Saturday, December 31, 2011

Ang Paputok Ng Pag-ibig

Hindi ko naman sinasadyang ikaw ang mabili kong paputok. Hindi ko sinadyang ikaw ang mapulot ko. Ang nakakatawa nga sayo, hindi naman kita dinayo sa bilihan ng paputok. Ikaw ang lumapit. Simula pa lang Disyembre, umaaligid ka na. Alam mo na sa inaraw-araw na ginawa ng Diyos, ikaw pa ang unang bumabati para paputukin na kita.

Sinindihan kita. Nakita ko ang lahat. Ang saya natin, ang saya sana natin.

Ang ganda-ganda mo, pero 'pag dumikit ka sa akin, nasasaktan ako. Ang sarap-sarap mong titigan, pero 'pag lumalapit ka na sa akin, nagagalusan pati ang puso ko. Ang kulay-kulay ng bawat oras na nandiyan ka, pero sa parehong oras, pinapadilim mo ang bukas ko. Alam kong may katapusan ang lahat. Ngayong nawala na ang ilaw mo, ngayong mas ginusto mo ng mawala sa buhay ko, paano na naman ako?

Ang mahirap sayo, papasukin mo ang buhay ko ng paulit-ulit, at paulit-ulit mo din akong sinasaktan. Ang mahirap sayo, parang ako pa ang lumalapit pero sa kada araw, alam mong ikaw ang unang nagpaparamdam. Ang mahirap sayo, pinaparamdam mong espesyal ako pero 'pag maiiipit ka na, kayang kaya mo akong iwan na parang walang kwenta. Ang mas mahirap dito, hindi kita tinatanggihan.


You're a big pain in the ass. Kahit bitch ka, swerte mo hindi ako ganun. Respetuhin mo lang ako sa susunod, kasi kung hindi papatulan na kita.

Friday, December 30, 2011

Ang 2011

Nagsimula ang itong Mayo ng taon. Mahilig akong magmura (tang ina lang) kaya naman para mas maging kaayaaya sa pagbabasa, naging Tongue In A Lung. Madalas kong tumbasan lahat ng emosyon ko ng mga salita. Masiyahin akong tao, kaya lahat ng kalungkutan ko, hanggang dito lang. Lahat ng ayokong ipakita, hanggang panulat lang na may mga salitang ako mismo, hindi ko mainitindihan sa papanong paraan ko nailalagay. Lagi nilang sinasabi 'pag nalaman nilang sa akin 'to "Di nga? Di ka naman ganun. Di ka naman nalulungkot." Yun lang. Yun lang ang akala niyo.

Gusto ko lang magpasalamat, na sa isang kalokohang blog, mga malokong panulat, binasa niyo pa din. Gusto kong magpasalamat ng taos puso sa pagtanggap sa kalungkutan, pag-ibig na hindi naganap, sa mga kwentong buhay ko na madalas walang kwenta, sa mga pangarap kong pinipilit kong gapangin para maabot at sa lahat ng mga panulat na tila ba lumabas sa malawak na himpapawid ng emosyon.


2011.
Madaming lakad. Madaming masasayang alaalang nais kong namnamin pa. Madaming malulungkot na memoryang nais ko pa ding paliparin sa himpapawid ngunit nagkakaron sila ng pakpak pabalik sa akong alaala. Nagkaron ng isang batalyon ng bagong kaibigan, mga totoong kaibigan. Madaming nakilala. May mga tumambay, meron ding natutong lumakad papalayo. Nagmahal pero natutong lumayo. Minahal pero natutong maging kaibigan. Gustong makalimot, mas lalong di nakalimot. Gustong pumayat, mas lalong di pumayat. May mga pangarap na nawala, may mga pangarap na unti-unting natutupad.

Nalungkot, umiyak. Sumaya, umiyak pa din. Yumakap, yinakap. Humalik, hinalikan. Bumatok, binatukan. Sinampal, nakaiwas naman ako. Sinira ang atay, hindi naging matagumpay ang alcohol, kaya sigaw ko "MORE."

Itagay natin 'to, para sa lahat ng kapalpakan ng taon, sa iyak na walang kwenta, sa utot na narinig ng ibang tao, sa amoy ng bagong gising na hininga sabay may kumausap sayong tao, sa lahat ng palasak na relasyon, sa mga malalanding usapang nagtapos, sa mga sana-nahalikan-ko pero hindi natuloy, sa lahat ng sana pero hindi nangyari at sa lahat pa ng nakakaasar na bagay na ayaw mong isipin (pero dapat mong isipin bago mo itagay yan.)

Laklakin ang isang basong alak para sa mas magandang bagong taon, isang ngiti kahit sa nakaraang palpak, madaming bagong pag-asa, malay mo ngayon pa dumating ang pag-ibig na para sayo. Alam ko kaya ka nagbabasa ng panulat ko, sawi ka sa pag-ibig. Ayos lang yan! Lahat naman napagdaanan yan, katulad ko, ilang kwento ko na ba ang tumama sayo? Swerte mo kung bilang lang, sakin kasi, lahat ito.

Ngumiti tayo. salubungin ang bagong taon na buo ang kamay. Ingat sa paputok, mas okay na ang may putok. Tumalon ka para tumangkad, pero sana lumiit ka para sa taong 2012, magkasya ka na sa damdamin ng isang taong laan para sayo.

SALAMAT. Next year uli!♥

Wednesday, December 28, 2011

Ang Special


Tumingin ako sa Merriam-Webster ng ibig sabihing ng salitang yan:

1 distinguished by some unusual quality; especially : being in some way superior
2 held in particular esteem special friend


Sinabi ko yan sa isang tao kanina, sinabi niya rin sa akin. Kung iisipin mo dapat masarap sa pakiramdam. Yung ang tagal mong iniwasan, pero pareho pa rin pala yun nararamdaman niyo sa isa't isa. Dapat para kang nanalo sa lotto. Yung tipong sa tagal mo ng tumataya sa lotto, ayaw mo nang umasa. Nakakasawa nang tumaya pero ginawa mong tumaya, tapos swak na nanalo ka. Pero bakit hindi ganyan yung nararamdaman ko?


Para akong may hawak na lobo, yung lagi kong pinapalaya kasi merong nagmamay-ari sa kanya. Kumbaga, hiram ko lang siya. Saglit ko lang siyang hiniram, kaya kailangan ko siyang bitawan. Nahawakan ko siya dati noong libre pa siya, pero pinakawalan ko din kasi hindi siya sigurado kung gusto niyang ako yung mag-may-ari sa kanya. Paglipas ng mga araw, nandun na siya. may nakakuha na sa kanya.

Special ka para sa akin. Special din ako para sayo. Pero kahit kailan, walang special na tayo. Matututo na naman akong lumayo. Lalayo ako kasi wala naman talaga akong karapatang masaktan 'pag masaya ka. Lalayo ako kasi mahirap magkunwari na ayos ako habang ayos kayo. Lalayo ako pero parang iiiwan ko na naman yung puso ko sayo. Lalayo ako na may malaking sana sa puso ko. Na sana hatakin mo ako, at sabihin mong ako na lang. O maramdaman kong ako naman talaga, ako lang talaga kahit lumipas yung mga buwan na yun.

Isang paalam sa taong special. Isang paalam mula sa taong special. Pero kailanman, walang magiging special na paalam, lalo na kung alam nating meron naman talagang namamagitan satin.

**Matututo ka pa bang abutin ako? O ang paglayo ko ang magiging paglaya ko ng tuluyan?

Saturday, December 24, 2011

Tongue In A Lung: Ang Pasko At Past Ko

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *

Sabi nila, ang Pasko, kapanganakan ni Hesus. Panahon ng pag-ibig at pagpapatawad.

Sabi ko naman, tama! kapanganakan ni Bro. Tama! panahon ng pag-ibig at pagpapatawad. Para sa akin din, ang Pasko ay panahon para maging okay ang past ko. Minsan hindi natin pinapansin yung past natin. Alam ko yun, tao din ako.

Hinayaan ko din ang past ko. Hinayaan kong manahimik na lang yun. Pero ngayong Pasko, ibang usapan. Gusto kong mawalan ng gusot ang past ko ngayong Pasko. Suntok sa buwan, mangyari na ang mangyayari. Pagkatapos ng Pasko, gusto ko lang ng tahimik na bagong taon. Ang parte ng nakaraan, dun na yun. Wala ng babalik para maging parte ng kasalukuyan. Masaya akong aayusin ang gusot, saka matututong lumayo uli ng walang bigat sa dibdib.

Maligayang Pasko! Sana hindi ka maging parte ng past ko. ♥

Wednesday, December 21, 2011

Ang Kaso Sa Hukuman


KASO:
Kung mahal mo talaga ang isang tao, ipaglalaban mo siya. Kung mahal mo talaga ang isang tao, mag-aantay ka sa kanya. Kung mahal mo talaga ang isang tao, kung may umeeksena, pipilitin mo pa din na mag-work kayo. Wag mo hahayaan na sa bandang huli, may kapiling na siya at hindi ikaw yun.


