Thursday, March 29, 2012

Ang Paminta

Pampalasa ako sa buhay mo, aminin mo man o hindi. Dagdag ako para maging masarap yang buhay mo. Hindi mo lang alam, hindi mo lang kasi ako magawang pansinin.

Ito lang kasi yung tingin mo sa akin, paminta lang. Ito lang naman ako sayo, pandagdag lang sa madami pang sangkap ng mga ulam mo. Kailan ka kaya makukuntento sa akin? Kailan ko kaya maririnig sayo na ako lang, sobra-sobra na? Kailan mo kaya makikita yung halaga ko? Wag naman sana kung kailan di ko na kailangan ng pagpapahalaga mo.

Buo mo akong nakilala. Buong buo ako nung hinayaan kita sa buhay ko. Pero hindi kita pinapasok sa buhay ko para lang durugin mo ang puso ko. Ito, ang puso ko'y parang paminta. Minsan buo, ngayon durog. Ngayon, dinurog mo lang.

Friday, March 23, 2012

Ang Soundtrip: Halik (Kamikazee)


Tungkol daw 'to sa natauhang puso, tungkol sa pagmamahal na napagod.

♪ Ang sabi ko hindi kita mamimiss, hanggang kailan ito matitiis?
'Pag nawala, doon lang mami-miss, hanggang kailan ito matitiis? ♫

Itong lyrics lang na 'to talaga yung swak sa akin, sa amin. Namimiss ko siya pero wala akong magawa, mapride kasi akong tao. Wala din naman kasi akong karapatang mamiss siya. Mahal niya daw ako, hindi ako nagpauto. Mali pala! Sinubukan kong hindi magpauto, pero wala e, talo ako! Nasabi kong mahal ko din siya, tignan mo yung puso ko ngayon, malungkot na naman.

Ito yung ayokong mangyari, yung malaman ng isang tao yun eksaktong pakiramdam ko kasi alam kong mas sampal sa akin. Kasi alam kong mas masasaktan ako kasi nga yung taong yun, eksaktong alam na yun feelings ko pero di naman kayang alagaan. Tangina lang.

Mahal kita, sabi mo mahal mo ako. Ngayon? Di ko yun maramdaman. Namimiss na kita pero kaya kong magtiis. Magtitiis ako sa pag-ibig na hindi naman talaga karapat dapat na ikalungkot ng kalamnan ko. Di dapat ako malungkot sa pag-ibig na hindi naman talaga nagsimula, at mukhang di naman totoo, sa kanya.

Hindi lang siguro 'to yung karapat dapat na kwento natin.

Thursday, March 22, 2012

Ang Chichirya

Hinawakan mo ako. Tinunaw mo ako sa ngiti mo nung tumingin ka sa akin. Binulungan mo akong mahal mo ako. Inuuto mo lang naman siguro ako, pero yung puso ko, nagpauto naman sayo. Masaya lang ako. Masaya akong magpapauto kung pag-ibig mo yung papaniwalaan kong meron ako.

Pero bakit ganun? Di pa man nag-uumpisa, nasaan ka na? Di ko pa nalalasap yung saya, binabawi mo na? Di mo man lang ako hinayaang maramdaman yung mga bagay na karapat dapat para sa akin. Di mo man lang ako hinayaang maramdaman yung pagmamahal mo, kahit kunwari lang.

Nakalimutan mo yata, di naman ako parang chichirya. Wala namang "TEAR HERE" yung puso ko ha? Bakit winasak mo? Bakit kailangan mong buksan 'to kung hindi mo naman pala kayang buksan yang puso mo para sa akin? Bakit kailangan mong saktan ako?


***Hindi mo malalaman na para sayo 'to, ganyan ka naman. Akala mo iba kasi gusto ko, ikaw kasi talaga si SUPERMAN. SUPERMAN-hid. Sana ako na lang si Katerina mo, Pakshet!