Monday, January 13, 2014

Ang Ayaw Mong Makita


Gusto mo akong makitang masaya na nandyan ka. Gusto mo akong masanay sa buhay na pinapaikot sayo ang lahat. Gusto mo akong makitang miserable habang ikaw nagpapakasasa sa kasiyahan sa paglayo sa akin. Gusto mo akong humahagulgol dahil iniwan mo ako, habang ikaw humahalakhak dahil sa wakas may nababaliw na tao para sayo. Gusto mong ikaw ang bida kahit sa kwento ng buhay ko. Gusto mong magkaroon ka ng papel sa buhay ko kahit pinili mong itapon ako.


Pero hinihilom ng panahon ang lahat. Ginagawa niyang ngiti ang mga luha, saya ang hagulgol. 

Ayaw mong makita pero ito na ako, nakangiti. Masaya na ako, masaya na ako kahit wala ka. Sanay na akong wala ka. Hindi mo na ako makikitang miserable sa paglayo mo sa akin, kasi ang totoo, nung nawala ka, nakita ko kung ano yung mga bagay at sino ang mga taong dapat sa buhay ko. Kung makikita mo man akong humahagulgol, siguro dahil sa kakatawa sa mga walang kwentang joke ng mga kaibigan ko o sa TV (Walang matamis na prutas sa taong bagong sipilyo. Huhuhuhu! Bentang benta lang 'to kaya shinare ko sa inyo). Naging bida ka sa buhay ko, pero tapos na ang kwento na yun. Tapos na ang papel mo sa buhay ko, nilukot ko na. 

Alam ko nahihirapan kang paniwalaan na yung taong gustong gusto mong masaktan, hindi na naaapektuhan sa trip mo, yung taong gusto mong humabol sayo ng humabol, biglaang tumigil, yung taong gusto mong mabaliw na wala ka, biglaang umayos kahit wala ka, yung taong gusto mong mahalin ka habambuhay, binitawan na yung pag-ibig na una mong pinakawalan. 

Para sa lahat, wag mong hahayaang mawala ka ng tuluyan dahil nawala sayo ang isang tao. Isipin mo na lang, kaya nawala yung taong yun, kasi may taong magpapaalam sayo kung bakit hindi ka kailanman magiging para sa ibang tao. Maniwala ka na may pag-ibig na nakalaan para sayo, yung totoo, yung di mawawala, yung di lilisan, yung di perpekto pero kukumpleto sa buhay mo, yung pag-ibig na pareho ninyong aalagaan buong buhay ninyo.



No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.