Sunday, October 30, 2011

Ang Serbesa


Takam na takam ka. Ang tagal kong nasa ref, pinalamig ng husto para daw isang titig mo lang sa akin, magustuhan mo na ako, kung maaari nga lang daw mahalin mo na ako. Hinawakan mo ako. Ang laki ng ngiti mo. Tinanggal mo ang tansan ko at nabuksan na naman sa wakas ang matagal kong inipong pag-ibig. Unti-unti mong ininom, linalasap ang bawat paglunok mo sa serbesa ng pagmamahal ko. Matapos mong makailang tikim, nakangiti ka sabay binaba ako. Binulong mo "Andyan ka kaya ko siya nakakalimutan." Pumatak ang tila ba luha sa gilid ng bote ko.

Lumapit ka lang pala dahil gusto mong makalimot. Hindi mo pala ako gusto. Hindi mo pala ako kayang mahalin. Mas mahal mong higit ang sarili mo na hindi mo kayang isipin ang mararamdaman ko. Oo nga pala, serbesa lang ako. Oo nga pala, lumapit ka lang para makalimutan siya.

Hindi man ako kalasa ng wine na yun, seryosong nakakalasing din ako. Nakakalasing din ang pag-ibig na kaya kong iparamdam. Kaso hindi kita hahayaang malasing, nakareserba pa din 'to sa tamang panahon, sa tamang pakiramdam at sa tamang customer. Tumayo ka na! Bago ka pa tuluyang makalimot, magbayad ka na muna. Hindi libre ang pag-ibig ko, lalo na kung gagawin mo lang akong panandaliang pangkalimot sa lagapak mong kwentong pag-ibig.

Friday, October 28, 2011

Tongue In A Lung: Ang Todong Tongue In A Lung


Masiyahin akong tao. Hindi talaga mahahalata sa akin 'pag malungkot ako, pero kapag nahalata na ibig sabihin hindi ko na kayang itago. Ibig sabihin todo na, todong ayoko nang kayaning itago.

Alam mo yung feeling na "Okay ka na"? As in okay ka na wala siya, na wala kayo, na wala lahat ng namamagitan sa inyo? Tapos matapos ang ilang araw, ayan, may nakita ka. Hindi mo napigilan. Naiiyak ka. Hindi ka pa pala okay.

Kapag hindi ka pa okay, di ka pa okay. Wag mong lolokohin sarili mo. E niloko ko ang sarili ko, sinong talo? Ako pa din. Kailangan ko na talagang lumayo. Kailangan ko lang lumabas ng tuluyan sa buhay na andun ka pa. Ako naman. Ako naman ulit.

Sa larangan ng pag-ibig, natalo ako. Ngayon talo ako. Gusto ko lang magmura. Todong tangina lang tongue in a lung.

Ang Malaking Oo

Oo, namimiss kita. Oo, gusto kita. At mas lalong oo, mahal pa din kita. Pero hindi ibig sabihin na namimiss kong nasasaktan ako sa tuwing nandyan ka. Hindi din ibig sabihing gusto kong umiyak muli sa mga salita mong palyado. At lalong, di porke mahal pa din kita, gusto kitang bumalik. Mahal pa rin kita aminado ako pero mas gusto kong i-enjoy ang hamonado na hindi dehado sa pag-ibig mo. Dadating ang pag-ibig na para sa akin. Yung pag-ibig na ako ang lyamado. Yung pag-ibig na walang kahit, pero, ngunit at kung sana. Oo, dadating ang pag-ibig na yun. Oo, okay lang na hindi ikaw yun dahil kung sa maling tao masarap ng umibig, gano na lang kasarap magmahal kung tama na yung taong pinaglalaanan ko nito?

Sunday, October 23, 2011

Ang Paglipas Ng Bagyo

Pangako kong hahawakan ko ang kamay mo. Uupo akong kasama ka at matutuwang panoorin 'tong kasama ka. Tatawanan ko ang kidlat. Kikiligin ako sa kulog. Titikman ko ang ulan. Papakiramdaman ko ang hangin. Kapag ngumiti na ang haring araw, bakas na lang ng mga tubig ulan ang maiiwan. Kasabay ng kanyang pagngiti, ang pagpawi sa aking ngiti.

At isang araw, iiyak ako sa isang bagyo na lumipas na. Yung bagyong hindi ko na maaaring ikasiyang kasama ka.

