Saturday, November 26, 2011

Ang Kaligtasan Mo


Wag kang papasok sa gate ng buhay ko. Wala namang nakakaengganyo talaga sa loob. Mahilig akong magkwento. Mas mahilig akong magreact. Madalas akong tumawa. Mas madalas akong nababaliw. Wala naman talaga kasing espesyal dito kaya unahin mo ang sarili mo. Unahin mo ang kaligtasan mo. Wag kang tutulad sa ibang umasa sa akin. Wag kang tutulad sa iba na pinilit pumasok kaya ilang taon na ang lumipas, nasayang lang sa akin. Hinding hindi ako nagpapaasa. Mas lalong hindi ako nagpapa-antay. Hindi ko din alam anong nakita nila para mag-antay ng ganun sa akin. Apat na taon sa kanya? Tatlong taon sa isa? Limang taon sa isa pa? Hindi ako karapat dapat.

Please lang, lumayo ka na. Please lang, wag kang tutulad sa kanila. Please lang, wag mo akong hahabulin. Gusto kong hinahabol, pero madalas di na ako natututong lumingon. Baka di kita kayang tignan katulad ng pagtingin mo sa akin. Sige na, unahin mo ang kaligtasan mo hanggang di ka pa naiipit sa gate ko. Sige na, lumayo ka na hanggang hindi ka pa natututong magsayang ng taon para sa akin. Sige na, bumuo ka na ng buhay na walang ako. Please lang.

Friday, November 25, 2011

Ang Hinahabol Na Byahe


Byahero ako. Masaya akong bumabyaheng solo. Mas masaya ako 'pag bumyahe ako kasama ang pamilya at ang tropa. Buong buo na ako, sobra-sobra pa 'pag sila ang nakasakay sa byahe ko. Syempre, di maiiwasang may sumabit sa bawat byahe ko, pero masaya akong natuto silang sumabit, bonus na yun para sa akin.

Ako ang byaherong hindi marunong huminto. Hindi ako kailanman naghabol ng pasahero. Wala akong planong ihinto ang byahe ko sa para kahit kaninong estranghero. Masaya akong natuto kang sumabit sa byahe ko, umiyak ako sa tuwing bibitaw kayo pero swak pa din ang buhay ko kahit wala ka na.

Pero sa byahe ko, ang pinakanatutuwa ako, yung mga taong tumalon na para bumitaw, tapos matututo lang humabol sa byahe ng buhay ko. Yung katulad mo na pinalaya ako pero siguro may hindi ka makita sa byaheng tinahak mo kaya ka natutong bumalik. Di naman ako madamot, nagpapasakay ako ulit, parte ka naman ng buhay ko.

Nagpapasakay ako ulit, pero yung mga taong hindi ako tinatago. Ayoko ng humahabol na tinatago ako. Sa laki ko, hindi mo ako pwedeng itago kaya wala kang lugar sa byahe ko. Wag mo na lang akong hahabulin ulit kung di mo kakayaning isigaw sa iba na bumabalik ka.

Oo, trip ko 'to. Ako ang bumabyahe pero ang patakaran ko, ako ang hahabulin. Hindi ako ang hahabol. Wala akong hahabulin. Mabagal naman akong tumakbo, para lang akong naglalakad. Matira ang matibay. Nagpapahabol ang byahe ko, tignan natin kung sinong hahabol. Tignan natin kung 'pag bumalik ka, pati feelings babalik. Pero sa paghabol mo, umpisa pa lang, sasabihin kong wag kang aasa sa akin.

Thursday, November 24, 2011

Ang Pagbubura

Bitawan mo na yan. Kahit anong gawin mo, hindi mo mabubura yung naging parte ng buhay mo. Hindi ko din kasalanan na ginawa mo akong parte ng buhay mo. Kasi hindi ko naman pinilit yan, pinili mo yan.

Masaya nga akong malayo. Masaya akong malaya. Masaya ako kahit wala ka. Ayoko ng gulo, alam mo yan. Hindi nga ako marunong maghabol, kaya nga hindi kita hinabol. Kahit kailan, wala pa akong hinabol.

Umayos na. Hayaan mo na lang na may bakas yung nakaraan. Hindi naman natin kailangang palawigin pa. Hayaan mo na, ang bakas ay bakas. Bukas magkakaron na naman ng ibang bakas.



