Monday, June 19, 2017

Ang Tagpuan


Gusto kong matagpuan muli ang pag-ibig ko para sayo katulad ng pag-ibig mong para sa akin pero sa paanong paraan tayo mag-uumpisa? Saan tayo magsisimula? - Sa Tagpuan. Bumalik tayo sa ating tagpuan.

Tagpuan ng mga pusong uhaw, pero baka hindi sa isa't isa. Baka nauuhaw tayo sa pag-ibig ng ibang mga tao, na baka sa kwento natin, wala naman talagang "tayo", walang kwento ng pag-ibig natin hanggang sa mga kinabukasan. Baka nung nagtagpo tayo noon, dun din nagtapos, sa mismong punto ng pagsisimula mo, hinahanap natin ang katapusang sana'y naging mailap ngunit di natin naiwasan.

Baka kailangan lang natin magtagpo. Magtagpong muli. Magtagpo pati ang mga puso natin. Baka. Baka sa susunod na buhay ang pagtatagpo ay di na magtatapos sa pag-alis. Baka ang pag-ibig, di kailangang igibin, baka sa susunod. Baka sa susunod na pagtatagpo.

Di mo kailangang habulin ang gustong manatili sayo.
Dahil sa tagpuan ng pag-ibig, dapat walang biglang taguan.

Tandaan mo yun.

Di mo kailangang mag-antay sa tao para bumalik, kasi sa punto na umalis siya, iwan mo sa sarili mo ang respeto na sa tagpuang inaasam mo, merong taong makakatagpo ka, yung di lilisan, yung di mang-iiwan.

Tandaan mo, ang pag-ibig na umalis, wag mo ng hayaang bumalik. Dahil pinagtagpo lang kayo pero di nakatadhana. Dahil walang nakatadhanang ikaw mismo ang wawasak sa puso mo.
Tandaan mo.


PS. Kailan pa ba 'to MJ? "Kailangan lang ulit magkatagpo" Hits me every single time. To more sabaw na tamabay at kwentuhan ng kahit ano.  

Monday, April 17, 2017

Tongue In A Lung: 100,000


May 2011 nung nagsimula akong maghanap ng mga salita na tatapat sa nararamdaman ko. Di ko eksakto alam saan patungo yung mga salitang yun. Di ko alam kung saang lupalop makakarating ang mga salita ko. 

Masaya ako o malungkot, tumatawa o umiiyak, in love o nasaktan, meron akong mga salitang sinubukang gawing karapatdapat na tumapat sa bawat nilalaman ng puso ko. Gumawa ako ng blogs para sa iba't ibang tao - mga kaibigan, yung ibang naging ka-ibigan (na yung iba nabura ko dati kasi meron akong naisulat para sa iba na syempre iwas gulo sa present dati, chusera! pero ngayon, di na ako magbubura. I'll try. Hahaha), mga kamag-anak, mga katropa, mga tao sa school o kahit mga taong estranghero na nagkataong sumakto para makabuo ako ng mga grupo ng salita na sa tingin ko may kahulugan kung pagsasamahin, na sa tingin ko magkakaroon ng punto kung susubukang iayos maigi.

Totoo lang, yung ibang nandito, di ko na din maalala na nasulat ko pala. Parang "diary" ang dating nito para sa akin. Di ako yung taong mahilig magpakita ng lungkot kaya ito yung naging isa sa nakatulong sa akin para (lalo yung mabibigat sa dibdib) mailabas ko at mapanatili ko na mabuo ako ng ngiti lalo nung nasa kolehiyo ako.

Ang saya nung makita ko kahapon habang nakaupo ako sa Seamen's Hospital, sinilip ko yung blog ko at nakita ko na "100,030" na. Huhuhuhu! Isipin mo yun, yung mga salita kong itinapon sa akala ko kawalan, di nawala. Nakatagpo ng mga taong tumanggap ng mga salitang yun.

Para sa mga madami pang taon na pagtugma ng mga salita, para sa mga madami pang makakabasa ng mga salitang siguro hahanap din ng pwesto sa kawalan ninyo. Kolehiyo ako noon, ngayon kumekendeng na sa mga ospital, hanggang sa abutin na ako ng 100 years old, susubukan nating panatilihin ang mga salita at susubukang bumuo ng madami pang grupo ng salitang tutugma.

