Sunday, June 29, 2014

Ang Pangalawang Pagkakataon


At sa unang pagkakataon, madami kang pinadaan na mga bagay, mga bagay na kinalimutang pahalagahan o hindi masyadong napahalagahan, may mga bagay kang hindi nagawa kahit na sa puso mo gustong gusto mong gawin, madami kang "sana" pero hinayaan mo lang dumaan ang oras para lamunin sa pagkalimot, madami kang "Mahal kita" na hindi nasambit kasi akala mo may bukas pa, madami kang yakap at halik na hindi naibigay, at may pagkakataong manghihina ka at hihiling na lang na sana matapos ang lahat, matapos yung buhay mong mahirap.

Sa parehong pagakataon, nung unti-unti kang nawawala na, nung unti-unti kang binibitawan ng panahon at pagkakataon, nung lahat ng tao akala mawawala ka na ng tuluyan, nung panahon na bigla mong pinagsisihan ang mga hindi mo nagawa higit pa sa nagawa mo, bigla kang hiling para sa mas mahabang oras kasama ang mga mahal mo, sa mas madami pang pagkakataon para magsabi ng "Mahal kita" at yumakap at humalik, sa mas panahon para di ka matuluyang mapunta sa pagkalimot, saka mo maiisip yung mga sinayang mong pagkakataon, saka mo gustong pahalagahan ang lahat ng mas matindi, saka mo hihiling sabay bulong sa hangin "Isa pang pagkakataon! Isa pa, at di ko na sasayangin!"

At nagkaroon ka ng pangalawang pagkakataon, wag mo ng hayaan, wag mo nang bitawan, alagaan mo, yakapin mo, kasi hindi lahat ng tao, magkakaroon ng isa pang pagkakataon.


PS. Cai, I'm really happy to know you're already doing fine! Praying for your fast recovery. See you when I see you, Doc!

Sunday, June 22, 2014

Ang Gusto

Gusto kitang kilalanin.

Gusto kong malaman yung rason kung bakit ka tatahimik at kung sa paanong paraan ka mapapasaya. Gusto kong matagpuan yung kahinaan mo, yung parte na hindi mo ipinapakita sa ibang tao. Gusto kong magsulat para sayo. Gusto kong malaman mo na noon pa man, hanggang ngayon, nandito lang ako. Gusto kong malaman kung hanggang saan ang kakayanin mo, kasi hindi ko hahayaan na bumitaw ka kung sakaling bibitaw ka na. 

Gusto kita.

Gusto kitang mahalin, kasi marami ang nagtangka pero natapos, pero may hangganan, pero may kundisyon. Gusto kong ipaalam sayo na sa kahit anong paraan, sa kahit ano pang pagkakataon, karapatdapat ka sa pag-ibig na totoo, sa pag-ibig na di nagsisinungaling, sa pag-ibig na walang kundisyon, sa pag-ibig na hindi matututong maglaho, at sa pag-ibig na di magdadalawang isip na piliin ka araw-araw, kahit ano pa man.


Friday, June 13, 2014

Ang Mahal Kita Pero At Pero Mahal Kita


Mahal kita pero pinili mo akong saktan.
Mahal kita pero niloko mo ako, kahit ibinigay ko na ang lahat sayo.
Mahal kita pero ilang beses kang nagsinungaling.
Mahal kita pero sinubukan mong maghanap ng iba.
Mahal kita pero ipinagpalit mo ako sa iba.
Mahal kita pero pumili ka ng iba.
Mahal kita pero di mo nagawang alagaan yung puso ko na akala ko di mo papabayaan.
Mahal kita pero ako ba minahal mo talaga?

Hinayaan kita.
Pinabayaan ko na ang lahat.
Iniwan kita
Binitawan ko na 'to.
Natuto akong tumalikod sayo, di dahil di na kita mahal, pero siguro, mahal ko din lang yung sarili ko.