PAALALA: Hindi ako naghabol. Hindi ako naghahabol. Hindi ako kahit kailanman maghahabol.
Sadyang ang nakaraan madalas madamot, gustong makuha pati ang kasalukuyan.

Ang Maling Hardinero

Pinilit kong maging pinakamagandang bulaklak para sayo, para sa atin. Akala ko nga tutulungan mo akong mas bumusilak pa. Akala ko ikaw yung magiging hardinero ko sa nalalabing mga taon natin.

Mali ka siguro ng hardin na binisita. Maling hardin ang napuntahan mo. Ito kasi yung hardin ko. Ito yung mundo ko na hindi ko binubuksan sa lahat ng tao. Akala ko ikaw na yung hardinerong tama. Natuto kang bitawan ang mga gamit natin, naiwan akong tuyot. Sa unang beses, hindi ako yung umayaw sa dilig ng pag-ibig. Sa unang beses, hindi ako yung lumayo sa taklob ng anino mo. Dumating ka, iniwan mo naman ako agad. Tatlong araw lang, tinuyot mo ang hardin na pinipilit kong buohin.

Alam kong babalik ka. Ngumiti ka at bumalik. Nakita mo ako at sinipat. Oo, tuyot ako, pero di na bukas ang hardin ko. Oo, tuyot ako pero di na ang pag-ibig mo ang kailangan ko. Baka kasi di ako ang maling hardin, malamang maling hardinero lang ang pinatuloy ko.

Wednesday, November 23, 2011

Ang Expired

Lahat naman tayo may expiration date. Sabi nga nila unaunahan lang yan. Nagkataon lang na sa ilang bilyong tao, inunahan mo ako. Inunahan mo kami.

Oo, dumating na ang expiration date mo. Oo, wala na ka na dito. Oo, hindi na muling masusulyapan ang mga tattoo mo. At lalong oo, nasa lugar ka na kung saan mas sasaya ka.

Kahit dumating na ang expiration date mo, yung isang alaala mo sa akin, hindi kailanman hahanap ng expiration. Hindi ko kailanman makakalimutan na sinamahan mo siya nung January 13, 2007. Hindi ko kailanman makakalimutan yung salitang "***e, kausapin mo naman si **e***" na nagsimula ng lahat. Hindi ko gustong kalimutan ka.


**Rest in peace, Sai. Salamat sa hapon na yun!

Monday, November 21, 2011

Ang Anghel Sa Lupa

Minsan lang ako makakilala ng anghel sa lupa. Ikinagagalak kong makita ka. Tila ba kay payapa ng ngiti mo kahit pasan mo na ang karamdamang pwedeng magbalik sayo sa itaas. Tila ba tinutunaw mo ako sa titig mong hindi ko alam kung tama bang ako'y iyong titigan ng ganun. Tila ba pinapakita mo sa akin ang piraso ng langit sa lupa.

Ang puso ko'y iyong nahawakan. konting panahon, ako'y iyong pinahanga. Anghel sa lupa, para sayo ang dugong aking inialay. Anghel sa lupa, nararapat na ika'y manatili pa at hayaang ibang tao naman ang dumanas ng kasiyahang iyong idinulot.


**Para sa pasyenteng naging malapit sa puso ko, Lola Felisa Anguilan. Di ko talaga alam kung bakit naiiyak ako 'pag naaalala ko yung oras na nakasama kita. Sana sa kakaunting dugo, natulungan kitang tumagal pa kahit kaunting saglit pa. Salamat Lola! Salamat sa piraso ng langit.

Ang Drama Sa Library


August 4, 2011

Ang sakit pala. Akala ko 'pag nalaman kong mahal niya ako, masaya ako. Maling akala. 'Bat yung puso ko, masasaktan? 'Bat umiiyak ako? Masakit pala 'pag hanggang huli, pinusta mo na lahat, hindi ka niya kayang piliin. Na hanggang huli, sabihin man niyang mahal ka niya, nasan siya?

:( Sana di niya na lang sinabing mahal niya ako, kasi di ko din naman nararamdaman


Isinulat ko 'to sa library noon. Ang naaalala ko, nakakabingi ang katahimikan ng library na sumasabay naman sa ingay ng puso ko. Yung isang pangalan yung gustong isigaw ng puso mo pero wala kang pwedeng gawin kung hindi manahimik at umiyak na lang.

