Friday, February 2, 2018

Ang Paano Magpapaalam

Sa totoo lang, di ko alam paano magpaalam sa isang bagay na hindi naman nag-umpisa. Mas hindi ko alam paano magpaalam sa isang bagay na hindi ko naman gustong mawala talaga. Mas lalong tanginang hindi ko alam paano magpapaalam sa isang tao, kung gusto ko naman siya talaga.

Paano ba magpapaalam? Kung ayoko naman talaga.
Paano ako magpapaalam sa iyo? Kung gusto ko naman talaga araw-araw kang makausap man lang, kung hindi kita makasama.
Paano kita papakawalan? Kung ayaw naman talaga kitang mawala.

Kung madali lang sabihin na umupo tayo at mas magiging madali lahat kung maiintindihan kita at maiintindihan mo ako pero may mga bagay na ako mismo hindi ko kayang sabihin, kaya ngayon parang gusto kong takasan na lang. Biglaang mawala. Yung di mo mapapansin. Yung di mo alam. Yung parang natural lang na pinaglayo ng mga bagay at pagkakataon pero alam ko, sinadya ko, para mas maging madali sayo (kasi masaya kang kung anong kaguluhan meron tayo) pero sa parehong pagkakaton, magiging madali na din sa akin para hindi ako mabaon sa anumang pakiramdam na di naman (sa tingin ko) dapat maramdaman ko.

Siguro magiging madali ang paalam, hindi lang ngayon. 
Siguro mas magiging okay na mawala 'to, hindi lang ngayon.

Para maging mas madali 'to, ganito na lang siguro:
Mas gusto ko ng isang tao na hindi ako pag-iisipin kung ano ako sa kanya, kung anong meron sa amin. Yung kayang kumuha ng pagkakataon sa amin, kasi kilala ko ang sarili ko. Ganito ako, sumubok ako, lagi akong di takot sumubok pero sa taong alam kong ipupusta din yung puso niya sa akin. Yung kaya akong panindigan sa panahon na gustuhin ko siyang panindigan. Hindi ako pagod sa pag-iisip kung ano yung lugar ko pero alam ko, may taong mabibigyan ako ng siguradong lugar sa buhay nya, yung di ako magdududa, yung di ko kailangang hanapin pa, yung ibibigay na lang ng kusa. Yung hindi aabutin ng ilang araw para maisip ko kung ano ba talagang meron, kasi malinaw, ginawa niyang malinaw kung anong meron. Yung alam ko kung ano ako sa kanya.

Sa lahat ng 'to, paano ako magpapaalam? Paano pa rin ako magpapaalam sa iyo? Sa malabong usapan. Sa nakakalitong damdamin. Sa gulo ng damdamin. 


PS. Makapunta sana sa himpapawid ng pagkalimot ang pusong di makalimot. Mawala sana ang damdaming di makawala. Huminto sana ang lahat ng bagay na sa puso'y nanlilito.

PPS. Labo nitong blog entry na 'to. Parang ang lamlam ng puso ko (Hahahaha! - pero sa tingin ko di tumatawa yung puso ko sa post na 'to) Pero ang pangit nito, parang di dapat nandito, ang labo, pero parang damdamin ko ngayon 'to. Ang lungkot ko ngayon. Dehins ko alam kung bakit. Huhuhuhuhuhu

No comments:

Post a Comment

May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.