral Ng Puso

Ito ang puso ko. Alam kong hindi kagandahan sa paningin mo, yun ang sa tingin mo. Para sa akin? Ito ang pinakamagandang puso. Ito kasi yung pusong pinatibay ng panahon, hindi natakot harapin ang bawat pagkakataong umibig at magmahal. Hindi ako natakot magbigay ng lugar para sa mga tao. Umunawa ako. Umibig ako. Nagmahal ako kahit sa mga taong di ako kayang mahalin. Nagbigay ako ng piraso ng puso ko kahit sa mga taong hindi kayang bigyan ako ng parte sa puso nila. Meron din namang mga taong nagbigay ng piraso ng puso nila sa akin, masaya kong tinanggap at itinago iyon.

Inaral ko ang puso ko, patuloy ko pang aaralin ang puso ko. Madami pa akong kayang ibigay, madami pa akong pag-ibig na taglay. Iibig pa ako, magbibigay ako ng pagkakataon. Tara pag-ibig! Handa na ang puso sa muling pagsasaliksik sayo.


Araw ng puso! Aralin mo ang puso mo. Alamin mo sinong mahal mo, ipaglaban mo.

Thursday, February 9, 2012

Ang Sana Kami Na At Dahil Kami Pa


PINAGTATALUNAN:
~Pag-ibig na nararamdaman ninyo pareho, kulang na lang yung "Kami na."
~Pag-ibig na pinipilit na lang dahil merong "Kami pa."

SANA KAMI NA:
Ang hirap kasi kahit na parang may karapatan ka na, wala kang pinanghahawakan. Magkasama kami lagi, masarap sa pakiramdam yun. Mas wagi pa 'pag maririnig ko sa kanya na mahal niya din ako. Pwedeng pwede ko siyang yakapin at hawakan pero paano kung magsawa siya? na dadating kami sa punto na hindi kami magkakaintindihan, papaano ko ipaglalaban yung pag-ibig na walang kasiguraduhan? Paano ko ipaglalaban ang pag-ibig na hindi naman talaga ako binigyan ng karapatang mapasa akin? Na kahit anong gusto kong ipaglaban, hindi ko magagawang lumaban sa gera na walang armas, na ang dala ko tinidor habang ang kalaban ko baril. Ang mahirap sa ganito, bakit di mo kayang ibigay sa akin ang pagkakataon na yun? Mahal mo ako, mahal din kita pero bakit wala pang "Tayo na."?

DAHIL KAMI PA:
Buti nga kayo, title na lang kulang. Sa amin, title na lang ang natitira. Buti nga kayo alam niyong mahal ninyo ang isa't isa kahit wala pang "Kayo." Sa amin? Alam naming "Kami." pero di ko na alam kung mahal pa namin ang isa't isa. Buti ka nga iniisip mo kung paano mo ipaglalaban ang pag-ibig na di ka pa binigyan ng karapatan. Ako kasi di ko maisip kung bakit ko ipaglalaban ang pag-ibig na tila ba lumilipad na sa lawak ng kalimutan. Kung mawala yung "Kami.", magiging masaya pa din ako, baka nga mas maging masaya pa ako. Ang mahirap dito, hindi niya kayang aminin at tanggapin sa sarili niya na wala na talaga. Na hindi na kami masaya, na iniipit lang namin ang sarili namin sa isa't isa kahit yung pag-ibig tila ba namamaalam na.

PAG-IBIG:
Importante lang naman yung pag-ibig. Kung meron, ipaglaban. Kung meron, kahit wala pang "Kayo.", kahit wala pang kasiguraduhan, ipaglaban. Hindi sa lahat ng pagkakataon, makakaramdam ang isang tao ng pag-ibig na totoo. Kaya kung nandyan sayo yan ngayon, pangalagaan mo, kung pwede wag mo ng papakawalan. Kung wala na, wag ng ipilit. Kung wala na, palayain na lang ang pusong sinusubukang magsinungaling. Masarap ang pag-ibig na totoo, pero hindi kailanman ang pag-ibig na binabanggit mo nga, hindi mo naman na maramdaman. Palayain mo ang sarili mo, palayain mo siya. Walang madali, walang hindi masakit. Pero 'pag ginawa mo yun, binabalatuhan mo ang sarili mo at siya ng pagkakataong makahanap muli ng pag-ibig na hindi mapagkunwari.