Hindi ko man maalala ang eksaktong pakiramdam, alam ko lang masakit. Hindi ko din gustong isipin yung mga bagay na malungkot, ang tinatago ko na lang yung isang linggong masaya akong nandyan ka. Hindi ko din alam ang bawat detalye, ang alam ko lang naaalala pa din kita.

Ang Pagsisisig

Nasa huli ang pagsisisi pero wala sa akin ang salitang yun. Lalo na sa larangan ng pag-ibig. Hindi dahil hindi ako marunong magkamali. Siguro tumatak lang sa akin na bago ako magkamali, may punto sa akin na ikinasaya ko ang pagkakamaling iyon.

Parang 'pag kumain ako ng sisig, di ko naman iisipin kung mahihighblood ako. Ang importante, nalasap ko siya hanggang sa handa na akong harapin kung ano mang mangyari. Kung mahighblood ako, mangyayari yun na naging masaya ako. Kung magmahal ako, ang mahalaga, kada segundo maging masaya kami. Kung ano man ang mangyari, mas importanteng ang panghahawakan ko, yung masasayang alaala sabay ng pagkain ko ng Sisig ng hindi nagsisisi.

Ang Labandera

Higit dalawampung taon na akong naglalaba sa mundo. Sumasabay sa mga pagusbong ng bula. Kada kusot, susubukang alisin ang lungkot. Kada banlaw, nananatili na lamang ang mga masasayang alaala.

Oo, labandera ako pero kahit kailan wag mong ipilit na kalimutan ko ang pride ko. Yun na nga lang ang meron ako, hahayaan ko pa bang maglahong parang bula?

Bawal lunukin ang pride, bubula.

Thursday, November 17, 2011

Tongue In A Lung: Ang Relasyong Di Gumana At Ako

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *


Simple lang ako. Mataba ako at hindi ako nahihiya dun. Para akong tambay sa kanto kung magsalita. Sinusubukan kong pantayan ng mga salita lahat ng nararamdaman ko. Kaya kong dumaldal ng limang oras na ako lang ang magkekwento. Mahilig ako sa isaw, balot at mga pagkaing kalye. Gusto kong napapansin ng mga tao pero hindi ako nagpapapansin. Baka kapansin pansin lang ako. Gumagawa ako ng mga bagay na gusto ko at hindi ng mga bagay na gusto lang ng ibang taong gawin ko. Marunong akong magpahalaga ng tao higit pa sa nakikita ng iba. Mahilig ako sa halik at yakap pero mas mahilig akong maglambing sa mga taong mahalaga sa akin. Maarte ako sa pag-ibig. Ayokong iniigib yun sa kung kaninong tao dahil punong puno na ako ng pagmamahal at lambing galing sa Diyos, pamilya at mga kaibigan ko. Totoo lang, para kong jowa lahat ng mga malalapit sa akin.

Hindi lang ako basta-bastang na-iinlove. Pag sinabi kong mahal ko ang isang tao, siguradong matagal yun. Gusto ko kasi ng mga relasyong nagtatagal. Ayoko sa mga taong nagsasabi sa akin na mahal nila ako habang may iba sila. Hindi naman kasi ako hot katulad ni Anne Curtis para maging other woman pero marami na silang sumubok na gawin akong kabit, mas gusto ko lang ang pride ko. Mas lalong gusto ko ng taong ako yung pipiliin gaano man katagal, wala man kaming kasiguraduhan. Yung taong mahal ako at ako lang kahit may eeksenang iba.



BAKIT HINDI NAGWORK ANG RELATIONSHIPS KO?

Kasi kahit ganito ako kabalasubas, sa tingin nila pangarap ako. Parang perpekto na hindi natitibag. Iniisip nilang wala akong insecurity. Masyadong matibay na kailanman kaya yung sarili. Yung laging masaya kaya akala nila hindi kailanman nagiging malungkot. Akala kasi nila ako yung taong kailanman hindi luluhod para umiyak, yung taong tama ang lahat na kaya pag nakita nila yung mali sa akin, wala na. Dun na natatapos.

Hindi ako yung taong lagi kong naririnig na sinasabi ng iba na langit. Gusto ko lang sabihin na kaya siguro hindi tayo naging swak kasi may mga bagay na kathang isip niyo lamang. Walang perpekto. Mas lalong walang perpektong ako. Masaya ako sa kung ano ako, mas naging masaya ako na nakasama ko kayo. Pero mas sasaya pa ako pag nakilala ko na yung taong magiging iba yung tingin sa akin. Yung taong di ko kailanman kailangang makihati. Yung kahit may iba, hindi ko kailanman kailangang makipagpaligsahan para makuha siya kasi ako lang pinipili niya. Yung taong tanggap yung langit at impyerno ko. Yun ang taong gusto ko habangbuhay, kasama na ang langit ang impyerno niyang kukumpleto sa purgatoryo ko.

