FILIPINO: Dila sa loob ng baga. KOREAN: 폐에 혀. SPANISH: Lengua en un pulmón. ARABIC: اللسان في الرئة. ILOKANO: Dila idiay unig ti bara. Sa kahit anong pagkakataon, tongue in a lung.
Sunday, July 17, 2011
Ang Semento
Gumuho ang puso ko. Gumuho nung iniwan ako ng pundasyon ko. Paunti-unti ang paglalagay ko ng semento. Mabagal pero siguradong matibay. Taon din bago ko natapos ang pagbuo nito. Walang kasing tibay. Ayoko na ngang magpapasok ng kahit na sino, dumugo man ang kamay nila sa pagkatok. Kaso may di inaasahang bisita. Naiwan kong bukas ang pinto, pumasok ka tuloy. Nandun ka na sa lugar kung saan walang nakatapak ng matagal. Bilangin mo ang paglipas ng buwan at taon, baka ikaw na naman maging pundasyon ko. Kaya ngayon pa lang, kung alam mong di mo madidikit ang pundasyon mo sa akin habang buhay, umpisahan mo na ang paglabas. Ngayon pa lang, iwan mo na ako. Iwan mo ako sa panahong di pa ako nakakahukay ng lugar mo sa puso ko. Wag mo akong papaasahin, kung sa huli, iiwan mo ako. Wag kang tatambay, kung sa huli, uuwi ka din sa iba. Wag mong hayaang mahalin kita, kung alam mong di mo ako kakayaning mahalin. Iwan mo na ako ng maaga, para makabili ako ng semento sa hapon, ilalapat ko agad sa iiwan mong bakas. Ang mahal ng semento, kaya sana maging konti lang ang gastos ko sa pagbili nun pag-iiwan mo na ako. Mahal ang semento, kaya mas okay sana kung di ka matutong umalis sa buhay ko para di ko sayangin ang pera ko pambili nun. Mahal ang semento, pero mas mahal kita, mahal na yata kita kaya wag ka sanang matutong umalis. Wag kang tatambay lang, samahan mo akong buuin 'to.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.