Sunday, January 7, 2018

Ang Patagong Hinahanap




Nagising akong bigla kaninang madaling araw, mga alas-kwatro o alas-singko ng umaga, ikaw agad yung naisip. Pangalan mo agad yung pumasok ‘pag mulat ng mata ko. Tila ba hinahanap yung isang taong nawawala. Tila nananabik yung mga pusong magkalayo.

Hinahanap kita pero di nung gising ako.
Ginusto kong hindi ka hanapin, pinilit ko.
Pero sa pagtulog ko, di ko napigil, hinahanap kita.
Hinahanap ng paulit ulit.
Hinahanap kita, pero ng patago.

Hinahanap ka ng puso ko, di ko man maamin.
Hinahanap ka nito, araw-araw, di ko man pinapansin.
Hinahanap kita.
Gustong gusto kong hindi pero wala na akong magawa.
Gustong gusto kong wag na lang pero paano?

Kaya pala patago kitang hinahanap,
Kaya pala palihim kang sinisigaw ng isip ko,
Kaya pala pasikreto kang nakatatak sa akin,
Kasi sa paghahanap na ito, sa pagsigaw nito, sa pagtatak mo sa akin, ako ba? Ano ba ‘to sayo?

Paano natin seseryosohin yung isang bagay na alam nating nilalaro natin pero paano ko lalaruin yung isang bagay na sineseryoso na ng puso ko?

PS
January 7, 2018
Hinahanap hanap kita, yun yung totoo, di ko lang kayang aminin. Yan tuloy, kailangan pang magising sa pagtulog ko, para hanapin ka.

Sunday, December 31, 2017

Ang 2017





Di ko alam kung paano tamang simulan ang nagtapos na. Di ko alam kung paano ako hahanap ng mga tamang salita para sa nagpaalam na. Di ko alam kung paano nararapat na alalahanin yung dumaan na. 

Kaya ganito na lang:
Salamat, Panginoon.

Grabeeeee! Nung 2016, parang gumuho mundo ko lalo nung na-stroke yung tatay ko. Sabi ko, di ako uuwi hanggang di ko kasama tatay ko na umuwi. Kung ilang araw sya sa ospital, ganun din yung araw na nandun ako. Habang buong pamilya ko, umiiyak, kailangan maging malakas ako, lalo para sa Mama ko, mga kapatid ko, lalo kay Papa. Di ko gets pero sabi ko may rason yun. Sa parehong taon, iniwan ako at nilalaban ko yung Clerkship pero hello, unli removals. Yung naiba lang, pinagdasal at nilaban ko ng todo yung Clerkship. Di ko alam paano magiging okay, pero kaya pala nangyari yun dahil may mga rason. Salamat sa mga rason, Lord. Kakaiba.

Nagsimula yung 2017 na naka-V neck ako sa ospital kasi di ko akalain na magiging Clerk ako. Kasama si Chaar (yung bestie ko sa Med school), nagsimula yung pagduduty ko kasama ang mga bagong mga kagrupo (Quatro) at ang ibang seniors namin. Takot na takot ako. Di ko alam kung kakayanin ko kasi feeling ko kulang ako sa alam kaya sabi ko sa sarili ko lahat nung kakulangan ko, pupunan ko ng kasipagan at walang pagod na pagtatanong para matuto ako. Di ko alam mag-IV, NGT, Foley Cath at lahat ng iba pa. Totoo lang, ni hindi ako marunong mag-BP nung simula. Pero nagtapos lahat. Natapos yung buong taon na hindi ako nag-absent, na lahat ng code, kahit pagod na ako, bibigyan natin ng magandang laban sa buhay, na lahat ng kakayanin ko, gagawin ko at yung di ko alam, susubukan kong alamin.

Sa dami ng nakasama ko sa Clerkship, di ko alam paano iisa isahin pero salamat Quatro, Manus Vita, mga seniors namin noon, baby JIs, residents, consultants, departments, nurses, kuyas at ates at sa restaurants na open para busugin kami while on duty.

Sobrang sarap balikan kahit tapos na.
Sobrang sarap alalahanin kahit wala na.

Salamat Lord. Ikaw lahat ng ‘to.

Happy new year sa lahat! <3

PS
Hello, 2018. 
Kinakabahan na naman ako sa bagong simula pero willing akong magsimula ng paulit-ulit.
Naeexcite na din ako sa graduation, Manus Vita. Congrats sa atin!

Tuesday, December 26, 2017

Ang Pang-Habambuhay



Sa byahe ng buhay mo, ang daming beses kang nagmahal. Iba’t ibang pag-ibig, sa iba’t ibang tao pero lahat totoo, lahat seryoso, lahat inakala mong sila na ang makakasama mo sa pang habambuhay, sana, malaking sana noon pero hindi. Hindi nangyari.