Dumaan yung panahon at nakita ko na sinusubukan mo akong abutin.
Sinusubukan mong iparamdam sa akin na pwede pa, na kaya pa, na karapatdapat ka pa sa pag-ibig ko, na siguro nagkamali ka lang, kasi tao ka lang, pero di ibig sabihin na hindi mo ako minahal.
Hinawakan mo ako ng mahigpit nung panahon na sinusubukan kong bumitaw sayo.
Niyayakap mo ako ng todo nung oras na ni hindi na kita gustong mapalapit sa akin.
Isinigaw mo sa mundo na mahal mo pa din ako, kahit na hindi ko na halos kinakayang ibulong sa hangin na mahal kita, pero mahal kita, walang nagbago, walang magbabago.

Pinili mo akong saktan pero mahal kita.
Niloko mo ako pero mahal kita.
Ilang beses kang nagsinungaling pero mahal kita.
Sinubukan mong maghanap ng iba pero mahal kita.
Ipinagpalit mo ako sa iba pero mahal kita.
Pumili ka ng iba pero mahal kita.
Di mo nagawang alagaan yung puso ko pero mahal kita.

Pinatunayan mong mahal mo ako at mahal din kita, walang nagbago, walang magbabago.
Wag mong iisipin na hanggang dun lang ang pagmamahal ko, na hanggang dun lang nung nagkamali ka, kasi hindi, kasi hindi talaga.
Kahit ano pa yan kakayanin natin, kasi mahal kita at mahal mo din ako.
Walang "Mahal kita pero", kasi di dun natatapos ang pag-ibig ko sayo.
Meron lang "Pero mahal kita", kasi higit pa sa pagkakamali mo, sa kahinaan mo, sa kahit ano pa yan, higit pa ang pag-ibig ko dyan para sayo.


PS. Gusto ko lang masaya ka, KDL. Kahit ano pa yan, siguraduhin mo lang na alam niya ang worth mo, mas lalong alam mo ang worth mo. I want you to be happy (kahit na kabaliwan talaga yung ginawa mo HAHAHA) I love you <3

Wednesday, June 11, 2014

Ang Natakot At Natanga


Nakilala kita, at noon pa lang alam ko naman na para tayo sa isa't isa.
Eksaktong alam ko na gusto na kita, noon pa lang.
Mas lalong alam ko sa sarili ko, mahal na kita.
Sinabi ko sayo, di naman ako nahiyang aminin yun.
Bumulong ka sabay pinaramdam mo na pareho tayo ng nararamdaman.
Masaya ako noon, masayang masaya higit kanino pa man.

Sa parehong pagkakataon, natakot ako.
Natakot ako na baka di ko kakayaning panindigan ang pag-ibig na meron tayo.
Natakot ako dahil baka masaktan kita ng di ko sinasadya.
Natakot ako kasi baka dumating sa panahon na ako mismo yung papawi sa magandang ngiti mo.
Natakot ako na baka yung hawak ko sa kamay mo, magiging masyadong mahigpit para sayo.
Natakot ako dahil baka yung yakap ko sayo, unti-unti kang magsawa.
Natakot ako kasi baka dumating sa panahon na iiwan mo din ako.
Natakot ako. Natakot ako, kaya hinayaan kita.

Natakot ako, kaya hinayaan kong dumaan ang panahon.
Natakot ako, kaya hinayaan kong dumaan ang mahahabang panahon na hindi man lang kita mahawakan.
Natakot ako, kaya hinayaan kong dumaan ang mas mahaba pang panahon na hindi man lang kita nayakap, lalo sa panahong kailangan mo ako.
Natakot ako, kaya hinayaan kong masayang yung panahon, na imbis na kasama natin yung isa't isang harapin ang lahat, hinayaan kong mag-isa ako sa laban na imposible.
Natakot ako, natakot ako, natanga ako.

Natanga ako nung natakot ako.
Natanga ako nung hinayaan ko pang dumaan yung panahon, ganung alam na alam ko naman na ikaw lang yung para sa akin.
Natanga ako nung pinabayaan kong masayang yung panahon na kinulang akong iparamdam sayo na mahal kita.
Natanga ako nung natakot akong mawala ka kaya hinayaan kong mawala ka.