NAGSASAKDAL:
Pumasok ako sa relasyon kasi mahal ko siya pero may mas mahal pa akong iba. Pumasok ako sa relasyon at pinili ko siya dahil hindi mo ako inantay. Hindi mo ako hinayaang maging handa sa panibagong relasyon, alam mo naman nakakabreak namin noong panahong nakilala kita. Binitawan mo ako sa panahong mas mahal kita kaysa sa kanya. Iniwan mo ako, ni hindi mo ako ginawang itext. Andun siya, kaya siya ang pinili ko. Pero natatandaan mo bang sinabi kong mas mahal kita at naiisip kita habang kami pa? Na kahit lumayo ka, pinipilit kong maging malapit sayo.


ISINASAKDAL:
Ang pag-ibig na tama, kung nangyari sa maling oras, masasabi ko bang maling pag-ibig na? Dumating ako, na hindi ka pa handa. Maling oras. Maayos tayo pero magulo kaya lumayo ako. Pinili mo siya. Habang andun ako, kahit hindi mo sabihin, may koneksyon ako. Alam ko na iniisip mo pa ding balikan siya. Iniisip mo pa din na kayo na lang sana. Ayokong maging sagabal sa sana'y magandang relasyon. Inantay kita, hinayaan ko pa ngang mahulog ako ng todo kahit sa panahon na yun walang kasiguraduhan kung mamahalin mo din ako. Hindi kita iniwan, lumayo ako para makapag-isip ka. Lumayo ako na may malaking hiling sa puso na sana pagbalik ko, sigurado ka na sa akin. Na kakayanin mong sabihing ako na lang, ako lang at wala ng iba. Ibinigay ko ang buong puso ko, binigyan mo ako ng parte ng puso mo. Wala akong reklamo. Lumayo ako para wala kang masabi, wala kayong masabi. Gusto ko lang naman ng katahimikan. Gusto ko lang maging maayos na wala ka. Lumayo ako, at gusto nga sana kitang hainan ng restraining order para hindi ka na makalapit sa akin.


HUKOM:
Nakuha ko ang punto niyo. Ayokong sabihing maling pag-ibig 'to, ilagay na lang natin sa pag-ibig na mali sa oras. Hindi ko malalaman at maiintindihan kung bakit hinahabol mo pa nagsasakdal ang isinasakdal mo. Masaya ka na, diba mas masaya ka dapat na hindi niya kayo ginugulo? Mas dapat ka pa yata niyang kasuhan para magkaron siya ng restraining order para naman siya ang magkaron ng katahimikan.

Kung mahal mo talaga ang isang tao, ipaglalaban mo siya pero paano ka ipaglalaban ng isang tao na hindi siya sigurado na lamang siya? Ginusto mong ipaglaban ka pero ikaw ba pinaglaban mo yung feelings mo sa kanya? Kung mahal mo talaga ang isang tao, mag-aantay ka sa kanya pero hindi buong buhay mo. True love waits but not too long. Kung mahal mo talaga ang isang tao, kung may umeeksena, pipilitin mo pa din na mag-work kayo pero pano kung mas magwork sila? Kaya nga siya lumayo diba? Hinayaan ka niyang maging masaya kahit hindi sa piling niya. Hinayaan ka niyang magkaron ng katahimikan kasama yung taong pinili mo, hindi ba dapat yun ang pagmamahal?

Tuesday, December 20, 2011

Ang Target

Lisensyado ka. Binigyan ka ng karapatang humawak ng baril. Pero hindi ibig sabihin nun pwede mo ng gamitin ito at mamaril kailan mo man gustuhin. Natamaan ako ng balang galing sayo. Natamaan ako ng bala ng pag-ibig. Imbis na malungkot ako, ngumiti pa ako sabay sinipat ka. Nagustuhan ko ang balang binaon mo. Nasiyahan ako. At sa muling pagkakataon, natuto akong magmahal.

Kaso ligaw na bala pala ang tumama sa akin. Isang bala na di sa akin nakalaan. Isang pag-ibig na alay sa ibang tao. Mas masama pa dun, hindi lang ako nadaplisan. Hinayaan ko pang bumaon sa sistema ng buhay ko. Masakit palang sumalo ng balang hindi para sa akin. Ako ang natamaan kahit di talaga para sa akin nakalaan. Bakit ko ba sinalo ang bala mo kahit alam kong masasaktan ako? Bakit ko ba sinalo ang pag-ibig mo na alam kong hindi naman para sa akin? Bakit ko ba hinayaang masugatan mo ako? Bakit ko ba hinayaan ang sarili kong mahalin ka, na alam ko naman na yung pag-ibig na ipinapakita mo, para naman talaga sa iba?

Ikaw kaya barilin ko? Ikaw kaya target-in ko? Para malaman mo na masakit. Para malaman mo na pag pumasok na sa sistema mo yung pag-ibig mahirap ng umiwas, na lalong mahirap kung yung pag-ibig na pinasok niya sayo, practice shot lang pala. Sa susunod, wag kang nagpapaputok ng basta basta. Sa susunod, asintahin mo lang yun taong siguradong target mo, ang mahirap kasi sayo, tira ka ng tira, tuloy sa pag-ibig na naipon ko, naibigay ko sayo, kaya sa aki'y halos walang matira.

Sunday, December 18, 2011

Ang Kuryente


Andito ako para padaliin ang buhay mo. Ako ang umaako ng mga hirap, makaiwas ka lang. Saksak ka nga ng saksak, wala lang akong imik. Pero sana isipin mo, hindi ako ginawa para abusuhin mo. Mas lalong di habambuhay magpapagamit ako sayo. Di ako tangang di malaman na ginamit mo lang ako. Oo, alam kong nakinabang ka sa kuryenteng pilit kong ipinaaabot sayo. Oo, alam kong ginamit mo lang ako para pagselosin yung linya ng kuryenteng matagal mo ng inasam. Oo, alam ko lahat ng plinano mo sa utak mo. Oo, natuwa akong magpagamit sayo. Pero hindi ibig sabihing natutuwa akong ginamit mo lang ako para mapansin niya.

Pinuputol ko na ang pagpapadaan ng kuryente. Pinuputol ko na ang mga banat sayo ng kuryente kong baliw. Ayokong magbrown out dyan sayo, pero alam kong ni hindi mo mararamdaman ang pag-alis ng supply ng kuryente ko sa buhay mo.

Darating na si Manong Meralco. Iniutos kong dahan dahanin ang pagtanggal ng kuryenteng supply ko sayo. Ang totoo, gusto kong manatili. Gusto kong bumakas sa buhay mo. Pero mas totoo na wala kang pakielam kung nandyan lang ako. Mas lalong totoo na ni hindi ako babakas sa buhay mo. Anong punto ng lahat ng 'to? Gusto kong maging mahalaga sayo, pero ang totoo, wala akong lugar sa buhay mo.

**Di ka tanga. Mas lalong di ako tanga. Wag mong isiping hindi ko alam na pinagselos mo lang siya. Sayo na ang lambing na binigay ko, yun na yun. Solid yun. Minsan lang ako lumapit, sayo lang yun. Sayo lang ako nagpapansin, hindi na mauulit. Sige na, sana maging masaya ka sa kanya.

Saturday, December 17, 2011

Ang Kawalan

Ang dilim sa lugar ko. Ang blangko ng paligid ko. Para akong lumilipad sa malawak na lugar. Para akong linilipad ng hangin na hindi ko alam kung saan ako dadalhin. Hinahayaan kong dalhin ako ng hangin kung saan man ang tamang lugar ko.

Napadpad ako sa lugar na may ilaw. Mga ilaw na tila ba naglalaman ng kawalan ng puso ko. Mga ilaw na sinisigaw ang mga dahilan kung bakit ginusto kong lumipad. Mga ilaw na nagpahinto muli sa akin. Mga ilaw na hinayaan akong mag-isip muli.

Sabi nila:
1. Malapit na ang Pasko, okay na ba ang past mo?
2. Christmas break na, pero bakit lunch break lang ang meron ka?
3. Di mo siya kilala, pero bakit silipin mo lang twitter niya, swak ka na? Crush mo, pero malala ka na.
4. Mahal ka, minahal mo. Bakit ayaw mong maniwala sa second chance?
5. Mahal ka, hindi mo minahal. Bakit ayaw pa niyang bumitaw?
6. Inaantok ka na, bakit kung ano-ano pang kumakatok sa utak mo?
7. Kailan darating sa kalendaryo mo yung taong matagal mo ng hinihingi sa pagdarasal ng rosaryo?
8. Ang tagal ng nakasara ng puso mo, bakit tinatakpan mo ang tenga mo mula sa pagrinig ng mga nangangaroling? Malay mo, isa na pala sa kanila yung may dala ng susi sa pinto sa puso mong inaamag na.

