FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Friday, January 3, 2014
Ang Di Niya Kayang Piliin
Burahin mo ang numero niya sa cellphone mo.
Kung memorado mo, kalimutan mo. Subukan mong kalimutan.
Huminto ka sa pagtawag sa kanya. Huminto ka sa pagtetext sa kanya. Huminto ka sa paghanap ng mga dahilan para makausap siya, para kamustahin siya.
Kalimutan mo ang pangalan niya. Ilayo mo ng tuluyan ang sarili mo sa buhay niya, umalis ka sa buhay niya sa paraang gusto mo, pero umalis ka ng tuluyan dahil yun ang karapat dapat para sa kanya. Kalimutan mo siya, kalimutan mo ang lahat ng nangyari para siya din makalimutan ka, makalimutan ang lahat ng nangyari. Kapag ipipikit mo ang mata mo, wag mo ng subukang alalahanin ang mukha niya. Hindi na pwede. Hindi mo na iisipin yung kagustuhan mong makasama siya, kahit minsan. Hindi mo na iisipin kung ano kayang pakiramdam kapag nakita mo siya sa personal, kung gaano kayo pwedeng sumaya kapag magkasama kayo. Hindi mo na siya pwedeng isipin, hindi mo na din pwedeng isiping mahal ka niya.
Mahal ka niya.
Mahal ka niya, matagal na. Matagal na mga taon na.
Kaya ngayon, kalimutan mo ang paraan ng pagtawag niya ng pangalan mo. Kalimutan mo kung sa paanong kapag siya ang tumatawag sayo sa pangalang ayaw mong matawag ka, napapangiti ka. Kalimutan mo na kung paano niya sabihin ang pangalan mo sa telepono. Kalimutan mo na sobra kang napapasaya ng kahit na mga walang kwentang salita niya na bumubuo sa araw mo. Kalimutan mo na kung sa paanong paraan niya sasabihing namimiss ka niya. Kalimutan mo na ang pangalan mo na ni-lettering niya, na sa palagay nya tagilid. Kalimutan mo na ang blogs niya. Kalimutan mo ng silipin siya. Kalimutan mo na.
Kalimutan mo na siya.
Tama na ang alalahanin mong naging parte siya ng buhay mo pansamantala, pero bitawan mo na ang lahat ng pag-asa mo na magiging parte pa siya ng buhay mo sa ibang pagkakataon, sa ibang panahon - sa sinasabi mong tamang panahon, sa sinasabi mong panahon na kaya mo na siya piliin, sa sinasabi mong panahon na handa ka na. Hindi makatarungan na papasok ka at lalabas sa buhay niya kung gugustuhin mo, kung naisipan mo. Hindi makatarungan na sasabihin mong tanggap mo kung ano kayo ngayon at darating yung panahon na magiging tama para sa inyo. Hindi makatarungan na sasabihin mong ilang taon na lang siya na yung kaya mong piliin. Hindi kailanman magiging makatarungan. Hayaan mong lumaya ang feelings niya. Hayaan mong unti-unting liparin ang lahat ng nararamdaman niya sayo. Hayaan mo naman na magmahal siya at mag-aruga ng ibang tao na talagang karapat dapat. Hayaan mo naman na ibigay niya sa iba ang kaya niyang ibigay sayo, kasi ikaw naman yung di kayang piliin siya.
Wag mong sasabihin sa kanya na lagi mo siyang naiisip. Wag mong sasabihin sa kanya na naiinggit ka dun sa taong nakasama niya, kasi mali ka ng pinili, na sana siya yung pinili mo, pero iintindihin mo basta magiging parte ka pa din ng buhay niya kahit meron na siyang iba. Wag mong sasabihin sa kanya na hindi ito ang tamang panahon para sa inyo, pero mas lalong wag mong sasabihin na darating ang tamang panahon para sa inyong dalawa. Walang magiging tamang panahon. Hindi siya dapat mag-antay sa panahon na sinasabi mo. Hindi kailanman. Hindi dapat. Dapat hindi.
Wag mong sasabihin sa kanya na gusto mo siya sa buhay mo habang humahawak ng iba pang tao. Wag mong sasabihing gusto mo siya, lalo na alam mong di ka niya pwedeng gustuhin. Wag mong ipaparamdam na ninanais mong magkaroon ng karapatan sa kanya, kasi alam mong di mo siya kayang bigyan ng karapatan. Wag mong sasabihing mahal mo siya habang sinasabi mo din sa isa pa na mahal mo din siya.
Ang sinasabi mo kasi sa kanya ay gusto mo siyang maging option, na kaya mo siyang i-take for granted, na gusto mong nandyan lang siya sayo, na nandyan lang siya kapag gusto mong nandyan siya, na pag lubog ng araw, kapag magpaparamdam ka sa kanya, gusto mong pansinin ka niya. Hindi ito "feelingera", ito lang yung nararamdaman niya sa mga salita mo. Hindi mo lang napapansin. Kapag binitawan ka ng taong kasama mo ngayon, na kapag binalewala ka na, na kapag di ka na kayang pahalagahan, tatakbo ka sa kanya kasi alam mo sa kanya, kayang kaya niyang ibigay yung buong buo niya sayo, kahit lagi siyang may kahati sayo.
Kaya niyang ibigay ang buong buo niya sayo.
Yan lang siya sayo, sa halos buong panahon na magkakilala kayo: siya yung taong alam mo na may pag-asa ka lagi sa kanya, siya yung tao na kayang tanggapin na may kahati siya lagi sayo pero sa parehong pagkakataon, bibigyan at bibigyan ka niya ng chance, siya yung taong alam mong nandyan lang kaya kung may iba kang tao na sa tingin mong mas higit sa kanya, aabutin mo, kasi alam mong paglingon mo, nakangiti lang siya sayo.
Takot kang matunaw sa kanya. Yan ang laging nananaig sayo: Takot. Duwag ka. Gago ka. Takot kang pakawalan siya, takot kang bitawan siya pero sa parehong pagkakataon, takot kang piliin siya, takot kang mahalin siya ng tuluyan, takot kang unahin siya.
Takot ka.
Kaya nga kung hindi mo siya kayang piliin ngayon, mas lalong di mo kakayaning piliin siya sa susunod. Kaya nga walang tamang panahon, kasi wala ng mas tamang panahon kaysa sa ngayon, at ngayon di mo siya kayang piliin, di mo pa din siya kayang piliin. Kaya nga dapat lumayo ka na sa kanya ng tuluyan at wag na ulit magtangka pang lumapit, kahit kailan.
Di mo man ako kayang piliin, alam ko darating yung panahon na di na din kita kayang piliin.
Tama na yung chances. Tama na yung pinili kita ng ilang beses.
Inspired by S.K's work. (some of it)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.