Ang Keso

Keso ka at ako ang Spaghetti. Masarap naman na mabuhay na ganito ako. Pwede ako kahit walang kesong katulad mo. Swak na swak na ako sa sarili ko lang. Masaya ako, higit pa sa kuntento. Pero nandyan ka, nandyan ka lagi. Simula ng natikman mo yung buhay kasama ako, hindi ka na kailanman natutong lumayo. Kahit na kinudkod ka na at lahat, nasaktan na kita ng paulit ulit, hindi ka pa rin bumibitaw sa pag-asang hindi ko kailanman ibinigay sayo.

Tatlong matagal na taon na, andyan ka pa din. Nakatikim ka na ng buhay kasama ang ibang pasta pero bumabalik ka pa din. Masyado kang matibay. Gusto ko lang malaman mo na masaya akong nandyan ka, kaso, keso, hindi ko kailanman kayang ibigay ang pag-ibig na lagi mong hinahain sa akin. Alam kong hindi ka humihingi ng kapalit pero alam kong patuloy ka pa ring umaasa sa pag-asang malabo. Alam kong tuloy-tuloy kang umaasa sa hindi ko pagpapaasa sayo.

Huwag mo ng sayangin ang mga susunod na taon. Huwag mo na akong hahabulin, kahit di ako marunong tumakbo, kailanman, hindi ko kayang turuan yung puso ko. Swak na para sa aking kaibigan kita, hindi kailanman ka-ibigan.

Wednesday, November 16, 2011

Ang Paglalaro

Iligpit mo naman ako. Basta-basta mo na lang akong iniwan. Lumingon ka nga, tinanong mo lang ako kung may tyansa ka pa sa akin. Malamang hindi ako makakasagot. Tumuloy ka sa paglakad, tapos sinara mo na ang pinto.

Ang totoo lang, gusto kong sabihin na ayoko na ng laro. Ayoko na lang kasi na andyan ka nga, pero maglalaro lang tayo. Alam ko dumating ako sa buhay mo bilang laruan, yun din ang kasunduan, pero hindi din pala masayang makipaglaro. Mas lalong hindi masaya 'pag gusto ka ng seryosohin ng puso ko pero binitawan mo lang ako. Nakalimot ako sa usapan, laro nga pala. Pero nakalimot ka din sa usapan, sabi mo hanggang December pa tayo.

Ang hirap makipaglaro. Akala ko masayang hindi ipusta ang puso, yun pala, mas mahirap na walang pinupusta. Next time, pag makakasalubong kita, sana seryoso na yung puso ko. Sana hindi sayo pero sa taong seseryoso din sa akin kahit maglalaro lang dapat kami.

Tuesday, November 15, 2011

Ang Kalayaan

Nakipagkarera ako sayo, sa inyo. Pero sa unang beses sa dami ng karera ko, hindi ko ginustong tapakan ang break agad. Sa unang beses, gusto ko lang ituloy ang karera. Sa unang beses, hindi ko ginustong ibahin ang ruta ng byahe ko papalayo sayo. Gusto kong ituloy ang laro kahit na hindi ko talaga sigurado kung anong pinupusta natin sa karerang 'to. Ang alam ko lang, ayokong tapakan ang break at magkaroon ka ng tyansa na bumaba sa kotse ng buhay ko.

Nagulat akong nakarating na ako sa Kalayaan. Nilingon kita, nawala ka na. Natapos ang karera. Natapos na din ang laro. Dadaan ako sa Kalayaan na malaya. Pero bakit kahit laro yun, hindi din naman pala masayang lumaya sayo? Kaso pumili ka. Pumili kang ihinto ang karera. Ito na nga yun, akong malaya na nasa Kalayaan.


11

Wednesday, November 9, 2011

Ang EDSA

Madalas ko 'tong binabaybay. Ito yung daan ng buhay pag-ibig ko. Madami din ang bumabaybay. Madaming dumaan, madaming umalis, madaming pumanaw. May mga natira, may mga pumiling manatili sa sidewalk ng daan ko, sila yung importante.