Ito ang kawalan ng puso ko. Ito ang kawalan na gusto kong takasan. Ito ang kawalan, na sana lang, buong pagkatao ko mailagay sa katahimikan. Ito ang kawalan, kawalan na ayokong binabalikbalikan.

Friday, December 16, 2011

Ang Seatbelt

Masyado akong maingat. Lagi kong sinisigurado na nakaseatbelt ako bago pa lang magsimula ang byahe ko. Siguro takot lang ako. Takot akong makatulog sa byahe at biglang masaktan 'pag di ko napigilan ang sarili kong mahulog sa taong kasama ko sa pagbyahe. Mas takot siguro akong mahulog tapos paglingon ko, wala ka na sa tabi ko. Ayoko sa lahat, yung iniiwan ako. Mas ayoko pa lalo yung buong buo na yung tiwala ko, yung di ko inaasahang iiwan ako ng isang tao, pero ginawa niya.

Nakabyahe ako pero sa pagkakataong 'to, wala pa akong kasama. Bumabyahe akong masayang mag-isa. Bumabyahe akong nakangiti. Bumabyahe akong maingat. Higit sa lahat, ligtas pa ang puso ko dahil siguradong nakaseatbelt pa ako, may pampigil pa sa kada paghulog ko sa bangin ng pag-ibig.

Babyahe ako ng babyahe. Matagal kong inipon ang pang-gas ko. Full tank pa. Wala pang hihinto. Wala pang paparada. Sa byahe kong ito, nakangiti lang ako sa pagdating mo. Sa byaheng 'to, inaabangan lang kita. Hinihintay ko ang pagkakataong ikaw mismo ang sisigurado na kahit tanggalin ko ang seatbelt ko, sasaluhin mo ako. Na kahit anong mangyari, susubukan mong hindi ako saktan. Magkakabungguan din tayo, sana malapit na. Sana pag nabunggo natin ang isa't isa, hindi na tayo naka-seatbelt, sana tuloy-tuloy lang tayong mahulog sa isa't isa.

Pupusta ako sa pag-ibig. Pupusta ako sa tamang pag-ibig. Pupusta ako sa pag-ibig na hindi ako basta-basta papaiyakin. Pupusta ako sa pag-ibig na kasama ka.

Tuesday, December 13, 2011

Ang Mga Balita


Magkaiba tayo ng istasyon. Dyan ka at dito ako sa kabila. Hindi naman tayo magkaaway. Alam mo naman na may pinagsamahan tayo. Mas lalong alam mo na mabilis ang lahat, swak tayo kaso naglaho tayong parang bula.

Napanood ko ang balita mo. Pinipilit mo pa ding ipahayag na mahal mo ako. Pinipilit mo pa ding ipakita sa ibang tao na ako ang laman ng puso mo. Pinipilit mo na ako lang naman ang lumalayo, na ako lang naman ang tumutulak sayo para magmahal ng iba.

Sinubukan mong manood ng balita ko, nakita mong may news block out. Bakit? Siguro hindi ko kayang ibalita sa ibang taong takot lang akong ibigay yung tiwala at puso ko sayo. Takot akong mag-umpisa tayong muli at iwan mo ako ulit. Mas lalong takot akong mahalin ka, mahalin ka lalo higit pa noon, mahalin ka higit pa sa sarili ko na 'pag naisipan mong iwan uli ako, paano na naman ako.

Sinara ko na ang balita ko. Ayokong tapatan ang balita mo. Ayokong tapatan ang pag-ibig mo. Ayokong tapatan ang pag-ibig mong hindi naman tapat. Ayokong tapatan ang pag-ibig na magpapaluha lang sa akin. Ayokong tapatan ang pag-ibig na ako lang ang totoong iibig. Ayokong tapatan ka, at maging tapat sayo, lalo na alam kong di ka naman tapat sa akin.

Wednesday, December 7, 2011

Tongue In A Lung: Ang Relasyon, Kasiyahan At Hiwalayan

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *

Hindi lahat ng nasa relasyon, masaya. At hindi din lahat ng walang karelasyon, hindi masaya.

Alam ko na nagsisimula ang relasyon 'pag nakita mo yung sarili mong masayang masaya dun sa tao. Kalokohan naman kung sisimulan mong makipagrelasyon na hindi kayo swak. Pero syempre may mga taong pumapasok sa relasyon dahil gusto lang nilang makalimot. Nagawa ko yun. Di naman masaya, may dinamay pa ako sa lakungkutan ko.

Masarap naman talagang ma-inlove, mas lalong masarap kung mahal ka din nung taong mahal mo. Alam ko yung mga panahon na sana lagi mo siyang kausap, katext, kachat o kasama. Alam ko yung mga panahon na lagi mong inaantay yung pareho kayong libre para may oras kayo sa isa't isa. Ang sarap sa pakiramdam na pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, alam mong siya yung kasama mo. Na may babagsakan ka ng lahat ng luha mo at may magpapasaya sayo. Pero hanggang kailan? Hanggang kailan magiging masaya ang isang relasyon? Hanggang kailan magiging solid at hindi matitibag ang isang noong masayang relasyon?

Lahat naman nagbabago. Ang masama dito, 'pag hindi na natin naisip yung simula. Kapag mas masiyahan na tayo sa buhay na hindi kasama yung taong dating naging mundo mo, kapag mas swak ka palang wala siya, dun na nawawala yung spark. Nawawala ang lahat 'pag hindi mo inalagan. Nawawala maging ang pinakamatamis na pag-ibig kapag may hinahanap kang iba. Kaya ako, hindi ako pumapasok sa isang relasyong lokohan. Hindi ako papasok sa isang relasyong may kahati, may mahal pang iba at hindi lang ako ang mahal. Hindi ako papasok sa relasyong hindi lang siya ang hinahanap ko. Kapag may iba pa akong hinahanap, siguro sadyang di kami para sa isa't isa.

Minsan, mas mahirap aminin na hindi lang siya yung hinahanap mo. Mas lalong mahirap kapag ayaw mo siyang mawala sayo, ayaw mo siyang lumampas sa kamay mo pero sadyang kulang e. Hindi siguro kulang yung binibigay niya sayo, pero sayo mismo, may bagay na hinahanap kang wala lang talaga sa kanya. Mahirap bitawan 'pag mahal mo. Pero tandaan mong mas mahirap maipit sa isang relasyong, hindi lang siya ang gugustuhin mo. Mas madaling humiwalay. Ihanda na lang ang sarili para sa isang taong dadating sa tamang panahon, yung taong wala ka ng hahanapin pang iba.

Ganito lang ang gusto kong sabihin. Lahat may tamang oras. Ang isang taong talagang mahal ka, kung mahal mo din siya, may tamang oras na maging para kayo. Kailangan niyong maging masaya sa sarili niyo lang. Kailangan niyong ayusin yung buhay niyo na ikaw lang. Kailangan mong siguraduhin na yung mga relasyon sa nakaraan mo, ayos ka na. Kailangan sigurado ka sa feelings mo at sigurado kang siya lang. Pag parehong ganito na ang lagay niyo, yun talaga yung solid. Yun talaga yung magiging pinakamasayang relasyon.

Handa na ako. Sa tamang panahon, dadating din yung taong magiging handa para sa akin, para sa amin. We'll meet real soon.

Ang Maulang Byahe

Hindi kailanman magbabago ang katotohanang sa byahe ng buhay ko, wala ka na. Hindi na natututong huminto ang ulan na sumasabay sa pagluha ng mata ko sa byaheng wala ka na. Sa kada kanto na maaalala kita, sa kada lugar na makikita ko ang isang katulad mo, lalong umaagos ang iyak ko. Tumatangis na naman ako ngayon. Tumatangis na naman kasabay ng sobrang nangungulilang byahe.

Alam kong nasa byaheng tahimik ka na. Alam kong nasa lugar ka na kailanman lagi ka lang masaya at walang problema. Alam kong kasama mo yung tanging nilalang na kayang mag-alaga at magmahal sayo higit kanino pa man. Sana lang nayakap at nakahalikan kita bago ka umalis. Sana lang mas madalas kong sinabi kung gaano kita kamahal.


***Miss na miss na kita Lolo Kape. :'( Miss na miss ko nang inaasar ka. Alam kong okay ka na dyan, pero dalawin mo naman uli ako sa panaginip. Gusto ko lang makita ka. Gusto ko lang asarin ka at makita yung ngiti mong walang kupas. Reserba mo ako ng pwesto sa langit, magkikita tayo sa tamang panahon. I miss and love you, Lolo!

Tuesday, December 6, 2011

Ang Kakwentuhang Anghel


May bitbit tayong mga salita. Mga salitang kayang pantayan ang nararamdaman natin. Sa kada araw, normal ang kwentuhan. Sa kada kwentuhan, mas normal na may lagi kang taong sinasambit. At sa dalas kong makipagkwentuhan, di mo alam, pero laman ka ng bawat kwento ko.

