Naglakbay ako kasama ka. Naglakbay ako kahit maputik ang daan, kahit wala akong tsinelas. Sinamahan kita kahit alam kong puso ko ang pinupusta ko. Akala ko kasi di 'to laro, na di ka naglalaro. Pero tama nga siguro sila, rebound ako, reserba pa. Nalingap lang sandali, siya na naman ang 'yong pinili na kay dali. Lalayo na ako't sa inyo'y di sasali. Paunti-unting lumalayo. Tinatahak ang daang sa inyo'y malayo. Ang byahe ma'y di magiging 'sing bilis ng sa kabayo, ayos lang kasi ang puso ko nama'y binabagyo.
Ngayon, ako'y nagpapalinis ng paa. Ang daming putik ng 'yong alaala ang nadala. Sinusubukan kong ipaalis, dahan-dahan kong tinatanggal. Ngayon ko nga lang napansing muli ang mga paa ko. Napuno na pala ng kalyo dahil sayo. Wag kang mag-alala, siya man ang pinili mo, di na tatagos yan. Magmamanhid lang ako sa kapal nito.
Nga pala, bago mamaalam ng tuluyan, may kailangan akong ipahayag. Sa kapal man ng kalyo ko sa byahe natin, mas makapal pa dun ang nararamdaman ko.
Mahal kita. Hinintay lang kitang maunang magsabi. Mahal kita pero mahal mo siya. Mahal kita kaya ayokong mahirapan ka pa, ngayong sa unang pagkakataon pumili ka na, naging malinaw ang lahat sa akin. Mahal mo talaga siya kaya siya na naman ang pinili mo. Mahal kita, kaya lalayo na.
BYE, Evan!
***Lilipas din 'to. Kaya akong ayusin ng panahon. Dadatng ako sa puntong mawawala 'tong nararamdaman ko. Dadating ako sa puntong tatawanan ko ang kalyong 'to. Pero sa ngayon, dadamdamin ko muna lahat.
No comments:
Post a Comment
May karapatan kang ipahayag yan. Tongue in a lung, wag kang tatameme.