Kung ano mang dahilan at napadpad ka dito ngayon, salamat! Salamat mga Be!

Love,
Kat.


PS.
May mga bagay na okay lang antayin. May mga bagay na ayos lang di tuluyang pakawalan. May mga bagay na kahit anong gawin mo, babalik balikan mo. At sa konting karapat dapat dun, isa 'to dun.
Halos 6 years na, tangina lang tongue in a lung.
Dito nagsimula: Ang Panimula

Friday, April 14, 2017

Ang Lumakad Pabalik At Natutong Lumakad Palayo


Ano ba 'to? Marathon na ba ang pag-ibig? Unahan makalayo? Tapos kapag may nauna yung dating nahuhuli, pipilitin mong hatakin pabalik? Baliw ka.

ANG LUMAKAD PAPALAYO:
Pasensya ka na pero para sa atin 'to. Yang oras na hinihingi mong di ko naibigay, pasensya na kung sa iba naibigay ko. Mahal kita, alam kong alam mo yun, pero kung tayo, tayo talaga. Sorry.


ANG GUSTONG MAGMAKAAWA:
Kung pwede lang kitang pilitin na piliin ako, gagawin ko pero ayaw mo naman. Ayaw mo na. Ayaw mo na sa akin? Sana di mo na lang sinabing mahal mo ako kung ganito. Gustong gusto kong balikan mo ako. (At sa sumigaw sya sa katahimikan na walang makakarinig ng - sana balikan mo ako)

Mahirap pero kakayanin ko. Ginawa ko naman ang lahat. Minahal kita ng tama at higit pa kaso wala. 


Lumipas ang mga buwan, nakakangiti na sya ng hindi kailangan ang taong lumakad papalayo. Tila ba perpektong kwento ng pagmomove on. Walang bakas. Walang maiiwang bakas. Walang luha. Walang magmamakaawa. Naging masaya sya. Nahanap nya ang kasiyahan na di kailangang ibigay ng tao na mismong sinaktan sya. Inangkin nya ang kasiyahan at pag-ibig na ipinagdamot sa kanya. Naging masaya siya. Naging maayos na sya.


ANG LUMAKAD PAPALAYO (NA NGAYON GUSTONG LUMAKAD PABALIK):
Mahal pa kita. Sana tayo na lang ulit. Nagsisisi akong iniwan kita. Nagsisisi akong binitawan ko yung taong walang ginawa kundi mahalin at intindihin ako. Nagkamali ako nung sinabi kong kung tayo, tayo talaga kasi gusto kong ipilit na maging tayo. Tayo na lang ulit. Nasiyahan akong mapaligiran ng mga tao, ng mga bagong tao, na kinalimutan ko na yung totoong magpapasaya sa akin - ikaw. Ang laki kong tanga nung binitawan kita, nung hinayaan kita, nung sinaktan kita. Ang laking pagkakamali at sobrang nagsisisi ako. Ang hirap makitang okay ka na ng walang ako, na masaya ka na kahit hindi sa akin, na di na ako yung dating laging iniisip mo, na di na ako yung mismong kasama mo ngayon. Ang hirap pala ng wala ka. Ikaw yung kasama kong nagsimula pero ang tanga ko lang na hinayaan kitang mawala. Hirap na hirap na akong wala ka, na kahit anong isip ko sayo, di kita makakausap, na di kita maaabot katulad ng dati. Mahal na mahal pa rin kita. Sana tayo na lang ulit, kung pwede lang, tayo na lang ulit.


ANG GUSTONG MAGMAKAAWA (PERO NATUTONG LUMAKAD PALAYO):
Wala na akong oras para sa lokohan. Paulit ulit. Ilang beses kong pinili kang mahalin, pero ako ba, kailan mo pinili? Mahal mo ako ngayon? Kung kailan hindi ko na hinihingi, kung kailan masaya na ako kahit wala ka, kung kailan maayos na ako, hahatakin mo na naman ako para paniwalaan ang pag-ibig mong nakakalito? Mahal mo lang ako ngayon kasi alam mong wala na ako, kasi alam mong tuluyan na akong nawawala sayo. Mahal mo lang ako ngayon kasi alam mong masaya na ako kahit wala ka, kasi alam mong buo yung araw ko kahit hindi ka parte nun. Mahal mo lang ako ngayon, kaso di na yang pag-ibig mo yung eksaktong gusto ko. Gusto ko ng pag-ibig na di nawawala, di lumalayo at hindi yung pag-ibig na bumabalik.