Hindi nagkaron ng tamang panahon noon. Hindi din dumating ang malinaw na pagkakataon. Hindi tumaon ang tamang tao. Patuloy akong maglalakbay hanggang marating ang EDSA. Kung sa dati kong daan walang tamang panahon, edi sa susunod magkakaron na ako ng tamang panahon. Kung hindi dumating ang malinaw na pagkakataon, edi sa paglalakad ko makakamit ko din ang malinaw na pagkakataon. At kung naging masaya ako kahit di tumaon ang tamang tao, edi sa susunod mas magiging masaya ako sa pagtaon ng tamang tao.

Nilipasan ako ng panahon sa Cubao, edi sa EDSA hindi na muling mauulit yun. Edi sa EDSA, magbubukas lahat ng tyansa para sa akin. Malapit na ako sa EDSA, edi sa dadating na araw may sasama na muli sa aking paglakad.

Tuesday, November 8, 2011

Ang Planong Pagtakas



Ilang beses ko ng tinangkang makatakas sa larangan ng pag-ibig. Ilang taon kong plinano kung sa papaanong paraan ako makakalayo sa pagkahulog. Ayokong mahulog kasi ayokong masaktan. Ilang plano na ang pumalpak. Ilang pagkakataon na sadyang nahuhulog ako sa bawat yapak ko papalayo sa pag-ibig. Ilang tao na rin ang plinano kong layuan. Nakalayo ako. Pero hindi kailanman sa pag-ibig. Nakalaya ako sa kanya, pero hindi kailanman nakalaya ang puso ko sa pag-ibig.

Ito na. Tamang panahon. Tamang pagkakataon. Wala ng plano. Hindi na ako magpaplanong lumayo sa larangan ng pag-ibig. Hindi mo ako kailangang habulin. Wala nang habulan. Wag kang mag-alala, handa na akong hindi magplano basta wag mong papalayain ang puso ko. Basta walang lokohan. Pangakong itatapon ko ang mga plano ko.

Sunday, November 6, 2011

Ang Sobre


Sobra-sobra ang nararamdaman ko para pagkasyahin dito sa sobreng 'to. Sobra-sobra ang mga tiniis kong hindi ipahayag dahil alam kong hindi pwede. Sobra-sobra ang mga pinilit kong itago para respetuhin kayo. Sobra-sobra pero ni hindi ko kailanman blinocked yung karapatan mong sumilip sa buhay ko.

Alam mong matagal na panahon na. Alam mo din sa sarili mo na ako mismo ang lumayo dahil nirerespeto ko kayo. Mas lalong alam mo sa sarili mo na halos wala kang narinig sa akin kahit nung mga oras na yun gusto ko lang sumigaw na mahal kita. Na kahit hindi ako yung pinili mo, lecheng mahal pa din kita. Nanghimasok ka ulit sa buhay ko, hinayaan kita.

Ngayon? ikaw pa talaga yung may lakas ng loob na mag-block sa akin sa facebook? Face it. You're part my life's book. Subukan mong lumayo, pagkatapos ng mahahabang panahon, hindi man ngayon, ikaw din naman ang babalik. Babalik ka hindi para balikan ang nangyari sa atin, sasabihin mo lang na gusto mong maayos kung hindi tayo okay.

Alam ko kung bakit lumalayo ang isang tao. Ginawa ko na yan, paulit-ulit. Kapag takot ka, takot kang malaman na kahit anong saya mo, gusto mo lang maging masayang kasama yung taong nilalayuan mo. O sadyang takot ka lang na sa huli ng araw, gusto mong bumalik hindi sa kasama mo, kundi sa taong pinipilit mong layuan.

Bahala ka sa buhay mo.
Ewan ko sayo, Evan.

Ang Math


Hindi ako isang mabisang Mathematician. Pero alam ko na ang isa, pag may isa pang kasama, dalawa lang. Matagal ko nang alam yun pero nagbabago ang pananaw ng isang tao. At sa punto ng buhay ko, handa akong patunayan na ang 1 + 1 ay hindi laging 2. Handa akong gumawa ng teyoryang magpapatunay na pwedeng maging 1 + 1 = 3, o 'pag matinik ka talaga, pwedeng 4 o 5 o 6 o kahit ilan pa.