Natanga ako, natakot ako pero bumabalik ako nang bumabalik sayo.
Natanga ako, natakot ako pero kailanman, yung tanga at takot na ito, ikaw at ikaw lang ang hinahanap.
Natanga ako, natakot ako pero hindi na ngayon.
Natanga ako, natakot ako pero handa na ako na harapin ang lahat na kasama ka.



PS. Kinikilig ako para sa inyo MJDS at JRM. <3 Love love!!!! 

PPS. Someday, someday.

Tuesday, June 10, 2014

Ang Ipinaglalaban At Lalaban

T to Ate E
E:
Wala e. Siguro napagod ako, siguro nagsawa din. Ewan ko. 0 na feelings ko para sayo. Hayaan na natin. Nandyan na. Hanggang dun lang siguro tayo. Kaya ko naman ng wala ka, edi sige na. Okay na 'to! Wag na nating ipilit pa.

T:
Alam ko darating ka sa punto na mapapagod ka sa akin, sa atin, hindi ko naman hinihiling na wag kang mapagod. Ang akin lang, 'pag napagod ka, magpahinga ka, pero wag naman sanang bibitawan mo yung kung anong meron tayo. Alam ko halos palpak ako, pero sana sa mga oras na palpak ako, dumating ka sa punto na mas pahalagahan mo yung mga konti kong nagawang tama. Ayokong maniwala na 0 na yung feelings mo sa akin, di ko gustong paniwalaan kasi alam ko, alam na alam kong may lugar pa ako dyan sa puso mo. Yun nga e, kaya mo ng wala ako, kaya ko din ng wala ka. Tinanong mo ba ako kung gusto kong mawala ka? 

E:
Wag na lang. Ayaw ko na nga e. 

T:
Ipaglalaban ko tayo. Ipaglalaban kita. Ipaglalaban ko, hindi ako magsasawa, hindi ako mapapagod. Papatunayan ko sayo na kahit ganito lang ako, kahit ganito lang yung kaya ko, buong buong buong buong puso ko naman yung kaya kong ibigay sayo. 

Pero sa puso ni E, takot na takot siyang may mahalin na iba si T. Takot siya na mawala ng tuluyan si T, pero sa parehong pagkakataon, hindi niya alam paano hatakin pabalik si T. 



Minsan kahit mahal natin yung isang tao, darating tayo sa punto na malilito tayo sa feelings natin. Minsan kahit mahal mo siya, mas madali na lang para sayong bitawan, kasi yun yung akala mong mas makakabuti sa oras na yun pero ang totoo, kahit sino sa atin, gusto lang ipaglaban. Gusto lang natin yung isang tao na yayakapin tayo kahit sa oras na wala na tayong maibigay. Gusto lang natin yung isang taong tatanggap sa atin, kahit wala na tayong magandang nagagawa. Gusto lang natin yung isang taong hindi natin kailangan magsalita, pero gagawa ng paraan para mapatunayan sayo na kakayanin ninyo pa, yung susubukang pawiin lahat ng pagdududa mo, kasi eksaktong naniniwala siya na kayo talaga yung para sa isa't isa. Gusto lang natin yung pag-ibig na walang kundisyon. Gusto lang natin yung pag-ibig na hindi namimili ng pagkakataon. Gusto lang natin yung pag-ibig na hindi lang sa salita, kasi gagawin niya ang lahat para maramdaman mo yun. Gusto lang natin yung isang tao na kahit ano pang mangyari, hindi magdadalawang isip na piliin tayo nang paulit ulit, araw-araw. At kapag nandyan na yung taong yun, wag mo nang papakawalan pa.


PS. Huhuhu! Alam ko Ate ELM, sasabihin mo sa akin na "Pakyu ka, Babs!" dahil sa blog na 'to pero feeling ko, feeling ko lang swak 'to. Mahal mo si TB, wag mo siyang tuluyang bitawan :) Baka oras mo naman na siya yung ipaglaban, kasi nakikita mo naman na hindi ka niya binitawan, di ka niya binibitawan at mukhang wala siyang planong bitawan ka, alam ko ikaw din. Wag ka nang mag-inarte dyan. I love you, Ateng! <3





Saturday, June 7, 2014

Ang Hindi Mo Pwedeng Iwan


At hindi mo pwedeng iwan siya ng basta-basta. Hindi mo dapat yan gawin. Hindi niya dapat yan maramdaman, hindi dapat siya sinasaktan. Hindi niya deserve ang iwan mo lang; walang kahit sino ang deserve yung iiwan na lang basta-basta. Walang kahit na sino na ibinigay yung buong puso yung dapat maramdamang uniti-unti yung binibitawan nung taong pinagkatiwalaan nilang hindi yung basta-basta pababayaan.