PS. I'm so happy for you, DN. I love you!!!! Para sa pag-ibig na di kailangang hingin!

Tuesday, March 14, 2017

Ang Walang Mali Sa Pag-ibig


Pinalaya mo siya kahit hindi niya hiningi.
Ibinigay mo ang katotohanan sa kanya.
Ipinaramdam mo ang mga bagay na kailangan niyang harapin.
Napagod kang ilaban siya.

Pinalaya mo siya kasi yun ang sa tingin mong tama.
Ibinigay mo ang katotohanan sa kanya kasi alam mong karapatdapat niyang malaman ang totoo.
Ipinaramdam mo ang mga dapat niyang harapin dahil gusto mong maging matapang siya.
Napagod ka lang na ilaban siya dahil siya mismo di niya kayang ilaban yung sarili niya.

Walang mali sa pag-ibig mo.
Walang mali na minahal mo siya.
Walang mali na napagod ka lang.
Walang mali, maniwala ka sa akin, walang mali sa pag-ibig mo.

Di mo siya niloko. 
Wala kang naging iba.
Ibinigay mo ang katotohanan sa kanya dahil ganun mo siya nirerespeto.
Kinausap mo siya maigi para maintindihan niya kung paano magtatapos yung relasyon niyo pero alam ko sa panahon na yun, maging hanggang ngayon, di nagtatapos ang pag-ibig na meron ka para sa kanya. Ginusto mo lang piliin ang mga bagay na sa tingin mo ay tama. 

Para sa akin, ang tapang mo. Ang tapang ng pag-ibig na meron ka para sa kanya. Yung pag-ibig na kaya mo siyang palayain kasi sa tingin mo ikaw mismo di nakakatulong sa kanya para mas mapaunlad siya. Yung klase ng pag-ibig na nilaban mo ng matagal pero alam mong kailangan mong bitawan, kahit ayaw ng puso mo, kasi di mo na siya nakikitang nilalaban ang sarili niya. Yung pag-ibig na pinalaya mo pero di nagtapos. Yung pag-ibig na nawala lang yung "kayo" pero sa puso mo nananatili.

Paano mo siya napalaya kahit mahal na mahal mo siya?
Kasi mahal na mahal mo siya.

PS. Sabi sayo si RR na ang sagot. Chaaaar! Pero tandaan mo, may pag-ibig na nararapat para sayo, yung pag-ibig na pinaghahandaan ang kinabukasan, NAA. Andito kami para sayo. <3 Labyu, senior N.

Tuesday, February 14, 2017

Ang Para Sa Taong Mananatili

Wuhoooo!!!!!!!

Mahal ko,

Malalaman kong eksakto na ikaw ang mahal ko, at ako ang mahal mo sa tamang panahon natin, sa panahong ibibigay sa atin ng Diyos. Matatamo ko na ikaw na ang pag-ibig na di lang sa sandaling panahon, kundi ang pag-ibig na pang habam-buhay, Mahal ko.

Susubukan kong ipabatid ang puso ko kalakip ng bawat salitang pinaparating ko. Pwedeng di pa kita kilala o baka nakilala na kita o baka kakakilala pa lang natin, wala akong ideya sa ngayon, ang alam ko lang yung pag-ibig mo yung pag-ibig na matagal ko nang ipinagdarasal, na ikaw yung pinagdarasal ko.

Umibig na ako, di lang isang beses, kundi paulit ulit. Nasaktan na din ako ng paulit ulit. Kaya naman, baka may parte sa akin na magiging takot magmahal muli. Baka darating ako sa punto na mahihirapang magtiwalang muli. Baka susubukan kong lumayo bago pa man magsimula ang bagay-bagay. Baka poprotektahan ko ang puso ko hangga't maaari pero alam ko, Mahal ko, na kapag ikaw na, mawawala 'tong takot ko, magiging buo ang tiwala ko at di ako lalayo mula sa pag-ibig na inaalay mo sa akin kasi alam kong poprotektahan mo ang puso ko.