Nadala ng nakalipas na bagyo ang tapang ko, ang ngiti ko at ang pag-ibig ko.
At para sa mga bagyong darating, kakatakutan ko na kayong harapin dahil wala na siyang kasama ko.

Wednesday, October 19, 2011

Ang Paru-paro


Mahal kita, wala namang masama dun. Mahal kita pero hindi sapat 'to. Mahal kita pero may iba kang pinili. Mahal kita pero ang labong magkatagpo ang ating puso. Mahal kita pero hindi tayo pwede. Mahal kita pero hanggang dun na lang yun. Mahal kita pero gusto kong mawala 'to. Mahal kita pero nasasaktan ako. Mahal kita pero gusto kong matutunang hindi ka na mahalin. Mahal kita kasama na ang lahat ng pero na maihahain ng mundo. Mahal kita pero, pero, pero, pero. Mahal kita kaso madaming pero kaya katulad ng isang paru-paro, papaliparin ko na 'to sa himpapawid. Hahayaan kong maging malaya ako.

Hahayaan kong mag-umpisa muli ako sa pagiging uod, isang sawi. Hanggang dumating ang tamang panahon na ako'y handa nang muli. Alam kong darating ang panahon na magiging maganda akong paru-paro, at lilipad akong muli hindi dahil ako'y muling nasaktan bagkus, lilipad ako, kasama nung paru-parong makikita ang halaga ko. Lilipad akong mas masaya higit kailanman dahil sa wakas ang tamang paru-parong para sa akin, lahat ng pero kaya naming lagpasan.

Tuesday, October 18, 2011

Ang Paglalapat Ng Semento


Ito ang panahon para sa akin. Lalapatan na ako ng bagong semento. Lalapatan na ang bakas na iyong nagawa. Lalapatan na ng mga trabahador na aking inarkila ang marka mong hindi ata kailanman naging tapat (kahit na sa pakiramdam ko'y yun ang pinakatapat na pag-ibig na naramdaman ko). Siguro nga'y ako lamang sa iyo'y di naging sapat. 'Wag kang mag-alala, masaya pa din ako na kahit di ako sapat, kailanma'y ako'y walang magiging katapat.

Hindi ako mabubuhay na manghihinayang na ika'y dumaan at lumipas lang sa buhay ko. Mas lalong hindi ako nagsisisi na nasira ang daan ko nung pinadaan kita sa buhay ko. Hindi ako sadista para ikatuwang masaktan ako pero naging masaya ako sa naramdaman ko, sapat na yun. Naging masaya ako na sa pagdaan mo. Naging masaya ako, seryoso. Salamat.

May mga bagay lang na kahit gaano ko kamahal, hanggang dun na lang. Parang ikaw, kahit mahal pa kita, yun na lang. Mahal lang kita at lilipas din 'to. Mahal lang kita kahit ang layo-layo na natin sa posible. Mahal lang kita kahit malabong mahal mo din ako. Mahal lang kita kahit hindi ko na marinig sayong mahal mo din ako. Mahal lang kita pero, pero, pero at madami pang pero. Mahal kita at matatabunan din 'to ng tamang semento.

Monday, October 17, 2011

Ang Natauhang Snatcher


Ayos ka din! Una, gusto mo atang nakawin kita, hindi ko lang gusto. Ngayon, sasama ka naman sa akin. Isa na lang bang laro 'to? Isang laro ng taguan. Magtatago ako at lalayo sayo ng hindi mo alam, tapos magpaparamdam ka. Ano bang trip mo? Hindi mo ba alam na nung oras na lumayo ako sayo ng hindi mo alam, ibig sabihin ayoko na? Hindi mo ba alam na ayoko nang maapektuhan? Hindi mo ba alam na ayoko nang umasa? Mas hindi mo ba alam na ayokong sinasabihan akong mahal ako habang iba ang pinili mo? At lalong mas hindi mo ba alam na ayokong nagpaparamdam sa akin kapag may iba?

Muntik na akong magnakaw, buti natauhan ako. Muntik na kitang agawin, buti umayos ang takbo ng utak ko. Oo! Mahal kita. Mahal pa din kita. Pero hindi porke mahal kita, aagawin na talaga kita. Minsan dinidiliryo lang ako kaya naiisip ko yun.