Para sayo 'to RTP: Lumaya at tumikim ng pag-ibig na totoo, kailanman hindi na magiging masarap ang pag-ibig na walang lasa.

Monday, February 6, 2012

Ang Pagdating Ng Araw


Dumating ang araw na dumating ka sa buhay ko. Dumating ang araw na nabigyan ako ng dahilan kung bakit hindi ako para sa ibang tao. Dumating ka at naintindihan kong para sayo pala ako. Dumating ka at napawi ang lahat ng pagdududa. Dumating ang araw na dumating ka at kinalimutan ko lahat ng bagay na masakit.

Ikaw ang matagal kong hiniling. Ikaw ang matagal kong inantay. Ikaw ang pinagdadasal kong dumating at hindi na matutong lumayo.

Dumating ka sa buhay ko para patikimin ako muli ng pag-ibig. Dumating ka sa buhay ko, pero dumating din ang araw na bigla kang naglahong mabilis pa sa pagputok ng bula. Dumating ka para dumaan lang pala at hindi para samahan ako habang buhay. Dumating ka at sinanay ako sa pag-ibig na akala ko'y walang hanggan. Dumating ka at natuto ding dumating ang araw na iniwan mo ako kasama ng pag-ibig mong sinungaling.

Sana sa pagdating ng araw, dumating ang pag-ibig na totoo. Sana sa pagdating ng mga susunod na mga araw, gaano man katagal yan, dumating siya na alam ang halaga ko, alam ang halaga ng kada patak ng luha ko. Alam kong dadating siya na hindi matututong iwan ako.


Para sayo 'to AC SP. P: dadating ang pag-ibig na tapat pagdating ng araw.

Tuesday, January 17, 2012

Ang Multo

Kamamatay mo lang. Kamamatay lang ng pag-ibig ko para sayo. Kamamatay lang ng memorya mo sa isip ko. Nakiramay ang lahat, nakiramay ang luha, puso at isip ko. Akala ko nung nandyan ka, mas masakit pero nung nawala ka at nalaman kong masaya akong wala ka, mas mahirap pala. Mahirap pala 'pag naramdaman ng isang taong matagal na siyang maayos kahit nandyan ka o wala ka sa buhay niya. Mas mahirap pala kapag di mo naman na talaga siya mahal, matagal na, na nasanay ka na lang na alam mong mahal mo siya, ideya na lang pala yun, hindi na pakiramdam. Mahirap pala na binitawan kita, e wala naman na akong bibitawang feelings.

Ilang araw lang ang lumipas, ilang linggo lang, nagsisimula ka na naman. Sinisimulan mo na naman akong abutin sa paraang hindi kaya ng iba. Sinisimulan mong magparamdam ng di mo sinasadya. Inaangkin mo ang hangin, kaya bawat paghinga ko naaalala kita. Sumasama ka sa taong nakapaligid sa akin, kaya kada paglingon ko, pinapaalala mo ang sarili mo. Tinutulad mo ang kwento ng iba sa kwento natin, kaya bumabalik ako ng bumabalik sa kwento nating wala naman talagang kwenta.

Nagpaparamdam ka na naman. Minumulto mo na naman ako. Minumulto ako ng nakaraan. Minumulto mo ako't ipinapaalala kung gaano kita minahal, at kung gaano mo ako minahal. Minumulto mo ako't binabalik mo ako sa panahon natin. Nagpaparamdam ka ng paulit-ulit. Takot ako sa multo, seryosong takot ako sa multo, pero pinakakinakatakutan ko ang multo mo. Ang multo mo na pinipilit kong layuan ng paulit-ulit. Palayain mo naman ako. Bitawan mo na ako ng tuluyan.

Friday, January 13, 2012

Ang Buwan


Dadating ka sa buhay ko. Kahit anong tanggi ko sa pag-ibig, alam kong muling mabubuksan ang puso ko sa oras na makilala kita. Kahit anong iwas pa ang gawin ko, kung ikaw talaga ang laan para sa akin, tayo talaga. Kahit anong takbo ang gawin ko, kung ikaw ang kapares ng palad ko, hahanap ang tadhana para mag-abot ang ating mga puso. Kahit gaano pa ako ka-bato ngayon, mapapalambot mo ang puso ko. Kahit tinatapon ko ngayon ang salitang "Mahal kita.", alam kong dadating ka para paniwalain muli ako. Ipakita at iparamdam sakin ang mahikang taglay nito, hindi lang puro salita.