Hindi ka niya pag-aari, at hindi din naman siya sayo, pero pareho kayong parte ng isa't isa; kung bigla niyang maisipang umiwas ngayon, lumakad papalayo sayo,  at iiwan ka, at tuluyan ninyo ng hindi makikita ang isa't isa, at hinayaan mong mabuhay ka sa susunod na limampung taon, hanggang sa kamatayan mo, malalaman mong parte pa din siya ng buhay mo.

At hindi mo pwedeng hilingin na mawala na siya sa buhay mo. Kasi baliktarin mo man ang mundo, parte na siya ng buhay mo, sadyang pinili mo lang na mawala siya. Ang tanong: Naging masaya ka ba?

PS. Kaya ikaw, bago ka humiling na mawala siya, siguraduhin mong di darating yung panahon na hahanap hanapin mo siya.

Monday, June 2, 2014

Ang Dumating Na Dapat Ipaglaban

Nagmahal ako.
Minahal din ako.
Minahal ko pero di ko naipaglaban.
Minahal ako pero di ako ipinaglaban.
Nawala. Nawala kami.

Nasira ako.
Nawala ako.
Walang walang natira sa akin.
Hindi ko alam.
Sabi ko sa sarili ko, hindi na uli. Hinding hindi na.

Dumating ka sa panahon na wala akong maibibigay sayo - pag-asa, pagkakataon, lalo na ang pag-ibig. Dumating ka sa panahong ubos na ubos ako sa pag-ibig sa nakalipas. Dumating ka sa panahong di pa ako nakakaahon ng tuluyan. Dumating ka sa panahong di ko kayang magtiwala. Dumating ka sa panahong takot ako. Dumating ka, pero di kita kayang harapin. Walang wala ako.

Dumaan ang panahon, hindi ka nawala sa tabi ko. Niyakap mo ang kahinaan ko, niyakap mo ako kahit sa panahong wala lang ako. Hinawakan mo ang kamay ko, nung panahon na binitawan ako ng lahat, na kahit ako mismo bumitaw sa sarili ko. Ibinigay mo sa akin ang buo mo nung panahon na kahit ano, wala akong kayang ibigay sayo. Pinasaya mo ako sa paraang di mo alam. Binangon mo ako. Minahal mo ako higit pa kanino man. 

Akala ko di na ako matututong magmahal, pero dumating ka. Pinaniwala mo ako hindi sa salitang "Mahal kita", pero hinayaan mo akong maramdaman yun kahit wala kang sinasabi. Hindi mo binanggit na di mo ako iiwan, pero hindi mo ako kahit kailanman hinayaang mag-isa. Tinanggap mo ako nung panahon na kahit ako di ko matanggap ang sarili ko. Minahal mo ako sa panahong walang wala ako. Ipinaglaban mo ako. Ipinaglaban mo tayo.

Ngayon, hayaan mo ako. Hayaan mo naman na ako yung maging malakas para sa atin. Hayaan mo naman na ako yung maging matibay para sa atin. Hayaan mo naman na ako yung maging matatag para sayo, na ako naman yung yumakap sayo ngayong ikaw yung walang kayang ibigay, na ako yung magmahal sayo kahit ano pa.

Hindi ko hahayaang mawala yung taong ipinaglaban ako. Ako naman yung lalaban, para sa atin, para sayo.

PS. For JST. I want you to fight for him. Tamang time na 'to! Ikaw naman. Turn mo naman. We waited for years to see you so happy again, and nakita na namin uli yun dahil sa kanya. Don't give up on love, don't give up on him. Heart Strong! I love and miss you (see you very very very soon)