Iba ang pinili mo. Hindi ako ang pinili mo. Lumayo ako pero lumapit ka. Ngayon, gusto kong patahimikin mo ako. Tama na 'to. Ayoko na sa taguan. Ayoko ng ganito. Sa susunod na lalayo ako ng hindi mo alam, pwede bang wag ka nang babalik? Pwedeng hayaan mo ng wala na ako? Kasi okay na okay naman na ako. Okay ako na hindi mo ako pinili. Pero hindi ako kailanman magiging okay na hindi mo na nga ako pinili pero lumalapit ka pa din sa akin. Hindi porke mahal kita, tatanggapin pa kita. Minsan, kailangan ko lang ng oras para maglaho 'tong nararamdaman ko. Hayaan mo na muna ako tutal hindi ako ang pinili mo. Hayaan mo munang magmahal ako ng iba. Hayaan mo munang sumaya akong todo ng wala ka. Hayaan mo na lang muna ako, please lang.

Saturday, October 15, 2011

Ang Pagbitaw Sa Pag-asa

Buti pa ang bagyo, may pag-asa. Buti pa ang mga may removals, may pag-asa pang pumasa. Buti pa ang daan, may patungong pag-asa. Tayo? Kailanman wala na talagang pag-asa.

Katulad ng sinabi ng Anonymous sa Ang Magkaibigan Lang --"Iwasan mo siya lahat ng konekta sa kanya iwas totally..... 'pag di ka hinabol, at least u have your pride."

Hindi ako sigurado kung kaarawan mo sa 19, tatapusin ko lang yun para sa huling beses magkaron ako ng excuse para ma-i-message ka. Huling pag-abot, huling hindi na muli.
Matagal na akong lumayo. Pero hindi ko pa binitawan ang pag-asa. Ngayon, lalayo ako ulit kasabay ng pagbitaw sa pag-asa. Sa panahon na 'to, maglalaho na talaga ang koneksyon natin, sa lahat ng posibleng maabot mo ako kahit sa mga kaibigan mo. At sana kasabay nun ang tamang paglalaho ng feelings pati ng pag-asa.

Matagal na akong lumayo, pero hindi ko agad binitawan ang pag-asa. Yun siguro ang mali ko. Sa dalas kong dumaan sa Pag-asa, hihikbi ako kasabay ng pagsabi na sana'y meron din tayong pag-asa. Lumayo nga ako sayo pero sa tuwing aabutin mo ako, abot langit din ang ngiti ko, hindi mo lang alam. Pero mahirap, mahirap pa rin pala ang hindi umasa. Mahirap pa ding iwasan yung ngiting nakukuha ko sayo. Lalayo ako. Papalayain ko lang lahat ng feelings na 'to. Babalik ako sa panahong nabitawan ko na lahat ng pag-asa. Magiging tunay ang paglayo. Sa aking paalam, hindi na muling magpaparamdam. Sana ikaw din, hindi ka na matutong magparamdam.

Ako mismo ang babalik, sa panahong hindi na kita mahal. Dadating ang tamang panahon na magiging magkaibigan na nga lang tayo.


Hindi na ako dadaang muli sa Pag-asa na umaasa pa rin sa atin. Dadaan ako dun, sabay cross fingers habang sinasambit ko na sa tamang tao at tamang pagkakataon, dumating ang tamang pag-asang hindi lang ako papaasahin. Yung magtatagal, yung pang habambuhay, yung hindi katulad ng pag-asa nating naglahong parang bula.


**Kung nagbabasa ka nito, please lang, sa paglayo ko, wag mo akong aabutin. Malamang alam mo kung bakit. Wag ipilit ang hindi na pwede. Wag ipilit ang pagkakaibigan. Wag ipilit ang hindi pa pwede.

Thursday, October 13, 2011

Ang Tanong Ng Snatcher



Di naman talaga ako isang snatcher. Muntik lang kasi nagmahal ako. Akalain mong marunong palang magmahal yung muntik ng maging snatcher. Naisip ko, paano kung maagaw nga kita, makuha nga kita, makukulong ako sa isang rehas ng relasyon na alam kong inagaw ko sa iba. Oo, makukulong akong kasama kita pero inagaw lang kita. Paano magiging masarap sa pakiramdam yung katotohanang hindi ka magiging akin kung hindi kita inagaw? Paano ako magiging masaya kung nakuha nga kita, pero hindi naman talaga ako yung unang pinili mo, na sadyang mang-aagaw lang ako?