Paulit-ulit. Di ka napagod.
Umibig ka. Nasaktan ka. Umiyak. Humagulgol. Naghabol. Nagtanong. Nagparaya. Naghilom. Nagmahal muli.

Nagmahal ka ulit.
Paulit ulit. Di ka napagod. 
Di ka napagod na sa dulo darating yung pag-ibig na para sa iyo.

Pinagdasal mo.
Paulit ulit. Di ka napagod.
Di ka napagod na sa pagdarasal mo, maririnig ka ng Diyos at ibibigay ang taong para sa iyo.

At dumating siya.
Siya na ipinagdasal ka din.
Siya na hindi lang tinumbasan ang pag-ibig mo, ibinigay pa sayo ang lahat ng pag-ibig nya.
Siya na hindi ka iniwan, pinanindigan ka pa.
Siya na hindi lang humawak sa kamay mo, sinigurado nya pang malaman mo na kahit kailan di ka nag-iisa.
Siya na di lang salita ang “Mahal kita” kasi ipinakita nya, ipinaramdam nya.
Siya na kaya pala di ka pwede sa ibang tao, kasi sa kanya ka lang pala dapat.
Siya na tinanggap ka ng buong buo, ang nakaraan mo, ang kasalukuyan at sasamahan kang harapin ang mga kinabukasan.
Siya na sasamahan ka araw-araw, pang habambuhay.

At sa pang habambuhay, hindi matatapos ang kwento ng pag-ibig ninyo.
At sa pang habambuhay, di ka na muling mag-iisa
At sa pang habambuhay, may taong papanindigan ka.
At sa pang habambuhay, hindi ka na mag-iisip kung sa susunod na mga araw mawawala na ang lahat.
At sa pang habambuhay, di matatapos ang “Mahal kita”
At sa pang habambuhay, kayo.
Kayong dalawa.


PS
Poks, you know that I love you so much and I am so happy to have witnessed your wedding. I felt the love, Poks. Simple pero totoo. Di kumplikado. Di mahirap. Yung pag-ibig na pinanindigan ka nung di ka kinayang panindigan ng iba. I am truly happy for you, my dearest Poksy. I will still be here for you, always.

PPS
Tongue in a lung, kuma-crying session na naman tuloy ako. Sarap ng pag-ibig❤️ Sa tamang oras at tamang tao, magiging handa ulit ako, pangako. Di din ako mapapagod.

Monday, December 25, 2017

Ang Sana Tumugma


Sa paglipas ng araw, parang hinahanap ko yung pagkutitap mo, kada araw iba pero pareparehong napapasaya ako. Di ko napansin na unti-unti kang nagiging parte nung buhay ko. 

Totoo lang minsan malabo ka, madalas magulo ka, minsan di kita matignan ng derecho pero sa parehong pagkakataon gusto din pala kitang makita.

Kapag tugma na ang mga salita ko, sa iyo.
Kapag tugma na ang tugtugin nating dalawa.
Kapag tugma na ang kabog ng dibdib.
Kapag tugma na ang lahat, sa iyo ko lang gugustuhing tumugmang muli. 
Sayo lang, wala ng iba.
Sa tamang oras.
Sa oras na tutugma tayo.

Sana tumugma.

Kung hindi man, napasaya mo ako.
Kung hindi man, pinakilig mo ako.
Kung hindi man, salamat kasi sinamahan mo ako sa konting byahe na meron tayo.

PS
Merry Christmas everyone! <3
Tandaan natin, sa Diyos galing ang lahat ng pagtutugma at hindi pagtugma. Kahit ano pa man, alam Niya ang nararapat sa atin.
Happy birthday, my Lord.

Thursday, December 14, 2017

Ang Pwede Ba Talaga Yun?

Pwede ba talaga yun?
Pwede ba talagang malabo pero malinaw?
Pwede ba talagang yun lang tayo pero parang hindi?
Pwede ba talagang yumakap ka sa akin na di ko iisiping matatapos yan?
Pwede ba talagang magtawanan tayo na alam kong meron pa ulit sa mga susunod na araw?
Pwede ba talagang wag magtapos?
Pwede ba talagang kahit dun na ang paalam, tayo walang paalam?
Pwede ba talagang hawakan mo ako at hahawakan din kita, at sa mga susunod na mga taon, di ko na gugustuhing mawala ka?
Pwede ba talagang masanay na nandyan ka?
Pwede ba talaga?

Sabi ko, ngayon lang ako magiging masaya sa pagtatapos. Meron kasing mga pagtatapos na gusto mong makamtan pero di ko naman kasi inaasahan na bago ako magtapos, darating ako sa punto na hihiling na sana matagal na kitang pinahalagahan.

Dec 14, 2017