Dadating ka sa buhay ko, di lang ngayon. Dadating ka sa buhay ko at mamahalin ako. Dadating ka at sana maantay mong kaya ko na ding sabihing mahal na din kita. Dadating ka sa buhay ko sa pagdaan ng mga araw at buwan. Dadating ka sa buhay ko pero may malaking sana sa puso ko. Sana sa panahong mahal na din kita, hindi ka katulad ng buwan na mawawala lang pagdating ng araw. Hindi ka lang sana bibisita. Dadating ka sa buhay ko at sana'y di matututong umalis pa.

**Para sa pag-ibig na darating, para sa tunay na para sa akin, para sa taong laan lamang para sa akin, walang iba.

Wednesday, January 11, 2012

Ang Taken At Taken For Granted


SIYA:
Kami nga. Alam kong kami nga. Hindi ko alam na may iba pa siyang mahal. Akala ko buong puso niya para sa akin. Akala ko nung pumasok kami sa relasyon, ako lang, wala ng iba. Hindi ko alam ang kwento niyo. Hindi ko alam ang kwentong hinahabol ka pala niya. Hindi ko alam na tanga-tanga akong umaasang seryoso siya sa akin. Seryoso naman siya, seryoso siyang hindi ako seryosohin. O pwedeng seryoso naman siya sa pagpapalipas ng oras sa akin. Hindi ko alam na may kahati pala ako, ang masama pa nito, ang kahati ko, hindi naman siya yung naghahabol. Yung taong mahal ko, hinahabol yung babaeng mahal niya, yung mas mahal niya kaysa sa akin. Ang mas masama pa dun, yung hinahabol niya, baka yun naman talaga mahal niya, naaawa lang siya sa aking iwan ako dahil sa pinagsamahan namin. Yung pinagsamahan naming buong oras naman pala, may ibang tao akong kahati. Tatalikuran mo ba ako 'pag babalikan ka niya?

IKAW:
Ikaw naman talaga ang mahal ko. Special ka sa akin, importante ka sa akin. Bakit ba ayaw mong bigyan ako ng pagkakataon? Bakit ba lagi ka na lang lumalayo? Bakit ba mas gusto mo akong makitang miserableng kasama yung taong 'to na alam mong ikaw naman talaga yung laman ng puso ko? Bakit ba mas gugustuhin mong magsinungaling ako sa kanya? Bakit hindi mo na lang ako harapin para hindi ko na siya masaktan? Saluhin mo ako. Sabihin mong babalikan mo ako. Sabihin mo lang, iiwan ko siya para sayo. Sabihin mong ako lang, sabihin mo naman na ako na lang ulit, tayo na lang sana ulit.

AKO:
Di lahat ng taken masaya. Di lahat ng taken, taken lang. Yung iba taken for granted. Katulad mo, taken ka, humahabol ka naman sa akin. Katulad niya, taken siya, di niya alam taken for granted pala. Gusto kong mainlove. Gusto kong maging taken, pero hindi sayo. Hindi sa ganitong klaseng kwento. Lumalayo ako kasi ayoko na. Lumalayo ako kasi tama na yung sakit na bigay mo nun. Lumalayo ako kasi hindi na lang talaga kita mahal katulad ng dati. Wag kang hahabol. Seryosohin mo na lang siya, kasi seryoso ako nung sinabi kong hindi ako natututong bumalik. Tapos na yung kwento natin, yun na yun. Masaya akong dumaan ka sa buhay ko, pero tandaan mo, dumaan ka lang. Pinadaan lang kita, hindi ko na gustong magstop over ka pa.

PUNTO:
Kung yang puso mo hati, kung ikaw mismo hindi sigurado, wag kang papasok sa isang relasyon. Wag mong ikukulong ang sarili mo sa isang relasyon kung alam mong may maidadamay ka sa kalungkutan mo. Paano niya malalaman na mahal mo pa rin siya kung may karelasyon ka naman? Paano ka malilinawan sa feelings mo kung iipitin mo ang sarili mo? Ang gusto ko lang malaman mo, hindi biro ang relasyon. Mas hindi biro ang pag-ibig. Kung may gusto kang patunayan, patunayan mo. Kung sino ang mahal mo, dun ka. Wag kang mandadamay ng ibang tao para lang lumipas ang oras mo. Wag kang hahabol sa ibang tao, kung may kinakasama ka na. Bago ka humabol, siguraduhin mong wala kang tinatakasan.