Kinakalat ko sa iba kung sa papaanong isang anghel ay sinipa ng langit pababa sa lupa. Kinasisiya kong banggitin na di lahat ng anghel, payat. Yung iba, parang ikaw, mabait. Napapangiti akong ikaw ang madalas kong ikwento, pero mas masaya ako 'pag ikaw mismo ang kakwentuhan ko.

Ikinatutuwa kong tumaba ka at hinulog ka ng langit dahil di ka na kaya ng ulap. Ikinatutuwa kong nahulog ka at lumagapak sa tabi ko. Ikinatutuwa kong nung nagkatabi tayo, hinarap natin ang reyna ng Filipino, at sabay nating winasak ang tahimik niyang kaharian. Ikinatutuwa kong mas pinili mong kausapin na ako kaysa sa lasenggero mong katabi ('Pag nagkataon siya na sana madalas mong kakwentuhan) Mas ikinatutuwa kong, ilang taon man ang lumipas, alam kong di ka mawawala, di dahil di ka na kaya ng pakpak mo, kundi dahil alam kong masaya ka na sa lupa kasama ako, at kaming lahat. Alam kong di ka na matututong lumipad, wag na please? Dyan ka lang, Soulmate.


***Happy birthday sa aking super duper hyper over grabeng Soulmate. Sana tumaba ka pa kasabay ng pagtaba ng puso ko na super duper hyper over grabeng para na tayong magkapatid.♥

Saturday, December 3, 2011

Ang True Love Sana

Madami akong ginagawa sa buhay ko ngayon. Kinukuha ang oras ko. Inuubos at pinapalipad ng mabilis habang nasa ospital ako. Dun pa nga ako magpapasko.

Masaya ako dun. Masaya akong nawawala ka sa isip ko. Masaya akong hindi kita maaabot. Pero ang wirdo kasi may sarili ka pa ring paraan ng pag-abot sa akin. Lagi kong naririnig ang pangalan mo. Lagi kong nakikita ang pangalan mo sa mga pangalan ng pasyente ko. Sana okay ka lang. Iniisip ko nga kung sa panahon na yun, iniisip mo din ba ako kaya kung saan saan ka sumusulpot.

Patawad dahil malayo ako. True love ka sana, ang layo lang natin. True love ka sana, mahirap lang sa ngayon. Patawad. Patawad pero masaya naman tayo. Hayaan na natin.


**Papanoorin ko ang Hunger Games.

Saturday, November 26, 2011

Ang Kaligtasan Mo


Wag kang papasok sa gate ng buhay ko. Wala namang nakakaengganyo talaga sa loob. Mahilig akong magkwento. Mas mahilig akong magreact. Madalas akong tumawa. Mas madalas akong nababaliw. Wala naman talaga kasing espesyal dito kaya unahin mo ang sarili mo. Unahin mo ang kaligtasan mo. Wag kang tutulad sa ibang umasa sa akin. Wag kang tutulad sa iba na pinilit pumasok kaya ilang taon na ang lumipas, nasayang lang sa akin. Hinding hindi ako nagpapaasa. Mas lalong hindi ako nagpapa-antay. Hindi ko din alam anong nakita nila para mag-antay ng ganun sa akin. Apat na taon sa kanya? Tatlong taon sa isa? Limang taon sa isa pa? Hindi ako karapat dapat.

Please lang, lumayo ka na. Please lang, wag kang tutulad sa kanila. Please lang, wag mo akong hahabulin. Gusto kong hinahabol, pero madalas di na ako natututong lumingon. Baka di kita kayang tignan katulad ng pagtingin mo sa akin. Sige na, unahin mo ang kaligtasan mo hanggang di ka pa naiipit sa gate ko. Sige na, lumayo ka na hanggang hindi ka pa natututong magsayang ng taon para sa akin. Sige na, bumuo ka na ng buhay na walang ako. Please lang.

Friday, November 25, 2011

Ang Hinahabol Na Byahe


Byahero ako. Masaya akong bumabyaheng solo. Mas masaya ako 'pag bumyahe ako kasama ang pamilya at ang tropa. Buong buo na ako, sobra-sobra pa 'pag sila ang nakasakay sa byahe ko. Syempre, di maiiwasang may sumabit sa bawat byahe ko, pero masaya akong natuto silang sumabit, bonus na yun para sa akin.

Ako ang byaherong hindi marunong huminto. Hindi ako kailanman naghabol ng pasahero. Wala akong planong ihinto ang byahe ko sa para kahit kaninong estranghero. Masaya akong natuto kang sumabit sa byahe ko, umiyak ako sa tuwing bibitaw kayo pero swak pa din ang buhay ko kahit wala ka na.

Pero sa byahe ko, ang pinakanatutuwa ako, yung mga taong tumalon na para bumitaw, tapos matututo lang humabol sa byahe ng buhay ko. Yung katulad mo na pinalaya ako pero siguro may hindi ka makita sa byaheng tinahak mo kaya ka natutong bumalik. Di naman ako madamot, nagpapasakay ako ulit, parte ka naman ng buhay ko.

Nagpapasakay ako ulit, pero yung mga taong hindi ako tinatago. Ayoko ng humahabol na tinatago ako. Sa laki ko, hindi mo ako pwedeng itago kaya wala kang lugar sa byahe ko. Wag mo na lang akong hahabulin ulit kung di mo kakayaning isigaw sa iba na bumabalik ka.

Oo, trip ko 'to. Ako ang bumabyahe pero ang patakaran ko, ako ang hahabulin. Hindi ako ang hahabol. Wala akong hahabulin. Mabagal naman akong tumakbo, para lang akong naglalakad. Matira ang matibay. Nagpapahabol ang byahe ko, tignan natin kung sinong hahabol. Tignan natin kung 'pag bumalik ka, pati feelings babalik. Pero sa paghabol mo, umpisa pa lang, sasabihin kong wag kang aasa sa akin.

Thursday, November 24, 2011

Ang Pagbubura

Bitawan mo na yan. Kahit anong gawin mo, hindi mo mabubura yung naging parte ng buhay mo. Hindi ko din kasalanan na ginawa mo akong parte ng buhay mo. Kasi hindi ko naman pinilit yan, pinili mo yan.

Masaya nga akong malayo. Masaya akong malaya. Masaya ako kahit wala ka. Ayoko ng gulo, alam mo yan. Hindi nga ako marunong maghabol, kaya nga hindi kita hinabol. Kahit kailan, wala pa akong hinabol.

Umayos na. Hayaan mo na lang na may bakas yung nakaraan. Hindi naman natin kailangang palawigin pa. Hayaan mo na, ang bakas ay bakas. Bukas magkakaron na naman ng ibang bakas.



PAALALA: Hindi ako naghabol. Hindi ako naghahabol. Hindi ako kahit kailanman maghahabol.
Sadyang ang nakaraan madalas madamot, gustong makuha pati ang kasalukuyan.

Ang Maling Hardinero

Pinilit kong maging pinakamagandang bulaklak para sayo, para sa atin. Akala ko nga tutulungan mo akong mas bumusilak pa. Akala ko ikaw yung magiging hardinero ko sa nalalabing mga taon natin.

Mali ka siguro ng hardin na binisita. Maling hardin ang napuntahan mo. Ito kasi yung hardin ko. Ito yung mundo ko na hindi ko binubuksan sa lahat ng tao. Akala ko ikaw na yung hardinerong tama. Natuto kang bitawan ang mga gamit natin, naiwan akong tuyot. Sa unang beses, hindi ako yung umayaw sa dilig ng pag-ibig. Sa unang beses, hindi ako yung lumayo sa taklob ng anino mo. Dumating ka, iniwan mo naman ako agad. Tatlong araw lang, tinuyot mo ang hardin na pinipilit kong buohin.

Alam kong babalik ka. Ngumiti ka at bumalik. Nakita mo ako at sinipat. Oo, tuyot ako, pero di na bukas ang hardin ko. Oo, tuyot ako pero di na ang pag-ibig mo ang kailangan ko. Baka kasi di ako ang maling hardin, malamang maling hardinero lang ang pinatuloy ko.

Wednesday, November 23, 2011

Ang Expired

Lahat naman tayo may expiration date. Sabi nga nila unaunahan lang yan. Nagkataon lang na sa ilang bilyong tao, inunahan mo ako. Inunahan mo kami.

Oo, dumating na ang expiration date mo. Oo, wala na ka na dito. Oo, hindi na muling masusulyapan ang mga tattoo mo. At lalong oo, nasa lugar ka na kung saan mas sasaya ka.

Kahit dumating na ang expiration date mo, yung isang alaala mo sa akin, hindi kailanman hahanap ng expiration. Hindi ko kailanman makakalimutan na sinamahan mo siya nung January 13, 2007. Hindi ko kailanman makakalimutan yung salitang "***e, kausapin mo naman si **e***" na nagsimula ng lahat. Hindi ko gustong kalimutan ka.