Sana para ka na lang Macbook. Sana kaya kong mag-antay ng matagal para mag-ipon at mabili ka. Hindi yung matututo akong magnakaw makuha ka lang. Sana lang marami kang stock, kaso nag-iisa ka at ikaw yung hindi ko makukuha kailanman dahil hindi mo hinayaang makuha kita.

Ngingiti na lang ako. Maghuhulog ng pera kada araw sa piggy bank ko, aantayin ko na lang ang susunod na labas ng Macbook, yung hindi ikaw pero yung makukuha ko hindi dahil inagaw ko. Sana iregalo niya na lang yung sarili niya sa akin. Yung magiging akin kahit di ako maging snatcher. Yung magiging akin kasi kahit anong pilit ng iba, ako yung gusto niya at ako yung mahal niya.

Wednesday, October 12, 2011

Ang Mga Tamang Salita Para Sa Natitimang

YOU DON'T DESERVE BEING A RESERVE. Sa una, mahirap pero kailangan mong malaman na higit pa dyan ang halaga mo. LET GO. Di porke wala na siya, wala ka ng worth. Di mo alam, mas makikita mo ang worth mo kung sa ngayon, iisipin mo naman ang sarili mo. IT'S TIME. Nabigyan mo siya ng panahon, ng pagkakataon. Di pa ba sapat na ibigay mo sa iba at sa sarili mo ang oras mo? WAG KANG MATAKOT. Siya nga di natakot na mawala ka, kaya tiisin mo. Mababaliw ka, oo! pero sa tamang panahon makakalaya ka din sa rehab na yan. BUMUO KA NG BAGONG KWENTO. Alam mong matagal na kwento na ang nabuo mo, ayaw mo bang may iba ka pang kwentong may kwentang ikekwento sa iba? Matutuwa ka ba na buong buhay mo, yan lang ang kwentong nagawa mo? TAPUSIN. Kung di mo kakayaning bumuklat ng bagong pahina, pano mo malalaman na posible palang kahit wala siya, okay ka? Na kahit wala siya, sasaya ka?

HAPPINESS IS A CHOICE. Nasasawi ka sa kanya pero siya pa din ang pinipili mo. Umiiyak ka kasi ayos siyang wala ka pero siya pa din ang pinipili mo. Kung sa tingin mong masaya ka dahil andyan siya, bat ka nasasaktan? Kung sa tingin mo, yung pagputi ng mata mo kakaantay sa kanya yung magpapasaya sayo, nagkakamali ka. Pinili mo yan kasi duwag ka, kasi natatakot kang malaman na kaya mong sumaya kahit wala siya. PAG NAGMAHAL KA, IBIGAY MO LAHAT. Tama! Pero ang pagmamahal, di lang 'siya' ang konteksto. May Diyos, pamilya at kaibigan ka. Ibigay mo lahat pero wag lang sa kanya. ANG IKLI NG BUHAY. Kung gustong lumaya, palayain. Palayain mo rin ang sarili mo. Wag aasa sa malabong pag-asa. Ang ikli ng buhay para maging malungkot ka lang. May 24hrs ka lang sa isang araw. Sana piliin mo yung bagay na alam mong buong buhay kaya mong lumigaya. Wag kang papatali sa taong gustong lumipad. Bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataon. BE FAIR. Napahalagahan mo siya, ayan ka, nalugmok. Pahalagahan mo naman ang sarili mo. Hindi ka binuhay ng magulang mo para saktan niya, isipin mo naman yun.



"You never really stop missing someone - you just learn to live around the huge gaping hole of their absence"
-Blue Moon by Alyson Noel

Monday, October 10, 2011

Ang Patuloy Na Pag-agos

Tuloy-tuloy umaagos ang lahat sa akin. Dinadala niya pati ang emosyon ko. Kung masaya ako, kitang kita. Kung malungkot ako, pinapahalata ko. Kung anong nararamdaman ko, mababasa mo. Pero bakit yung pag-ibig ko, hindi ko pwedeng iparamdam sayo? Bakit kahit na patuloy umaagos sa atin ang oras na magkahiwalay tayo, tuloy-tuloy ko pa ring nasasabi sa sarili ko na mahal kita? Bakit kahit mahal kita, hindi ko pwedeng isigaw?