Di ko sigurado kung gusto ko nang malaman kung sino ka, pero ang alam ko na sa puntong malalaman natin na "tayo" ang para sa isa't isa, pareho tayong handa, pareho tayong buo, wala tayong masasaktang ibang tao, magiging totoo tayong magsisimula at sa bawat pagkakataong madali alam natin na totoo ang pag-ibig natin sa isa't isa, mas lalo na sa mga panahong magiging mahirap. Mahal ko, sa bawat oras na iniisip ko ang mga klase ng pag-ibig na naramdaman ko sa kada relasyong pinasukan ko, kung yung mga pag-ibig nila pinuno na ako, paano pa ang pag-ibig mo? Kung sa kanila, napasaya na ako, paano pa sa iyo? Kung nakuntento na ako noon, gaano mo pa ako kukuntetuhin kung ikaw pa lang sobra na sa sapat? Kinikilig akong isipin ka. Kinikilig akong isipin ang tayo. Di ko sigurado kung magkakatagpo tayo (o nagkatagpo na tayo), pero sana okay ka lang. Sana masaya ka katulad ko. Sana inaabot mo ang mga pangarap mo, katulad ko. Sana di ko man makita yung ngiti mo sa ngayon, sana nakangiti ka pa rin. Sana inaalagaan mo ang sarili mo kasi wala pa ako dyan para alagaan ka.

Kung di man kita makilala, sana makatagpo ka ng pag-ibig na totoo, na di ka lolokohin, na di lang mabait sa harap, na di ka sasaktan, na ibibigay sayo ang respeto na nararapat, na malaya at may tiwala. Sana magiging okay ka kahit wala ako, kahit di tayo magkakatagpo.

Kung magkakilala tayo (o nagkakilala na tayo), aantayin kita sa parehong paraan ng pag-aantay mo sa akin. Mamahalin kita ng pag-ibig na katulad ng sa pamilya ko. Aalagaan kita. Hinding hindi kita lolokohin. Rerespetuhin kita. Di kita hahayaang mag-isa, lagi akong nasa tabi mo. Mananatili ako sa lahat ng pagkakataon. Kung magtatampo ako o magagalit, susubukan kitang unahin, lagi, araw-araw. Yayakapin kita ng mahigpit na parang lagi akong nasasabik sa iyo. Hahalikan kita at mararamdaman mong totoo ako sayo, na ikaw lang, wala kang makakahating iba pa. Lagi kitang titignan kung paano ang bawat reaksyon mo sa bawat pagkakataon. Susulitin ko ang bawat segundo na makakasama ka.  Di man sayo nagsimula ang kwento ng pag-ibig ko, ikaw na ang magiging huli dahil alam ko yung pagmamahalan natin yung habam-buhay na mananatili. Sa araw na magsisimula tayo, hanggang sa matapos ang buhay ko, ikaw ang laging laman ng puso at isip ko.

Nagmahal man ako ng iba, yumakap at humagkan ng iba, pangako, may pag-ibig akong sayo ko lang ibibigay, Mahal ko.

Kat.





*****      *****     *****      *****     *****      *****     *****      *****     
Naglettering ako sa folder at gumawa ako ng love letter. Wala akong iniisip (naisip) na tao habang ginagawa ko 'to. Yun tipong masarap lang isipin kapag darating na yung taong yun, kung sino man sya. Kung nakilala ko na sya o hindi, basta sa tamang oras ng Diyos, malamang magtutugma ang lahat para sa atin. 

Gusto ko lang talagang gawin 'to at ibibigay ko lang 'to para sa pag-ibig na darating at di lilisan, di bibitaw, di mawawala, di nakakapagduda, totoo at walang kahati. Sa darating na panahon, sa panahong nilaan sa atin ng Diyos, meron din yan. Kung sa mga nakaraan ko, para akong nasa langit, paano pa kung ikaw na? *sya na* :) Sarap isipin! Sa taong pang-habam-buhay, nakakaexcite!

Happy Valentine's Day, everyone!