**Rest in peace, Sai. Salamat sa hapon na yun!

Monday, November 21, 2011

Ang Anghel Sa Lupa

Minsan lang ako makakilala ng anghel sa lupa. Ikinagagalak kong makita ka. Tila ba kay payapa ng ngiti mo kahit pasan mo na ang karamdamang pwedeng magbalik sayo sa itaas. Tila ba tinutunaw mo ako sa titig mong hindi ko alam kung tama bang ako'y iyong titigan ng ganun. Tila ba pinapakita mo sa akin ang piraso ng langit sa lupa.

Ang puso ko'y iyong nahawakan. konting panahon, ako'y iyong pinahanga. Anghel sa lupa, para sayo ang dugong aking inialay. Anghel sa lupa, nararapat na ika'y manatili pa at hayaang ibang tao naman ang dumanas ng kasiyahang iyong idinulot.


**Para sa pasyenteng naging malapit sa puso ko, Lola Felisa Anguilan. Di ko talaga alam kung bakit naiiyak ako 'pag naaalala ko yung oras na nakasama kita. Sana sa kakaunting dugo, natulungan kitang tumagal pa kahit kaunting saglit pa. Salamat Lola! Salamat sa piraso ng langit.

Ang Drama Sa Library


August 4, 2011

Ang sakit pala. Akala ko 'pag nalaman kong mahal niya ako, masaya ako. Maling akala. 'Bat yung puso ko, masasaktan? 'Bat umiiyak ako? Masakit pala 'pag hanggang huli, pinusta mo na lahat, hindi ka niya kayang piliin. Na hanggang huli, sabihin man niyang mahal ka niya, nasan siya?

:( Sana di niya na lang sinabing mahal niya ako, kasi di ko din naman nararamdaman


Isinulat ko 'to sa library noon. Ang naaalala ko, nakakabingi ang katahimikan ng library na sumasabay naman sa ingay ng puso ko. Yung isang pangalan yung gustong isigaw ng puso mo pero wala kang pwedeng gawin kung hindi manahimik at umiyak na lang.

Hindi ko man maalala ang eksaktong pakiramdam, alam ko lang masakit. Hindi ko din gustong isipin yung mga bagay na malungkot, ang tinatago ko na lang yung isang linggong masaya akong nandyan ka. Hindi ko din alam ang bawat detalye, ang alam ko lang naaalala pa din kita.

Ang Pagsisisig

Nasa huli ang pagsisisi pero wala sa akin ang salitang yun. Lalo na sa larangan ng pag-ibig. Hindi dahil hindi ako marunong magkamali. Siguro tumatak lang sa akin na bago ako magkamali, may punto sa akin na ikinasaya ko ang pagkakamaling iyon.

Parang 'pag kumain ako ng sisig, di ko naman iisipin kung mahihighblood ako. Ang importante, nalasap ko siya hanggang sa handa na akong harapin kung ano mang mangyari. Kung mahighblood ako, mangyayari yun na naging masaya ako. Kung magmahal ako, ang mahalaga, kada segundo maging masaya kami. Kung ano man ang mangyari, mas importanteng ang panghahawakan ko, yung masasayang alaala sabay ng pagkain ko ng Sisig ng hindi nagsisisi.

Ang Labandera

Higit dalawampung taon na akong naglalaba sa mundo. Sumasabay sa mga pagusbong ng bula. Kada kusot, susubukang alisin ang lungkot. Kada banlaw, nananatili na lamang ang mga masasayang alaala.

Oo, labandera ako pero kahit kailan wag mong ipilit na kalimutan ko ang pride ko. Yun na nga lang ang meron ako, hahayaan ko pa bang maglahong parang bula?

Bawal lunukin ang pride, bubula.

Thursday, November 17, 2011

Tongue In A Lung: Ang Relasyong Di Gumana At Ako

"Tongue in a lung: Ang *******" na titulo ng mga blogs ay mga parte ng buhay ko na personal. Yung gusto kong sabihin. Ayokong nasa puso ko lang. Ayokong tumameme. Malayang pagpapahayag nga di ba?

Okay! Simula na!

* * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * * *


Simple lang ako. Mataba ako at hindi ako nahihiya dun. Para akong tambay sa kanto kung magsalita. Sinusubukan kong pantayan ng mga salita lahat ng nararamdaman ko. Kaya kong dumaldal ng limang oras na ako lang ang magkekwento. Mahilig ako sa isaw, balot at mga pagkaing kalye. Gusto kong napapansin ng mga tao pero hindi ako nagpapapansin. Baka kapansin pansin lang ako. Gumagawa ako ng mga bagay na gusto ko at hindi ng mga bagay na gusto lang ng ibang taong gawin ko. Marunong akong magpahalaga ng tao higit pa sa nakikita ng iba. Mahilig ako sa halik at yakap pero mas mahilig akong maglambing sa mga taong mahalaga sa akin. Maarte ako sa pag-ibig. Ayokong iniigib yun sa kung kaninong tao dahil punong puno na ako ng pagmamahal at lambing galing sa Diyos, pamilya at mga kaibigan ko. Totoo lang, para kong jowa lahat ng mga malalapit sa akin.

Hindi lang ako basta-bastang na-iinlove. Pag sinabi kong mahal ko ang isang tao, siguradong matagal yun. Gusto ko kasi ng mga relasyong nagtatagal. Ayoko sa mga taong nagsasabi sa akin na mahal nila ako habang may iba sila. Hindi naman kasi ako hot katulad ni Anne Curtis para maging other woman pero marami na silang sumubok na gawin akong kabit, mas gusto ko lang ang pride ko. Mas lalong gusto ko ng taong ako yung pipiliin gaano man katagal, wala man kaming kasiguraduhan. Yung taong mahal ako at ako lang kahit may eeksenang iba.



BAKIT HINDI NAGWORK ANG RELATIONSHIPS KO?

Kasi kahit ganito ako kabalasubas, sa tingin nila pangarap ako. Parang perpekto na hindi natitibag. Iniisip nilang wala akong insecurity. Masyadong matibay na kailanman kaya yung sarili. Yung laging masaya kaya akala nila hindi kailanman nagiging malungkot. Akala kasi nila ako yung taong kailanman hindi luluhod para umiyak, yung taong tama ang lahat na kaya pag nakita nila yung mali sa akin, wala na. Dun na natatapos.

Hindi ako yung taong lagi kong naririnig na sinasabi ng iba na langit. Gusto ko lang sabihin na kaya siguro hindi tayo naging swak kasi may mga bagay na kathang isip niyo lamang. Walang perpekto. Mas lalong walang perpektong ako. Masaya ako sa kung ano ako, mas naging masaya ako na nakasama ko kayo. Pero mas sasaya pa ako pag nakilala ko na yung taong magiging iba yung tingin sa akin. Yung taong di ko kailanman kailangang makihati. Yung kahit may iba, hindi ko kailanman kailangang makipagpaligsahan para makuha siya kasi ako lang pinipili niya. Yung taong tanggap yung langit at impyerno ko. Yun ang taong gusto ko habangbuhay, kasama na ang langit ang impyerno niyang kukumpleto sa purgatoryo ko.

Ang Keso

Keso ka at ako ang Spaghetti. Masarap naman na mabuhay na ganito ako. Pwede ako kahit walang kesong katulad mo. Swak na swak na ako sa sarili ko lang. Masaya ako, higit pa sa kuntento. Pero nandyan ka, nandyan ka lagi. Simula ng natikman mo yung buhay kasama ako, hindi ka na kailanman natutong lumayo. Kahit na kinudkod ka na at lahat, nasaktan na kita ng paulit ulit, hindi ka pa rin bumibitaw sa pag-asang hindi ko kailanman ibinigay sayo.

Tatlong matagal na taon na, andyan ka pa din. Nakatikim ka na ng buhay kasama ang ibang pasta pero bumabalik ka pa din. Masyado kang matibay. Gusto ko lang malaman mo na masaya akong nandyan ka, kaso, keso, hindi ko kailanman kayang ibigay ang pag-ibig na lagi mong hinahain sa akin. Alam kong hindi ka humihingi ng kapalit pero alam kong patuloy ka pa ring umaasa sa pag-asang malabo. Alam kong tuloy-tuloy kang umaasa sa hindi ko pagpapaasa sayo.

Huwag mo ng sayangin ang mga susunod na taon. Huwag mo na akong hahabulin, kahit di ako marunong tumakbo, kailanman, hindi ko kayang turuan yung puso ko. Swak na para sa aking kaibigan kita, hindi kailanman ka-ibigan.

Wednesday, November 16, 2011

Ang Paglalaro

Iligpit mo naman ako. Basta-basta mo na lang akong iniwan. Lumingon ka nga, tinanong mo lang ako kung may tyansa ka pa sa akin. Malamang hindi ako makakasagot. Tumuloy ka sa paglakad, tapos sinara mo na ang pinto.

Ang totoo lang, gusto kong sabihin na ayoko na ng laro. Ayoko na lang kasi na andyan ka nga, pero maglalaro lang tayo. Alam ko dumating ako sa buhay mo bilang laruan, yun din ang kasunduan, pero hindi din pala masayang makipaglaro. Mas lalong hindi masaya 'pag gusto ka ng seryosohin ng puso ko pero binitawan mo lang ako. Nakalimot ako sa usapan, laro nga pala. Pero nakalimot ka din sa usapan, sabi mo hanggang December pa tayo.

