Ito yung bato na sobrang laki, na nagkataon na High Tide pala at malakas ang current. Salamat Lord, buhay pa ako! |
SALAMAT SA DIYOS!
Sinimulan ko 'to sa pagsabi ng lubos na pasasalamat sa Diyos dahil buhay pa ako, dahil nailigtas ako. Salamat, Panginoon!
January 23, 2014
Pumunta kami ng mga kaibigan ko sa Mabini, Batangas para mag-enjoy sa beach. Ito yung araw na sinumulan ko ng puro dasal, ewan ko pero normal sa akin ang magdasal sa tuwing magigising at matutulog pero iba yung pakiramdam ko ngayong araw.
Umaga pa lang, pumunta kami ng mga kaibigan ko sa bandang dulo nung lugar, sobrang mabato pero sabi kasi ng kaibigan namin na doon nakatira, may kweba dun na tatagos sa isa pang lugar. Low tide naman. Di din gaano maalon. Ang sarap sa feeling lumangoy doon. Ang ganda ng lugar, sobra! Bumalik na kami kaagad sa cottage para maglunch at antayin yung kasama naming naiwan para matulog.
Nagising ang kaibigan namin. Ihaw. Luto. Lunch. Busog! Sa hindi ko maintindihang pakiramdam, gustong gusto kong bumalik dun sa bandang kweba kasi seryosong ganda ng lugar. Umalis kami may dalang mga alak, pork steak at mangga. Tinahak uli namin yung mabatong daanan pero sige lang.
Napatid yung Havaianas na suot ko at sinabi ko pa "Bagong bago pa man din 'to, tapos ganito" at isipin mo na lang, lalakad ka sa mabatong daanan, tapos walang slippers, masakit yun. Nung dumating kami sa gilid ng kweba, dun na kami nag-ayos ng inuman. Inayos naman ng isa kong kaibigan ang Havaianas ko.
Nakita ko yung dalawang manong na malayo yung nilalangoy, so naisip ko, kaya ko din. Malakas ang loob ko sa tubig dahil simula Elementary ako, lumalangoy na ako. Nakakalangoy at nakaka-water threading ako. Pinakamalalim na nalangoy kong pool ay 12 ft. Nakalangoy na din ako sa 20 ft deep na ilog. So wala lang sa akin. YUN ANG AKALA KO.
Yang malaking bato sa picture, sa gilid nyan lumalangoy ako. Napapansin ko, kahit anong langoy ko, di ako masyadong umaalis sa pwesto ko. Hanggang sa di ko na alam kung paano kumapit sa batong yan dahil makinis yung harap nya, walang kakapitan. Naisip kong lumubog sa tubig para maka-breast stroke dahil yun ang forte ko, pero wala. Wala pa din. Napalapit ako sa bato, pero kapag huminto ako, napapalayo ako. Yung kaibigan kong nasa gilid ng bato na hindi halos naaagusan nung malakas na current ng tubig, sinabihan ko ng "Rej! Rej! Nalulunod ako" paputol putol kong nasabi kasi kahit gusto kong iahon yung ulo ko, di ko alam pero dinadala ako ng tubig. SERYOSONG TAKOT AKO! Akala niya nagbibiro ako, kaya tumatawa lang siya. Hanggang sa napansin nyang tinatangay na ako ng tubig. Napupunta na ako sa kabilang dulo ng bato, at yung ulo ko, halos di na umaahon sa tubig. Inaabot na ng kaibigan ko yung kamay niya pero di ko maabot dahil inaagos ako ng tubig at kahit anong iabot niya na kamay, di siya pwedeng lumapit sa akin kasi baka pati siya matangay sa seryosong lakas na current ng tubig dagat. Todong effort na talaga ako pumadyak para lang di ako anurin, at sa wakas, napalapit ako sa bato, pero wala akong makapitan. Meron akong nakapitan, yung mga parang tahong na nakakabit sa bato tapos kada hawak, naaalis. Sobrang ito yung moment na "Mamamatay na ba ako?" Inagos yung isang slippers ko, at gusto ko na talagang hayaan yung agos na dalhin ako. Ito na yung huli, yung tipong huling laban ko para mabuhay kasi pagod na pagod na akong kakapadyak at kakalangoy at nauubusan na talaga ako ng hangin kaya mas sinubukan ko pang pumadyak ng todo na parang lumalaban ako para mabuhay, at inagos pa ang isa kong slipper. Naghawak yung mga kaibigan ko para di sila maanod at maabot ako, SA WAKAS, NAABOT KO YUNG KAMAY NI REJ.
Alam mo yung feeling na para sa iba nasa ilang minuto lang yun, pero sa akin, nung panahon na nalulunod ako, kada segundo ang haba-haba. Na kada lipas ng segundo, naiisip ko yung pamilya ko at yung mga taong mahal ko. Na sana mas niyakap at hinalikan ko pa ang mga magulang ko hindi lang dalawang beses isang araw, dapat kada makita ko sila. Na sana nagkaroon pa ako ng mas madaming oras para maki-bonding yung mga kapatid ko na hindi na nagiging baby. Na sana imbes na mapuno ako ng sakit at galit, mas masarap ang ngumiti, tumawa at magmahal. Na sana hindi ako mamatay doon sa Batangas para lang mabago ko yung mga "sana" at gawin kong totoo.
Ito yung punto sa buhay ko na sobrang naiiyak ako, natakot pero mas nagpasalamat pa sa nangyari. Yung panahon na kada gusto kong sumigaw na nalulunod ako pero di ko maiahon sa tubig yung ulo ko, totoo pala na yung maiisip mo lang yung mga mahal mo sa buhay. Dun ko naisip na kung bibitaw ako, kung di ko susubukan, masasaktan ko sila at iiyak sila na mawawala ako. Yun yung punto na gusto kong yakapin ang magulang ko, gusto kong sabihin at iparamdam sa mga taong mahal ko na mahal ko sila. Ito yung punto na sobrang blessed ako to have a second shot in this life.
Hindi ko ikekwento 'to sa magulang ko pero gusto kong malaman niyo na ang ikli ng buhay. Kahit anong oras, pwedeng panahon mo na, kaya hanggang may natitira ka pang oras, wag mong sayangin yun. Kung may magulang ka, bigyan mo ng respeto at pagpapahalaga. Kung may mga kapatid ka, gawin mong parte ka kahit sa mga bagay na di nila masabi sa ibang tao. Kung may mga kaibigan ka, alagaan mo sila buong buhay mo. Kung may mahal ka, magmahal ka lang, wag kang matakot magsabi at magparamdam. Life's too short for spending a second doing nothing.
Thank You, Lord for this second life. I'll do better Lord. Salamat po!
Huhuhuhuhuhuhu.
Inabangan ko talaga entry mo. Pero grabe yung nangyari sayo. Buti na lang you're safe. Thank God. Ingat ka lagi Faye.
ReplyDeleteThank you :)
Deleteoh my! thank God youre safe.
ReplyDeleteSuper thank God talaga Eu. :) Blessed to be alive and kicking! See you on Monday
Delete