Friday, June 23, 2017

FOR MY PATIENT

*PARA SA PASYENTE KO*

Nasa Luwalhati ng Maynila ako kahapon para mag-history at mag-Physical Examination sa pasyente ko - si Mr. Eduardo Vino. Halata na malungkot sya, nung una halos ayaw magsalita. Akala ko baka wala syang anak, pamilya, pero nagulat ako nung nalaman ko na meron syang 22 na anak sa 9 na babae. Hindi ako nagulat sa dami, nagulat ako kasi sa dami ng yun, bat andun sya sa Luwalhati. Literal na nalungkot ako. 

Ako: "Tay, sa dami po ng anak mo, bat ka po andito?" 

Naluluha na sya pero pinipigilan nyang ilabas.

Tay Eduardo: "Ilang taon ka na?" 
Ako: "25 po"

Sinabi nya sa akin na kaedad ko daw halos yung anak nyang triplets na halos kakatapos ng pag-aaral sa PLM. Sobrang proud nyang sinabi yung mga kwento nya sa mga tinapos nung tatlo nyang anak, pero habang sinasabi nya yun, humahawak sya sa dibdib nya, umiiyak

Ako: "Tay, alam po ba nila na nandito kayo?"
Tay Eduardo: "Sinubukan ko silang kausapin pero ayaw yata nila akong kausapin" 

Naluha na din ako habang nakahawak sa tuhod ni Tatay. 

Tay Eduardo; "Kasalanan ko kasi 'to. Ang hilig ko kasi sa babae. Dati nagtatrabaho ako ng sobra, malakas kita ko, madali ang magkababae, pero ngayon walang wala ako."
Ako: "Tay, alam po ba ng kahit na sino ngayon na andito kayo?"
Tay Eduardo: "Tinext ko yung tatlo pero di sila sumagot. Ayoko din dating malaman nila na nandito ako pero ang lungkot lungkot ko dito."
Ako: "Tay, baka nagpalit naman na po sila ng number"
Tay Eduardo: "Baka nga"

Sinabi ko yun na baka nagpalit sila ng number kasi parang ang hirap naman isipin na matitiis ng mga anak yung tatay nila lalo nakita ko yung sitwasyon dun. 

Pinapahanap nya sa akin yung triplets na anak nya - Kara Nicole Vino, Kathreen Nicole Vino and Angela Myka Vino. Sinabi ko na susubukan kong hanapin sa Facebook o sa Internet. Sabi nya sakin, baka wala daw Facebook mga yun kasi di daw nila gusto yung mga ganun.

Bago ako umuwi, sinabi sa akin ni Tatay habang nakangiti

Tay Eduardo: "Aasahan ko yan, Doc ha?"
Ako: "Susubukan ko po 'Tay."

Suntok sa buwan, pero susubukan. Bahala na si Bathala, pero sana mahanap ko kayo.

Kung ikaw sila o kilala mo sila:
Kara Nicole Vino
Kathreen Nicole Vino
Angela Myka Vino
Pwede ba tayong mag-usap? E-mail me or reach me here sa blog ko. Thank you!

*Posted with verbal consent from my patient*

Monday, June 19, 2017

Ang Tagpuan


Gusto kong matagpuan muli ang pag-ibig ko para sayo katulad ng pag-ibig mong para sa akin pero sa paanong paraan tayo mag-uumpisa? Saan tayo magsisimula? - Sa Tagpuan. Bumalik tayo sa ating tagpuan.

Tagpuan ng mga pusong uhaw, pero baka hindi sa isa't isa. Baka nauuhaw tayo sa pag-ibig ng ibang mga tao, na baka sa kwento natin, wala naman talagang "tayo", walang kwento ng pag-ibig natin hanggang sa mga kinabukasan. Baka nung nagtagpo tayo noon, dun din nagtapos, sa mismong punto ng pagsisimula mo, hinahanap natin ang katapusang sana'y naging mailap ngunit di natin naiwasan.

Baka kailangan lang natin magtagpo. Magtagpong muli. Magtagpo pati ang mga puso natin. Baka. Baka sa susunod na buhay ang pagtatagpo ay di na magtatapos sa pag-alis. Baka ang pag-ibig, di kailangang igibin, baka sa susunod. Baka sa susunod na pagtatagpo.

Di mo kailangang habulin ang gustong manatili sayo.
Dahil sa tagpuan ng pag-ibig, dapat walang biglang taguan.

Tandaan mo yun.

Di mo kailangang mag-antay sa tao para bumalik, kasi sa punto na umalis siya, iwan mo sa sarili mo ang respeto na sa tagpuang inaasam mo, merong taong makakatagpo ka, yung di lilisan, yung di mang-iiwan.

Tandaan mo, ang pag-ibig na umalis, wag mo ng hayaang bumalik. Dahil pinagtagpo lang kayo pero di nakatadhana. Dahil walang nakatadhanang ikaw mismo ang wawasak sa puso mo.
Tandaan mo.


PS. Kailan pa ba 'to MJ? "Kailangan lang ulit magkatagpo" Hits me every single time. To more sabaw na tamabay at kwentuhan ng kahit ano.