Thursday, February 2, 2017

Ang Lagi Kong Maaalala



Mon, kahit na babad ka sa phone mo lagi, you have always made time to talk to me kahit puro kalokohan lang naman sinasabi mo. You have been so sweet and so masiba at the same time. Kahit na gutom na gutom ka na, sisiguraduhin mong may matitirang makakain yung iba, tapos kakain ka na lang ulit kapag nakakain na ang iba (HAHA!) May dala kang ibang kasiyahan para sa ibang tao, ipagpatuloy mo yun pero yung sleeves ng inner shirt mo, paikliin mo na, please (HAHA)

Izzu, yung halos di ka makausap ng matino talaga kasi puro ka kalokohan (Hahaha!) pero yung puso mo para sa Surgery sobrang umaapaw sayo. Lagi kang nagtuturo tungkol sutures at wala kang sawa ulit ulitin yun sa mga tao. Sayo ko nakita na kung gusto mong magtagumpay sa Medisina, you have to work hard for it, you have to study and give it your best shot. You can inspire people to know when to work hard and to still have time for other things. 

Nancy, the chief nurse, "N mode", sa masarap na yema cake na pinatikim mo sa amin, sa pagsasabi mo ng "cute" nung nalaman mo ang aking preference (Charrr!) Salamat sa pagiging payat kaya kasya talaga tayong tatlo nila Steph sa foam. I'll always remember that time na uneasy ka kasi may di okay sayo pero you still managed to be happy and smile. You have always given everyone the chance to explain themselves, pero katulad ng sinabi ko sayo nun, you just have to be yourself and let them judge you kasi yung mga taong totoo sayo, magiging totoo din kahit sa likod mo. 

Sugar, "F, kain tayo", "F, samahan mo ako sa ganito, sa ganyan", "Uwi na tayo, bilis" at sa madami pang moments na lagi mo akong sinasama pero never mo akong inaya sa pagbobox mo. HAHAHA! Namimiss at mas mamimiss ko pa ang mga pag-aaya mo sa akin lagi. Iba ka magsalita pero ibang iba ka din mag-explain lalo sa mga pasyente. Nakita ko kung gaano ka-importante sayo na yung mga pasyente mo maiintindihan yung mga dapat gawin at nangyayari kasi kakausapin mo sila maigi. Antukin ka ng sobra pero may nangyari nung isang duty na nung isang kalabit ko lang sayo, kahit antok na antok ka, tumayo ka agad para masigurado na mamomonits yung pasyente ng tama.

Sam, salamat sa lahat ng kwentuhan, sa pagtitiwala sa akin sa lahat ng bagay (Alam mo na yun) at sa pagsama sa akin nung JiOD ako kahit di ako nagpapasama. Sa pagsisigurado na may kasama yung kahit na sinong tao, na may kasama ako nun, o may kasama si Yip kumain at kung sino man. Hindi mo hahayaan yung kahit na sino na mag-isa.

Steph, my dearest Estepanya, dibs mo na bridal shower ko, itaga mo na yan. Pero salamat sa walang sawang pag-aayos at pagsisigurado na makakakain ang grupo, sa kwentuhan ng pagiging masokista mo at sa pagtanggap sa akin ng buo, at kahit nalaman mo yun, sobrang sweet ka pa din sa akin lagi. Di ko makakalimutan yung di pa naman talaga tayo nag-uusap masyado pero akala mo malungkot ako, kaya pagbalik mo binigyan mo ako ng donut na nakasulat "Smile" Huhuhuhu! Sweetiepie!! Hindi ka madamot. Lagi mong iniisip na lahat dapat makakatikim nung meron ka, na sa grocery list mo, kasama din ang ibang tao na bibigyan mo. You have always a spare for everyone. Lagi mong binibigyan ang ibang tao ng lugar sa buhay mo. Sa kada oras na maiisip kong magiging selfish na ako, ikaw maiisip ko kasi sa sobrang masokista ka, kahit maubusan ka na, wag lang ang iba. 