**Lahat ng shot ng texts dito, sa phone ko galing. Oo na! Ang emo ng nabubuong conversations lalo na 'pag past ang pinag-uusapan.

Monday, January 9, 2012

Ang Wala Ng Sindi


Patawad kung namatay na ang sindi ng kandila ng pag-ibig ko para sayo. Ang pag-ibig ko'y kandilang walang sindi. Siguro dahil nakitang kong sayo ako'y walang silbi. Hindi mo kasi ako inalagaan. Hinayaan mong mahanginan ang sindi ko nung pinili mo'y ibang tao. Hinayaan mong mahipan ako ng hangin nung tanging hiling ko, pansinin mo ako.

Patawad kung akala mo'y mahal pa kita, kung akala mo'y katulad pa ng dati ang lahat. Patawad kung sa pakiramdam mo, kaya mo pa akong saktan katulad noon. Patawad kung yung panahong nawala ka sa tabi ko, nawala na ang init ng pag-ibig ko para sayo. Patawad kung hindi ko na inalagaan ang pag-ibig ko para sayo, hindi mo din naman inalagaan ang nararamdaman ko para sayo. Patawad kung inaakala mong yang mundo mo pa ang gusto kong ilawan.

Pasensya ka na. Nagbabago ang lahat. Lumilipas ang panahon, sumabay dun ang pag-ibig kong dati'y sayo lang. Lumipas na ang nararamdaman ko sayo, pinalipas mo na ang pag-ibig ko. Patawad kung wala ka ng babalikan. Patawad kung sa tingin mo'y malungkot akong wala ka. Pasensya na, masaya ang buhay kong lumipas na ang sindi ng pag-ibig na para sayo.

Wednesday, January 4, 2012

Ang Past Ko Nung Pasko


Sinabi mong mahal mo ako. Humingi ako ng tawad. Sabi mong ayos lang. Sumagot akong magiging maayos ka din, alam kong magiging maayos ka. Humiling ka na maging maayos ka, sinabi kong paglipas ng oras. Sinagot mo ako habang buhay.

Nung panahon na kaya kitang mahalin, kaya mo din akong mahalin, di mo ginawa kasi mas ginusto mong iwan ako. Nung binigay ko buong oras ko sayo, binigyan mo ako ng kakaunti. Nung ipinagsigawan ko sa lahat kung gaano ka kahalaga, ibinulong mo sa hangin na parte ako ng buhay mo. Nung maayos na ako, minahal mo na ako, hindi ko na gusto, hindi na kita gusto sa buhay ko. Maduga diba?

Kung nung panahon na yun, di mo ako iniwan, kung naging matibay ka sa nagsisimulang pag-ibig natin, kung hindi mo ako kinahiya, kung ipinaglaban mo ako, kung pinahalagahan mo ako, hindi sana tayo parte ng past ko. Kung nung panahong handa ako sayo, sa atin, naging handa ka din, kung ipinakilala mo din ako sa mga mahal mo at hindi ikinahiya, kung pinakita mo na kahit di mo ako mahal, gusto mo ako sa buhay mo, edi sana hindi ka nagmamakaawang bumalik ako.

Ang pag-ibig na ibinigay ng walang kapalit, swerte ka kung sayo'y lumapit. Ang pag-ibig na binalewala, natututong lumipad sa himpapawid na may hiling na makalimot. Ang pag-ibig na hindi pinahalagahan, humahanap ng magpapahalaga. Ang pag-ibig, tanga. Ang taong umiibig, natatanga. Pero kahit ang katangahan, nagagamot ng oras, natututo matapos mauto sa isang pag-ibig na maduga.

Pahalagahan mo hanggang nandyan pa, hindi yung hahabol ka 'pag ayaw na niya. Ang mga bagay na nawala na, madalas di na natututong bumalik. Lalo na sa pag-ibig, ang pusong nasaktan na, madalas di mo na muling makukuha. Lalo na ako, hindi ako humahabol, hindi ako bumabalik. Lalakad akong palayong umiiyak, humihiling na sana habulin, sana pahalagahan. Kung hindi mangyari, tuloy-tuloy ako sa byahe hanggang mawala ang lahat ng sakit.