Ang hirap makipaglaro. Akala ko masayang hindi ipusta ang puso, yun pala, mas mahirap na walang pinupusta. Next time, pag makakasalubong kita, sana seryoso na yung puso ko. Sana hindi sayo pero sa taong seseryoso din sa akin kahit maglalaro lang dapat kami.

Tuesday, November 15, 2011

Ang Kalayaan

Nakipagkarera ako sayo, sa inyo. Pero sa unang beses sa dami ng karera ko, hindi ko ginustong tapakan ang break agad. Sa unang beses, gusto ko lang ituloy ang karera. Sa unang beses, hindi ko ginustong ibahin ang ruta ng byahe ko papalayo sayo. Gusto kong ituloy ang laro kahit na hindi ko talaga sigurado kung anong pinupusta natin sa karerang 'to. Ang alam ko lang, ayokong tapakan ang break at magkaroon ka ng tyansa na bumaba sa kotse ng buhay ko.

Nagulat akong nakarating na ako sa Kalayaan. Nilingon kita, nawala ka na. Natapos ang karera. Natapos na din ang laro. Dadaan ako sa Kalayaan na malaya. Pero bakit kahit laro yun, hindi din naman pala masayang lumaya sayo? Kaso pumili ka. Pumili kang ihinto ang karera. Ito na nga yun, akong malaya na nasa Kalayaan.


11

Wednesday, November 9, 2011

Ang EDSA

Madalas ko 'tong binabaybay. Ito yung daan ng buhay pag-ibig ko. Madami din ang bumabaybay. Madaming dumaan, madaming umalis, madaming pumanaw. May mga natira, may mga pumiling manatili sa sidewalk ng daan ko, sila yung importante.

Hindi nagkaron ng tamang panahon noon. Hindi din dumating ang malinaw na pagkakataon. Hindi tumaon ang tamang tao. Patuloy akong maglalakbay hanggang marating ang EDSA. Kung sa dati kong daan walang tamang panahon, edi sa susunod magkakaron na ako ng tamang panahon. Kung hindi dumating ang malinaw na pagkakataon, edi sa paglalakad ko makakamit ko din ang malinaw na pagkakataon. At kung naging masaya ako kahit di tumaon ang tamang tao, edi sa susunod mas magiging masaya ako sa pagtaon ng tamang tao.

Nilipasan ako ng panahon sa Cubao, edi sa EDSA hindi na muling mauulit yun. Edi sa EDSA, magbubukas lahat ng tyansa para sa akin. Malapit na ako sa EDSA, edi sa dadating na araw may sasama na muli sa aking paglakad.

Tuesday, November 8, 2011

Ang Planong Pagtakas



Ilang beses ko ng tinangkang makatakas sa larangan ng pag-ibig. Ilang taon kong plinano kung sa papaanong paraan ako makakalayo sa pagkahulog. Ayokong mahulog kasi ayokong masaktan. Ilang plano na ang pumalpak. Ilang pagkakataon na sadyang nahuhulog ako sa bawat yapak ko papalayo sa pag-ibig. Ilang tao na rin ang plinano kong layuan. Nakalayo ako. Pero hindi kailanman sa pag-ibig. Nakalaya ako sa kanya, pero hindi kailanman nakalaya ang puso ko sa pag-ibig.

Ito na. Tamang panahon. Tamang pagkakataon. Wala ng plano. Hindi na ako magpaplanong lumayo sa larangan ng pag-ibig. Hindi mo ako kailangang habulin. Wala nang habulan. Wag kang mag-alala, handa na akong hindi magplano basta wag mong papalayain ang puso ko. Basta walang lokohan. Pangakong itatapon ko ang mga plano ko.

Sunday, November 6, 2011

Ang Sobre


Sobra-sobra ang nararamdaman ko para pagkasyahin dito sa sobreng 'to. Sobra-sobra ang mga tiniis kong hindi ipahayag dahil alam kong hindi pwede. Sobra-sobra ang mga pinilit kong itago para respetuhin kayo. Sobra-sobra pero ni hindi ko kailanman blinocked yung karapatan mong sumilip sa buhay ko.

Alam mong matagal na panahon na. Alam mo din sa sarili mo na ako mismo ang lumayo dahil nirerespeto ko kayo. Mas lalong alam mo sa sarili mo na halos wala kang narinig sa akin kahit nung mga oras na yun gusto ko lang sumigaw na mahal kita. Na kahit hindi ako yung pinili mo, lecheng mahal pa din kita. Nanghimasok ka ulit sa buhay ko, hinayaan kita.

Ngayon? ikaw pa talaga yung may lakas ng loob na mag-block sa akin sa facebook? Face it. You're part my life's book. Subukan mong lumayo, pagkatapos ng mahahabang panahon, hindi man ngayon, ikaw din naman ang babalik. Babalik ka hindi para balikan ang nangyari sa atin, sasabihin mo lang na gusto mong maayos kung hindi tayo okay.

Alam ko kung bakit lumalayo ang isang tao. Ginawa ko na yan, paulit-ulit. Kapag takot ka, takot kang malaman na kahit anong saya mo, gusto mo lang maging masayang kasama yung taong nilalayuan mo. O sadyang takot ka lang na sa huli ng araw, gusto mong bumalik hindi sa kasama mo, kundi sa taong pinipilit mong layuan.

Bahala ka sa buhay mo.
Ewan ko sayo, Evan.

Ang Math


Hindi ako isang mabisang Mathematician. Pero alam ko na ang isa, pag may isa pang kasama, dalawa lang. Matagal ko nang alam yun pero nagbabago ang pananaw ng isang tao. At sa punto ng buhay ko, handa akong patunayan na ang 1 + 1 ay hindi laging 2. Handa akong gumawa ng teyoryang magpapatunay na pwedeng maging 1 + 1 = 3, o 'pag matinik ka talaga, pwedeng 4 o 5 o 6 o kahit ilan pa.

Isa akong Mathematician na sumunod lang sa mga naunang teyorya. Sumunod ako sa batas ng buhay Math. Pero bata pa ako, kaya kong pang magloko at sumubok ng ibang teyorya. Natakot ako dati. Hindi ko kinaya na ang 1 + 1 = 3. Ngayon? Ibang usapan na.

Maikli ang buhay. Susubukan ko ang isang teyorya na hindi ko masasabing tama, pero hindi mo rin pwedeng sabihing mali. Hayaan mo akong maging mapusok. Hayaan mo akong maging tunay na Mathematician. Hayaan mo ako dahil sa buhay na 'to, matira ang matibay.


Inspired by: Erlinda

Saturday, November 5, 2011

Ang Mga Papel

Lahat tayo'y papel sa buhay ng isang tao. Parang ikaw, hindi mo alam kasi hindi mo pwedeng malamang kayang kaya mong pumapel sa buhay ko. Binibigyan kita ng pahintulot pero hindi ko hinayaang makita mo ang kontrata na halaga mo sa buhay ko. Hindi mo din kasi ako hinayaang ipakita sa iyo ito. Nagpatangay ako sa hangin kasi ayokong magkaron ng papel sa buhay mo. Nagpatangay ako para lumayo sa binibigay mong papel ko sa buhay mo, para makalayo sayo. Malaki ang papel mo sa buhay ko pero hindi ibig sabihin pwede mo akong saktan. Binigyan kita ng pahintulot na pumapel hindi para paiyakin ako, minahal lang talaga kita.

Ngayon, para ka pa ding isang papel, isang kontratang palasak na. Parang cheke na tumalbog na. Kailangan ka nang ikulong sa bangko ng limot. Paunti-unti pero sigurado. Dahan-dahan pero garantisado.

Thursday, November 3, 2011

Ang Puno

Pinatubo ako ng tadhana. Pinaasa ako ng mga tao. Pinaiyak ako ng mga bata. Pinatatag ako ng panahon. Pinatibay ako ng pagkakataon. Pinatayo ako ng pag-asa. Pinatigas ako ng sitwasyon. Pinasaya ako ng mga tao. Pinangiti ako ng mga bata. Ngayon, ito ako. Ako'y puno ng pagmamahal. Puno ako ng kasiyahan. Puno ako ng ngiti. Puno ako ng mga bagay na magaganda't masasaya na walang lugar para sa akin ang maging malungkot. Pinuno ako ng mga tao. Umaapaw pa higit sa kailangan at inasam ko.

Hindi ito ang panahon para sa isang bonus na pag-ibig. Hindi ito ang pagkakataon para manlimos ng pagtingin. Dahil ang mahalaga, puno ako ng bagay na hindi lahat ng tao ay nakakaranas. Puno ako ng bagay na kailanma'y hindi mananakaw ng kahit na sino. Puno ako ng mga bagay na hindi ko hiningi, kusa lamang ibinigay. Puno ako ng solid na pag-ibig, walang katumbas na kasiyahan, matatamis na yakap at halik.


