Saturday, November 30, 2013

Tongue In A Lung: Ang Di Ko Masabi



Wala naman talaga tayong dapat pag-usapan, pero ang dami nating napag-usapan. Wala naman talaga tayong dapat sabihin, pero ang dami nating nasabi sa isa't isa. Wala naman talaga dapat tayong oras, pero pilit nating binibigyan ng oras yung isa't isa.

Bawat salita, napapangiti ako. Bawat ubo, nag-aalala ako. Bawat lipat ng istorya, nakaabang ako sa mga bagay na kaya mong sabihin. Bawat segundong lumilipas, pinapasaya mo ako. Bawat minuto, nararamdaman ko kung gaano ka kalaking parte kung bakit okay ako ngayon. Bawat gabi, inaabangan ko kasi alam kong gagawa ka ng paraan para magka-usap tayo. Bawat effort na ginagawa mo, alam ko, alam na alam ko. Bawat panahon na binibigay natin sa isa't isa, nandito lang sa akin, lagi kong aalalahanin.

Alam ko, alam na alam ko na pagbaba nung tawag na yun, pwedeng yun na yung eksaktong huling beses kitang makakausap. Alam ko, alam na alam ko, kaya nga ayoko, ayoko sana, ayoko sanang makausap ka para may dahilan akong makausap ka araw-araw. Ayoko sanang makausap ka para madami pa tayong maiisip na dahilan para parte tayo nung araw-araw natin. Ayoko sanang marinig kung gaano ka niya nasasaktan, ayoko sanang sabihin sayo kung gaano niya ako nasaktan, kasi alam ko, sa loob ko, sana ako na lang at sana sayo ko na lang binigay lahat kaso wala e, wala talagang tamang oras para sa atin. Kaya nga ayoko sanang makausap ka ng matagal, kasi gusto kitang makausap araw-araw, kaso alam ko, pagbaba nun, yun na yun. Ito na yun.

Isa ka sa mga dahilan kung bakit masaya ako ngayon. Isa ka sa mga dahilan kung bakit gustong gusto kong umayos. Isa ka sa mga dahilan kung bakit feeling ko buong buo na ako. Sobrang importante sa akin ng friendship natin. Sobrang importante ka sa akin.

Alam natin yung tama, kaya nga gagawin natin 'to. Alam natin na hindi talaga tama kahapon, ngayon at sa mga susunod na bukas para sa atin, kaya nga bitawan na uli hanggang maaga, hanggang wala pang nasasaktan, hanggang konti pa lang yung ipinupusta natin, hanggang papunta pa lang dun, hanggang kaya ko pang bitawan ka at maging masaya para sayo, para sa inyo.



Mamimiss na naman kita. Sana sa susunod na buhay, ako yung una mong makikilala kaysa yung ibang tao, para ako na, ako na lang, ako lang, GI.


"Dahan-dahan mong bitawan, puso kong di makalaban. "

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.