Tuesday, January 3, 2012

Ang Mga Librong Naipon


Sumulat tayo ng kwento natin. Inumpisahan nating nakangiti, minsan kinikilig pa. Ito yung kwentong akala kong di magtatapos. Ito yung kwentong sigaw ng puso ko na wag sanang magtapos. Dalawa nga pala tayong manunulat. Sumusulat ako ng mahabang kwento, nalingap sandali, pagbalik ko, sarado na ang libro. Sinarado mo na ang masayang libro, ang dapat na masayang kwento.

Sinara ko ng mabuti, yung halos ikakandado ko na para lang hindi na matutong bumalik ang kwento natin. Inilagay ko kasama ng mga librong aking naipon. Naluha ako, hindi dahil tapos na ang kwento. Naluha ako dahil ang dami kong magagandang kwento na kinailangang magtapos. Naluha ako dahil paglingon ko sa mesa, madaming librong nakabukas. Bawat isa'y may kwentong nasusulat, sinusulat at patuloy na isusulat.

Minsan nabubulagan tayo sa mga bagay. Minsan may mangyayaring hindi naman dapat para malaman mo na hindi lang yun ang tanging bagay na kayang magpa-inog ng mundo mo. Sana katulad kita. Sana dumaan ka sa pinagdaanan ko. Gumawa ako ng kabaliwan, isang bagay na di ko inasahang gagawin ko, nasaktan ako. Natuto ako. Natapos ang kabaliwan, yun din ang punto na maayos na pala ako ng wala ang kwentong yun. May mga bagay na pinipilit kang maging parte ng buhay mo. Kung gusto mo, subukan mo. Gawin mo siyang parte ng buhay para sa huli matanto mo kung dapat ba talaga siyang maging parte niyan o sadyang maganda na ang mundong ginagalawan mo ng wala siya. Sa akin kasi? Swak ang mundo ko sa mga kwentong natira. Higit pa sila sa magpupuno ng buhay ko.

Monday, January 2, 2012

Tongue In A Lung: Ang Pagpapaubaya

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *

Hindi sa lahat ng pagkakataon, kakayanin mo ang lahat ng ikaw lang. Masarap maging matibay, pero minsan mas masarap ipaubaya ang lahat. Minsan makitid yung utak mo para maintindihan ang nangyayari. Madalas di mo dapat intindihin, mas madalas magandang magpaubaya.

May mga nangyari na hindi ko naintindihan, hindi ko kayang intindihin. May nangyaring alam kong di dapat, di nararapat kailanman para sa akin. May mga bagay na nakasakit sa akin na gusto ko na lang isara ang kamay ko at magbigay ng isang malakas na suntok na tatama kung saan man ay wala akong pakielam. May mga bagay na gusto kong ihagis sa malawak na himpapawid, at magmura ng malakas.

Tiniis ko. Tinanggap ko ng walang tanong. Di ako nagmura, ni hindi ako nagsalita tungkol dun. Umiyak lang ako. Umiyak ako hanggang tumigil na lang. Hanggang sa may sarili Siyang paraan para tumahan ako. Hanggang kinuha niya lahat ng masasakit. Nawala ang mga tanong, hindi ko na kailangan ng sagot. Nakangiti na ako.

Ang mga bagay na di ko maintindihan yung nagbukas ng pinto para maintindihan ko ang iba pang bagay. Matibay pala ako, matibay ako dahil nandyan Siya, sila. Mas gusto ko palang ngumiti, minsan ko lang gugustuhing umiyak kapag di ko na kaya. Akala ko gago lang ako, yun pala mabait akong gago. Mabilis akong magpatawad, mas ginugusto kong makalimot ng malulungkot na bagay. Kinakalimutan ko ang mga kasalanan sa akin, gusto ko lang masaya at malaya.

Ipinaubaya ko ang lahat. Ipinaubaya ko ang puso ko. Ipinaubaya ko ang buhay ko. Ipinaubaya ko ang lahat sa akin. Naging masaya ako higit kailanman. Naging malaya ako higit pa sa nakaraan.

Let go.
Let God.