Isa akong Mathematician na sumunod lang sa mga naunang teyorya. Sumunod ako sa batas ng buhay Math. Pero bata pa ako, kaya kong pang magloko at sumubok ng ibang teyorya. Natakot ako dati. Hindi ko kinaya na ang 1 + 1 = 3. Ngayon? Ibang usapan na.

Maikli ang buhay. Susubukan ko ang isang teyorya na hindi ko masasabing tama, pero hindi mo rin pwedeng sabihing mali. Hayaan mo akong maging mapusok. Hayaan mo akong maging tunay na Mathematician. Hayaan mo ako dahil sa buhay na 'to, matira ang matibay.


Inspired by: Erlinda

Saturday, November 5, 2011

Ang Mga Papel

Lahat tayo'y papel sa buhay ng isang tao. Parang ikaw, hindi mo alam kasi hindi mo pwedeng malamang kayang kaya mong pumapel sa buhay ko. Binibigyan kita ng pahintulot pero hindi ko hinayaang makita mo ang kontrata na halaga mo sa buhay ko. Hindi mo din kasi ako hinayaang ipakita sa iyo ito. Nagpatangay ako sa hangin kasi ayokong magkaron ng papel sa buhay mo. Nagpatangay ako para lumayo sa binibigay mong papel ko sa buhay mo, para makalayo sayo. Malaki ang papel mo sa buhay ko pero hindi ibig sabihin pwede mo akong saktan. Binigyan kita ng pahintulot na pumapel hindi para paiyakin ako, minahal lang talaga kita.

Ngayon, para ka pa ding isang papel, isang kontratang palasak na. Parang cheke na tumalbog na. Kailangan ka nang ikulong sa bangko ng limot. Paunti-unti pero sigurado. Dahan-dahan pero garantisado.

Thursday, November 3, 2011

Ang Puno

Pinatubo ako ng tadhana. Pinaasa ako ng mga tao. Pinaiyak ako ng mga bata. Pinatatag ako ng panahon. Pinatibay ako ng pagkakataon. Pinatayo ako ng pag-asa. Pinatigas ako ng sitwasyon. Pinasaya ako ng mga tao. Pinangiti ako ng mga bata. Ngayon, ito ako. Ako'y puno ng pagmamahal. Puno ako ng kasiyahan. Puno ako ng ngiti. Puno ako ng mga bagay na magaganda't masasaya na walang lugar para sa akin ang maging malungkot. Pinuno ako ng mga tao. Umaapaw pa higit sa kailangan at inasam ko.

Hindi ito ang panahon para sa isang bonus na pag-ibig. Hindi ito ang pagkakataon para manlimos ng pagtingin. Dahil ang mahalaga, puno ako ng bagay na hindi lahat ng tao ay nakakaranas. Puno ako ng bagay na kailanma'y hindi mananakaw ng kahit na sino. Puno ako ng mga bagay na hindi ko hiningi, kusa lamang ibinigay. Puno ako ng solid na pag-ibig, walang katumbas na kasiyahan, matatamis na yakap at halik.


Para sa pinapaniwalaan kong Diyos, sa mapagmahal kong pamilya at mga kaibigan kong walang kasing lambing.

Wednesday, November 2, 2011

Ang Ilaw ng Feelings



Di naman garantiya na magtatagal kayo kapag intense ang feelings mo e. Basta may feelings, i-work out. Kung magkamali, at least nagmahal ka.

Para ka lang ilaw, kahit ilang watts ka pa, hindi naman kasiguraduhan yan na hindi ka mapupundi kahit kailan. Kaya magpailaw ka lang, yun naman talaga ang saysay mo. Parang feelings, dapat mong ibigay sa iba. Wag kang matakot. Maikli lang ang buhay para hindi mo subukan. Hayaan mong mapundi ka, hayaan mong masaktan ka dun mo mas mararamdaman ang saysay ng buhay.

Ang Libingan


Ililibing ko na ang nararamdaman ko para sayo. Isasama ko pati ang kalungkutang dala mo, maging ang kasiyahang naibigay mo. Ililibing ko kasama ang mga luha. Idadamay ko na din lahat ng mga bagay na nakakasakit sa akin. Patay na ang nakaraan. Hindi ko na muling huhukayin pa.

Kinikilig ako sa paglakad ko papalabas ng libingan. Isang bagong buhay na binaon na ang nakaraan. Isang bagong araw na may bagong pag-asa, kasama na ang mga bagong ngiting di na muling mapapawi ng namatay na nakaraan.



Inspired by: Charie