Para sa pinapaniwalaan kong Diyos, sa mapagmahal kong pamilya at mga kaibigan kong walang kasing lambing.

Wednesday, November 2, 2011

Ang Ilaw ng Feelings



Di naman garantiya na magtatagal kayo kapag intense ang feelings mo e. Basta may feelings, i-work out. Kung magkamali, at least nagmahal ka.

Para ka lang ilaw, kahit ilang watts ka pa, hindi naman kasiguraduhan yan na hindi ka mapupundi kahit kailan. Kaya magpailaw ka lang, yun naman talaga ang saysay mo. Parang feelings, dapat mong ibigay sa iba. Wag kang matakot. Maikli lang ang buhay para hindi mo subukan. Hayaan mong mapundi ka, hayaan mong masaktan ka dun mo mas mararamdaman ang saysay ng buhay.

Ang Libingan


Ililibing ko na ang nararamdaman ko para sayo. Isasama ko pati ang kalungkutang dala mo, maging ang kasiyahang naibigay mo. Ililibing ko kasama ang mga luha. Idadamay ko na din lahat ng mga bagay na nakakasakit sa akin. Patay na ang nakaraan. Hindi ko na muling huhukayin pa.

Kinikilig ako sa paglakad ko papalabas ng libingan. Isang bagong buhay na binaon na ang nakaraan. Isang bagong araw na may bagong pag-asa, kasama na ang mga bagong ngiting di na muling mapapawi ng namatay na nakaraan.



Inspired by: Charie

Sunday, October 30, 2011

Ang Serbesa


Takam na takam ka. Ang tagal kong nasa ref, pinalamig ng husto para daw isang titig mo lang sa akin, magustuhan mo na ako, kung maaari nga lang daw mahalin mo na ako. Hinawakan mo ako. Ang laki ng ngiti mo. Tinanggal mo ang tansan ko at nabuksan na naman sa wakas ang matagal kong inipong pag-ibig. Unti-unti mong ininom, linalasap ang bawat paglunok mo sa serbesa ng pagmamahal ko. Matapos mong makailang tikim, nakangiti ka sabay binaba ako. Binulong mo "Andyan ka kaya ko siya nakakalimutan." Pumatak ang tila ba luha sa gilid ng bote ko.

Lumapit ka lang pala dahil gusto mong makalimot. Hindi mo pala ako gusto. Hindi mo pala ako kayang mahalin. Mas mahal mong higit ang sarili mo na hindi mo kayang isipin ang mararamdaman ko. Oo nga pala, serbesa lang ako. Oo nga pala, lumapit ka lang para makalimutan siya.

Hindi man ako kalasa ng wine na yun, seryosong nakakalasing din ako. Nakakalasing din ang pag-ibig na kaya kong iparamdam. Kaso hindi kita hahayaang malasing, nakareserba pa din 'to sa tamang panahon, sa tamang pakiramdam at sa tamang customer. Tumayo ka na! Bago ka pa tuluyang makalimot, magbayad ka na muna. Hindi libre ang pag-ibig ko, lalo na kung gagawin mo lang akong panandaliang pangkalimot sa lagapak mong kwentong pag-ibig.

Friday, October 28, 2011

Tongue In A Lung: Ang Todong Tongue In A Lung


Masiyahin akong tao. Hindi talaga mahahalata sa akin 'pag malungkot ako, pero kapag nahalata na ibig sabihin hindi ko na kayang itago. Ibig sabihin todo na, todong ayoko nang kayaning itago.

Alam mo yung feeling na "Okay ka na"? As in okay ka na wala siya, na wala kayo, na wala lahat ng namamagitan sa inyo? Tapos matapos ang ilang araw, ayan, may nakita ka. Hindi mo napigilan. Naiiyak ka. Hindi ka pa pala okay.

Kapag hindi ka pa okay, di ka pa okay. Wag mong lolokohin sarili mo. E niloko ko ang sarili ko, sinong talo? Ako pa din. Kailangan ko na talagang lumayo. Kailangan ko lang lumabas ng tuluyan sa buhay na andun ka pa. Ako naman. Ako naman ulit.

Sa larangan ng pag-ibig, natalo ako. Ngayon talo ako. Gusto ko lang magmura. Todong tangina lang tongue in a lung.

Ang Malaking Oo

Oo, namimiss kita. Oo, gusto kita. At mas lalong oo, mahal pa din kita. Pero hindi ibig sabihin na namimiss kong nasasaktan ako sa tuwing nandyan ka. Hindi din ibig sabihing gusto kong umiyak muli sa mga salita mong palyado. At lalong, di porke mahal pa din kita, gusto kitang bumalik. Mahal pa rin kita aminado ako pero mas gusto kong i-enjoy ang hamonado na hindi dehado sa pag-ibig mo. Dadating ang pag-ibig na para sa akin. Yung pag-ibig na ako ang lyamado. Yung pag-ibig na walang kahit, pero, ngunit at kung sana. Oo, dadating ang pag-ibig na yun. Oo, okay lang na hindi ikaw yun dahil kung sa maling tao masarap ng umibig, gano na lang kasarap magmahal kung tama na yung taong pinaglalaanan ko nito?

Sunday, October 23, 2011

Ang Paglipas Ng Bagyo

Pangako kong hahawakan ko ang kamay mo. Uupo akong kasama ka at matutuwang panoorin 'tong kasama ka. Tatawanan ko ang kidlat. Kikiligin ako sa kulog. Titikman ko ang ulan. Papakiramdaman ko ang hangin. Kapag ngumiti na ang haring araw, bakas na lang ng mga tubig ulan ang maiiwan. Kasabay ng kanyang pagngiti, ang pagpawi sa aking ngiti.

At isang araw, iiyak ako sa isang bagyo na lumipas na. Yung bagyong hindi ko na maaaring ikasiyang kasama ka.

Nadala ng nakalipas na bagyo ang tapang ko, ang ngiti ko at ang pag-ibig ko.
At para sa mga bagyong darating, kakatakutan ko na kayong harapin dahil wala na siyang kasama ko.

Wednesday, October 19, 2011

Ang Paru-paro


Mahal kita, wala namang masama dun. Mahal kita pero hindi sapat 'to. Mahal kita pero may iba kang pinili. Mahal kita pero ang labong magkatagpo ang ating puso. Mahal kita pero hindi tayo pwede. Mahal kita pero hanggang dun na lang yun. Mahal kita pero gusto kong mawala 'to. Mahal kita pero nasasaktan ako. Mahal kita pero gusto kong matutunang hindi ka na mahalin. Mahal kita kasama na ang lahat ng pero na maihahain ng mundo. Mahal kita pero, pero, pero, pero. Mahal kita kaso madaming pero kaya katulad ng isang paru-paro, papaliparin ko na 'to sa himpapawid. Hahayaan kong maging malaya ako.

Hahayaan kong mag-umpisa muli ako sa pagiging uod, isang sawi. Hanggang dumating ang tamang panahon na ako'y handa nang muli. Alam kong darating ang panahon na magiging maganda akong paru-paro, at lilipad akong muli hindi dahil ako'y muling nasaktan bagkus, lilipad ako, kasama nung paru-parong makikita ang halaga ko. Lilipad akong mas masaya higit kailanman dahil sa wakas ang tamang paru-parong para sa akin, lahat ng pero kaya naming lagpasan.

Tuesday, October 18, 2011

Ang Paglalapat Ng Semento


Ito ang panahon para sa akin. Lalapatan na ako ng bagong semento. Lalapatan na ang bakas na iyong nagawa. Lalapatan na ng mga trabahador na aking inarkila ang marka mong hindi ata kailanman naging tapat (kahit na sa pakiramdam ko'y yun ang pinakatapat na pag-ibig na naramdaman ko). Siguro nga'y ako lamang sa iyo'y di naging sapat. 'Wag kang mag-alala, masaya pa din ako na kahit di ako sapat, kailanma'y ako'y walang magiging katapat.

Hindi ako mabubuhay na manghihinayang na ika'y dumaan at lumipas lang sa buhay ko. Mas lalong hindi ako nagsisisi na nasira ang daan ko nung pinadaan kita sa buhay ko. Hindi ako sadista para ikatuwang masaktan ako pero naging masaya ako sa naramdaman ko, sapat na yun. Naging masaya ako na sa pagdaan mo. Naging masaya ako, seryoso. Salamat.

May mga bagay lang na kahit gaano ko kamahal, hanggang dun na lang. Parang ikaw, kahit mahal pa kita, yun na lang. Mahal lang kita at lilipas din 'to. Mahal lang kita kahit ang layo-layo na natin sa posible. Mahal lang kita kahit malabong mahal mo din ako. Mahal lang kita kahit hindi ko na marinig sayong mahal mo din ako. Mahal lang kita pero, pero, pero at madami pang pero. Mahal kita at matatabunan din 'to ng tamang semento.