Ariel, sabi ko nga sayo, sobrang salamat! Di ko alam madalas gagawin nung umpisa. Kailangan talaga iniisa isa sakin lahat bago ko magets pero isang "Ariel, pwede mo akong turuan?" ko sayo, di ka magdadalawang isip ibaba yung ginagawa mo para lang matulungan ako at masigurado na magegets ko yung tinuturo mo. Sobrang nagpapasalamat ako sayo kasi di ako nagmukhang tanga sa duties dahil tinuruan mo ako maigi. Dahil kahit habang tinuturan mo ako, dumadaldal ako sa iba, kapag tumahimik ako, itutuloy mo yung pagtuturo. You always have time to teach other people the right way to do things, kaya sobrang ipagpatuloy mo yun.

Yip, yung akala ko talaga nung una slacker ka kasi yun din pinaparating mo sa mga salita mo pero masipag ka, alam mo yung mga responsibilidad mo. May mga punto na para kang bata (HAHAHA! Alam mo na yun) pero you have always made sure everyone sa grupo natin makakapahinga. Salamat sa masarap na Tikoy at sa amazing drum rolls na nagbigay buhay sa Surgery inside (HAHA!)

Hanna, salamat sa pagturo sa akin lalo sa paperworks para tama yung gagawin ko, sa laging pagsagot sa madami kong tanong kapag di ko alam ang gagawin ko. Sobrang humble mo,  kahit na sa kada tanong halos may isasagot ka kasi feeling ko alam mo yung mga sagot talaga sa tanong. You have always made sure that the nook is clean para magandang magduty. Ready kang saluhin yung mga gawain ng iba lalo kapag feeling mo toxic na sila. 


Masaya yung simula dahil kayo yung nakasama ko na seniors.
Lagi ko kayong maaalala (kapag antok na ako at napapagod lang siguro ako. Haha!) pero mas maaalala ko yung foam sa Surgery nook (Hahaha! Namimiss ko na matuloooog dun agad)

Labyu, seniors.
SALAMAT.


Thursday, January 19, 2017

Ang Isang Naging Totoo


Di na yata ako marunong magsulat. Di na yata matagpuan ang mga salitang katulad dati ay sumusubok tumapat sa bawat nararamdaman ko. Di na yata makakayanang pantayan ng mga ideya ko sa kung ano mang gusto kong ekskatong iparating. Di na yata ganyan, ganito, pero susubukan ko.

Bukod sa Diyos, pamilya ko at konting totoong kaibigan, isa ka sa naging totoo. Hindi tayo perpekto, pero kahit sa away, kahit pa yata sumabog tayo pareho sa isa't isa, matapos ang ilang sandaling oras, babalik tayo sa katotohanang importante ka at importante ako. Na sa kada araw, sisiguraduhin mong may alam ako, sisiguraduhin mong kakayanin ko, at kung hindi, sisiguraduhin mong alam ko na nandyan ka, na di ako nag-iisa. Na sa kada pagkakataon, di mo ako hahayaang sumabay sa paglipas ng araw, na hindi mo ako hahayaang lipasan ng pagkakataon sa kada araw. Na sa kada problemang ipaparamdam sa akin ng buhay, kahit anong oras, kahit madaling araw, lalo sa oras na akala ko baka di ka makikinig, andun ka, andun ka pa din, andun ka lagi, at hindi ako hinahayaan. Na sa nakakalitong mundo, sinusubukan mong palinawin sa akin ang bagay-bagay. Na sa kada bibitawan ko, susubukan mong ikaw ang kumapit para sa akin, lalo para sa pangarap ko (Alam mo kung gaano ako nahirapan. Huhuhu) Na sa lahat ng 'to, isa ka sa totoo, laging totoo, malinaw, at di ako iniwan.

Salamat. <3



PS. Huhuhu! Thank you for always making sure I am okay, for always being with me, sa lahat nang paghatid mo sa akin sa bahay para di mahirapan nanay ko, sa lahat ng oras na ibibigay mo para sa akin, sa pagiging totoo lalo sa oras na ako mismo malilito sa emotions ko. Thank you for always listening lalo sa rants ko, at mas lalo sa paglilinaw sakin ng mga bagay. Higit pa sa lahat, thank you for loving me unconditionally, for not questioning me, and for whatever I'm going through, you always end it up with "Masaya na akong malaman na magiging okay ka" Huhuhu! I love you. :-*