Kaya pala 'tong pagmamahal ko, patuloy mang umagos sa dagat ng emosyon ko, hindi mo kailanman maiintindihan dahil masaya ka na nga palang lumalangoy sa tubig ng iba. Kung pwede nga lang paagusin na lang 'to at magmahal ng ibang tao, gagawin ko. Pero ang tubig na naipon ko, tanging emosyong para sayo lamang ang laman.

Saturday, October 8, 2011

Ang Oras At Pag-ibig


Ang bilis lumipad ng oras. Ninanakaw niya ang aking kabataan. Kinukuha niya ang mga araw na wala pa akong pakielam. Pinapalipad niya ang aking pagtitiwala; at ang katotohanan: hindi pa rin naglalaho ang pag-ibig.

Oras! Panahon! Pagkakataon! Kunin mo ang pag-ibig. Kapag wala ng pakinabang ang pag-ibig, kapag ang kasiyahan ay naglaho na --kapag panghihinayang na lang ang natira --hayaan mong pati ang pag-ibig, kasama mong lumipad.

Sunday, October 2, 2011

Ang Basag Na Itlog

Hoy! Kung makahawak ka sa akin, sobra sobra. Buong pagkatao ko, kayang kaya mong paikutin sa palad mo. Alam kong madaming mas magagandang itlog na pwede mong piliin pero ako pa talaga ang hinawakan mo. Sana lang nung dinampot mo ako, hindi mo ako gustuhing bitawan. Hindi pa ako luto, kaya kung pwede lang ingatan mo ako. Kung pwede lang, ibalik mo na lang ako sa tray kung alam mong di mo ako kayang pangalagaan. Pero ayan ka, ang higpit ng hawak mo.

Kasabay ng mahigpit na paghawak mo, yung pagtindi ng ngiti ko dahil akala ko na ako talaga yung gusto mong pangalagaan pero ang puso mo, may lamang iba. Nalaman ko, naramdaman ko. Hindi mo sinabi. Duwag ka. Pinaasa mo ako dahil hinawakan mo ako na parang di mo ako papakawalan pero hinawakan mo lang pala ako para hindi ka mawalan ng isusubo sa panahong gutom kang muli sa pag-ibig. Hinawakan mo lang pala ako dahil walang kayo. Hinawakan mo lang ako, yun lang yun. Hinawakan mo lang ako, pero ako? puso ko ang pinahawak ko sayo.

Ako naman mismo ang kumawala sa palad mo. Oo, nabasag ako. Oo, ito ako malabong pulutin mo. Pero mas gusto kong maging malayang basag kaysa nasa palad mong hindi naman ako kayang alagaan. Mas magandang basag na wala ako sa buhay mo, kaysa umaasa pa din ako sayo, sa atin.

Hindi lahat ng basag na itlog, bugok. Yung iba, nabasag lang dahil binitawan ng isang ugok.

Saturday, October 1, 2011

Ang Grand Opening

Dito sa station ko, matatagpuan mo ang lahat. Kaya kong ibigay ng bagsak presyo ang gas para sumaya ka. Pwede kitang i-libre sa gas mo, sa totoo lang. Minsan masyado silang umabuso, kaya natuto akong isara ang business na pinaghirapan ko.

Ang lahat dito hindi tumataas. Lahat dito nahuhulog. Sa tamang taong magpapagas sa akin, mahuhulog ako. Sana mahulog na muli ako. Matagal tagal ko na ding isinara ang pagtanggap ng panauhin sa gas station ko. Takot kasi akong malugi. Takot akong maloko at umiyak sa dulo 'pag pinili na nilang magpa-gas sa ibang station. Pero dumating ako sa puntong handa na muli akong pumusta. Handa na ako sa kung ano mang mangyari.

Darating ka na ba? Malapit ka na bang maubusan ng gas? Sana dumating ka na kasi nakangiti na akong muli para yakapin ka. Handa na akong pumirma ng kontrata sayo. Walang lokohan. Seryosong usapan, peksman!

Sa 11.11.11 na ba ang grand opening natin? 'Wag mo akong biguin. Handa na ang kontrata. Handa na ang puso ko. Handa na ang kamay ko para hawakan ka sa panahon na makikilala kita, susunod na kwentong pag-ibig. Sana lang ang susunod, wala ng kasunod. Sana di na tayo malulunod at aahon na magkahiwalay.

Tara na! Malapit ang opening!