Ilang beses akong lumalayo. Ilang beses akong umiiwas. Ilang beses kong ginustong mawala ka na ng tuluyan. Hindi dahil di ka importante, mas lalong di dahil di kita mahal, yun kasi yung problema, mahal kita.
Alam mo kung bakit gustong gusto kong lumayo sayo? Alam mo kung bakit pilit kitang iniiwasan? Alam mo kung bakit gusto kong mawala ka na ng tuluyan? Dahil higit kanino pa man, ako yung nagigipit! Dahil sa kada oras na ipaparamdam mong importante ako, yun din yung eksaktong oras na tinatanong ko yung sarili ko na kung totoo bang importante ako sayo o importante lang ako kapag wala na yung mga taong pinipili mo kaysa sa akin? Dahil sa kada panahon na maaalala mo ako, maiisip ko na yun din lang yung tanging panahon na maiisip mo ako dahil di ka niya, nila kayang pahalagahan. Dahil sa kada panahon na tatakbo ka papalapit sa akin, kahit na gustong gusto kitang ngitian, di ko magawa, kasi sa bawat pagtakbo mo sa akin, alam kong kailangan mo akong itago. Dahil sa kada pagkakataong isasampal mo sa akin yang feelings mo, sinasampal mo din sa akin yung katotohanan na hindi mo ako pwedeng piliin, kaya nga lumalayo e, kasi ayoko ding piliin ka, ayoko na. Kilala na kita e, pangalawa lang ako lagi sayo. Ako yung taong kailanman, kahit ilang pagkakataon na ang nagkaroon ka, hindi mo lang talaga ako mapili, kasi kahit nung umpisa pa lang, nung wala pa ang lahat ng taong yan, hindi mo naman ako pinili. Pangalawa lang ako, yung tipong kapag wala na ang ibang tao, saka mo ako maiisip. Hanggang dun lang ako sayo, tanggap ko na. Tanggap na tanggap.
Iwas ako ng iwas sayo, para asikasuhin mo yang buhay na pinili mo. Iwas ako ng iwas sayo, para unahin mo yang pinili mong mahalin. Iwas ako ng iwas sayo, para pahalagahan mo yang mga bagay na meron ka ngayon. Iwas ako ng iwas sayo, kasi alam kong kahit kailan, wala naman talaga. Kaya sige na, umiwas ka na din. Madali lang naman yun, kinaya mong di ako piliin ng paulit ulit, edi mas madali dapat sayong iwasan ako. Iwas ako ng iwas sayo para tuluyan ng mamatay yung feelings na 'to at lapit ka naman ng lapit para buhayin ng paulit ulit. Dapat masaya na ako e, dapat ayos na ako, pero paano ako makakabangon kung pilit mo akong hinahatak ng paulit ulit na hindi mo naman talaga ako kayang hawakan? Maduga ka, maduga ka lagi.
Hayaan mo na ako. Kaya naman natin wala ang isa't isa. Sige na, umiwas ka na din. Wag mo na akong pahirapan.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.