Monday, October 17, 2011

Ang Natauhang Snatcher


Ayos ka din! Una, gusto mo atang nakawin kita, hindi ko lang gusto. Ngayon, sasama ka naman sa akin. Isa na lang bang laro 'to? Isang laro ng taguan. Magtatago ako at lalayo sayo ng hindi mo alam, tapos magpaparamdam ka. Ano bang trip mo? Hindi mo ba alam na nung oras na lumayo ako sayo ng hindi mo alam, ibig sabihin ayoko na? Hindi mo ba alam na ayoko nang maapektuhan? Hindi mo ba alam na ayoko nang umasa? Mas hindi mo ba alam na ayokong sinasabihan akong mahal ako habang iba ang pinili mo? At lalong mas hindi mo ba alam na ayokong nagpaparamdam sa akin kapag may iba?

Muntik na akong magnakaw, buti natauhan ako. Muntik na kitang agawin, buti umayos ang takbo ng utak ko. Oo! Mahal kita. Mahal pa din kita. Pero hindi porke mahal kita, aagawin na talaga kita. Minsan dinidiliryo lang ako kaya naiisip ko yun.

Iba ang pinili mo. Hindi ako ang pinili mo. Lumayo ako pero lumapit ka. Ngayon, gusto kong patahimikin mo ako. Tama na 'to. Ayoko na sa taguan. Ayoko ng ganito. Sa susunod na lalayo ako ng hindi mo alam, pwede bang wag ka nang babalik? Pwedeng hayaan mo ng wala na ako? Kasi okay na okay naman na ako. Okay ako na hindi mo ako pinili. Pero hindi ako kailanman magiging okay na hindi mo na nga ako pinili pero lumalapit ka pa din sa akin. Hindi porke mahal kita, tatanggapin pa kita. Minsan, kailangan ko lang ng oras para maglaho 'tong nararamdaman ko. Hayaan mo na muna ako tutal hindi ako ang pinili mo. Hayaan mo munang magmahal ako ng iba. Hayaan mo munang sumaya akong todo ng wala ka. Hayaan mo na lang muna ako, please lang.

Saturday, October 15, 2011

Ang Pagbitaw Sa Pag-asa

Buti pa ang bagyo, may pag-asa. Buti pa ang mga may removals, may pag-asa pang pumasa. Buti pa ang daan, may patungong pag-asa. Tayo? Kailanman wala na talagang pag-asa.

Katulad ng sinabi ng Anonymous sa Ang Magkaibigan Lang --"Iwasan mo siya lahat ng konekta sa kanya iwas totally..... 'pag di ka hinabol, at least u have your pride."

Hindi ako sigurado kung kaarawan mo sa 19, tatapusin ko lang yun para sa huling beses magkaron ako ng excuse para ma-i-message ka. Huling pag-abot, huling hindi na muli.
Matagal na akong lumayo. Pero hindi ko pa binitawan ang pag-asa. Ngayon, lalayo ako ulit kasabay ng pagbitaw sa pag-asa. Sa panahon na 'to, maglalaho na talaga ang koneksyon natin, sa lahat ng posibleng maabot mo ako kahit sa mga kaibigan mo. At sana kasabay nun ang tamang paglalaho ng feelings pati ng pag-asa.

Matagal na akong lumayo, pero hindi ko agad binitawan ang pag-asa. Yun siguro ang mali ko. Sa dalas kong dumaan sa Pag-asa, hihikbi ako kasabay ng pagsabi na sana'y meron din tayong pag-asa. Lumayo nga ako sayo pero sa tuwing aabutin mo ako, abot langit din ang ngiti ko, hindi mo lang alam. Pero mahirap, mahirap pa rin pala ang hindi umasa. Mahirap pa ding iwasan yung ngiting nakukuha ko sayo. Lalayo ako. Papalayain ko lang lahat ng feelings na 'to. Babalik ako sa panahong nabitawan ko na lahat ng pag-asa. Magiging tunay ang paglayo. Sa aking paalam, hindi na muling magpaparamdam. Sana ikaw din, hindi ka na matutong magparamdam.

Ako mismo ang babalik, sa panahong hindi na kita mahal. Dadating ang tamang panahon na magiging magkaibigan na nga lang tayo.


Hindi na ako dadaang muli sa Pag-asa na umaasa pa rin sa atin. Dadaan ako dun, sabay cross fingers habang sinasambit ko na sa tamang tao at tamang pagkakataon, dumating ang tamang pag-asang hindi lang ako papaasahin. Yung magtatagal, yung pang habambuhay, yung hindi katulad ng pag-asa nating naglahong parang bula.


**Kung nagbabasa ka nito, please lang, sa paglayo ko, wag mo akong aabutin. Malamang alam mo kung bakit. Wag ipilit ang hindi na pwede. Wag ipilit ang pagkakaibigan. Wag ipilit ang hindi pa pwede.

Thursday, October 13, 2011

Ang Tanong Ng Snatcher



Di naman talaga ako isang snatcher. Muntik lang kasi nagmahal ako. Akalain mong marunong palang magmahal yung muntik ng maging snatcher. Naisip ko, paano kung maagaw nga kita, makuha nga kita, makukulong ako sa isang rehas ng relasyon na alam kong inagaw ko sa iba. Oo, makukulong akong kasama kita pero inagaw lang kita. Paano magiging masarap sa pakiramdam yung katotohanang hindi ka magiging akin kung hindi kita inagaw? Paano ako magiging masaya kung nakuha nga kita, pero hindi naman talaga ako yung unang pinili mo, na sadyang mang-aagaw lang ako?

Sana para ka na lang Macbook. Sana kaya kong mag-antay ng matagal para mag-ipon at mabili ka. Hindi yung matututo akong magnakaw makuha ka lang. Sana lang marami kang stock, kaso nag-iisa ka at ikaw yung hindi ko makukuha kailanman dahil hindi mo hinayaang makuha kita.

Ngingiti na lang ako. Maghuhulog ng pera kada araw sa piggy bank ko, aantayin ko na lang ang susunod na labas ng Macbook, yung hindi ikaw pero yung makukuha ko hindi dahil inagaw ko. Sana iregalo niya na lang yung sarili niya sa akin. Yung magiging akin kahit di ako maging snatcher. Yung magiging akin kasi kahit anong pilit ng iba, ako yung gusto niya at ako yung mahal niya.

Wednesday, October 12, 2011

Ang Mga Tamang Salita Para Sa Natitimang

YOU DON'T DESERVE BEING A RESERVE. Sa una, mahirap pero kailangan mong malaman na higit pa dyan ang halaga mo. LET GO. Di porke wala na siya, wala ka ng worth. Di mo alam, mas makikita mo ang worth mo kung sa ngayon, iisipin mo naman ang sarili mo. IT'S TIME. Nabigyan mo siya ng panahon, ng pagkakataon. Di pa ba sapat na ibigay mo sa iba at sa sarili mo ang oras mo? WAG KANG MATAKOT. Siya nga di natakot na mawala ka, kaya tiisin mo. Mababaliw ka, oo! pero sa tamang panahon makakalaya ka din sa rehab na yan. BUMUO KA NG BAGONG KWENTO. Alam mong matagal na kwento na ang nabuo mo, ayaw mo bang may iba ka pang kwentong may kwentang ikekwento sa iba? Matutuwa ka ba na buong buhay mo, yan lang ang kwentong nagawa mo? TAPUSIN. Kung di mo kakayaning bumuklat ng bagong pahina, pano mo malalaman na posible palang kahit wala siya, okay ka? Na kahit wala siya, sasaya ka?

HAPPINESS IS A CHOICE. Nasasawi ka sa kanya pero siya pa din ang pinipili mo. Umiiyak ka kasi ayos siyang wala ka pero siya pa din ang pinipili mo. Kung sa tingin mong masaya ka dahil andyan siya, bat ka nasasaktan? Kung sa tingin mo, yung pagputi ng mata mo kakaantay sa kanya yung magpapasaya sayo, nagkakamali ka. Pinili mo yan kasi duwag ka, kasi natatakot kang malaman na kaya mong sumaya kahit wala siya. PAG NAGMAHAL KA, IBIGAY MO LAHAT. Tama! Pero ang pagmamahal, di lang 'siya' ang konteksto. May Diyos, pamilya at kaibigan ka. Ibigay mo lahat pero wag lang sa kanya. ANG IKLI NG BUHAY. Kung gustong lumaya, palayain. Palayain mo rin ang sarili mo. Wag aasa sa malabong pag-asa. Ang ikli ng buhay para maging malungkot ka lang. May 24hrs ka lang sa isang araw. Sana piliin mo yung bagay na alam mong buong buhay kaya mong lumigaya. Wag kang papatali sa taong gustong lumipad. Bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataon. BE FAIR. Napahalagahan mo siya, ayan ka, nalugmok. Pahalagahan mo naman ang sarili mo. Hindi ka binuhay ng magulang mo para saktan niya, isipin mo naman yun.



"You never really stop missing someone - you just learn to live around the huge gaping hole of their absence"
-Blue Moon by Alyson Noel